Chapter 31 - Confusion

7.5K 294 145
                                    

Chapter 31

Jace

Pinakawalan ko ang ilang sunod-sunod na pagbaril. Nagsiliparan ang casing ng bala sa bawat kasa na ginagawa sa hawak kong itim na handgun. Isa raw ito sa mga bagong baril na gusto nilang ipasubok sa akin.

"Anong masasabi mo? Maganda ba?"

Eksperto kong pinindot ang magazine release at pinalitan ng mga bagong bala ang magazine bago ipinasok muli sa may handgrip. Ilang segundo lang ang pinalagpas ko para tapusin ang lahat ng iyon bago ito muling itinutok sa harap. Ilan pang sunod-sunod na pagputok ng baril ang ginawa ko hanggang sa lahat ng paper target sa aking harapan ay maubos. Lahat ay may tantsadong tama sa ulo ng taong nakaguhit doon.

"Si Nathan nga pala unti-unti nang nakakapag-adjust sa opisina magmula noong siya ang humawak ng Ashez Corporation. Noong una akala ko mahihirapan siyang mag-adjust dahil alam naman nating pareho na hindi iyon ang forte niya."

Ang iba sa mga taong nasa loob ng target shooting ay tuloy-tuloy lamang sa pagbaril. Ako sa ikalawang banda ay inaabala na ang sarili na kalasin ang baril na hawak. Inabot ko kay Aiden ang baril na ginamit ko. Patuloy lamang siyang nagkukwento ng mga bagay tungkol sa kumpanya o kung ano pa man na kailangan kong malaman. Siya ang mata at tenga ko roon, bilib ako kung gaano kadetalyado ang lahat ng impormasyon na sinasabi niya sa akin.

Tumatango-tango naman ako para malaman niya na nakikinig ako. Kahit papaano ay wala na rin akong gaanong iisipin sa opisina dahil aalm kung naroon si Nathan at kasama niya si Aiden.

"Jace,"

Nilingon ko siya bago lumabas ng pinto. Hindi ko gaanong marinig ang iba sa sinasabi niya dahil masyadong maingay sa loob. Ang bawat pagputok ng baril ay tila ba isang bomba na umaalingawngaw sa aking tenga. Lalo na ang calibre singkwenta na rifle, isang putok ay halos dumagundong ang buong kwarto.

"Bakit?" Nakalabas na kami mula sa loob ng target shooting room kaya kasalukuyan ko nang tinatanggal ang itim kong gloves. Noong tinanggal ko ang ear protection ko ay tila ba luminaw ang lahat ng ingaw sa buong paligid. Hindi katulad kanina na tila ba lahat ng naririnig ko ay nasa loob ng kuweba.

"Ang sabi ko, anong masasabi mo sa baril na pinagamit ko sa'yo kanina?" Sumandal siya roon sa tabing mesa, kung nasaan nakapatong ang malaking paglagyanan ng mga shooting glasses. Hinagis niya rito ang kanya na akala mo isang bola na sino-shoot sa basketball ring. Ibinaba ko lang ang akin sa tabi.

Tahimik pa ako saglit. Sa dami ng iniisip ko, hindi ko namalayan na nakatulala na pala ako sa ibinaba kong shooting glasses. Narinig ko ulit na tinawag niya ang pangalan ko.

"Wala na 'to." Nakita ko pa siyang umiling-iling bago napahapo sa ulo. "Anong nangyayari sa'yo?"

"Maganda 'yung baril. Nice handgrip. Flawless firing shot."

"Hindi 'yan ang tanong ko. Ang tanong ko, okay ka lang ba? Anong nangyayari sa'yo? Kanina ka pa tulala ah."

"Wala. May iniisip lang."

Kinuha ko ang mga gamit ko sa loob ng locker sa gilid. Sinuot ko ang itim na wristwatch na tinanggal ko kanina. Alas syete imedya na ng umaga. Dalawang oras na pala akong narito.

"Sa Black Savage Headquarters ka raw nagpalipas ng gabi?"

"Oo."

"Hindi ka raw natulog sabi ni Niel."

Hindi ko maitago ang sarkastiko sa boses ko noong nagsalita ako. "Hindi ko alam na may bantay na pala ako ngayon."

"Gusto mong malaman ang totoo? Oo meron. Pinapabantay ka sa akin ng kapatid mo. Because you tend to overwork yourself in a lot of things."

Listen To My LullabyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon