Node 001: Operation Sandstorm

517 19 3
                                    

Kasalukuyang binabaybay nina Margo at Atomo ang gitna ng malawak na disyerto, sakay ng isang sasakyang panlupa.

Walang-imik si Margo habang nagmamaneho.

Tahimik lamang na namamaluktot si Atomo sa loob ng kanilang sasakyan. Katabi niya si Margo habang hinihimas-himas ang bukol sa kaniyang bunbunan.

Napapaling ng tingin si Atomo sa malawak na tanawin. Malakas ang hangin nang mga oras na iyon, madilim na kalangitan na tila ba nagbabadya ng malakas na daluyong ng buhangin.

"Mukhang may bagyo," aniya. "Magtagumpay kaya ang misyon?"

"Matagal na panahon nating hinintay ito. Magtiwala ka lang," sagot ni Margo.

Huminga ng malalim si Atomo at muling napapaling ng tingin sa malawak na disyerto. "Nasaan na kaya si Justine?" biglang niyang usap.

Sandaling natahimik si Margo bago sumagot. "Walang nakakaalam kung nasaan siya."

"Bakit hindi natin siya hanapin? Matutulu--"

"Atomo!" Biglang preno ni Margo sa kanilang sinasakyan.

Napasubsob si Atomo at napahalik sa harapang bahagi ng sasakyan.

"Pinili ni Justine na lumayo, magmula nang mawala si Karen. Hayaan na lang natin siya."

"O-Okay, My Labs." Tango ni Atomo habang nakabaliktad mula sa pagkakasubsob. "Bili tayo seat belt nextime, ha? Kahit 'yong mumurahin lang."

***

Dalawang taon ang makalipas, mula nang mapabagsak ang pwersa ng Program na si Lucile. Mahina pa lamang noon ang pundasyon ng pamahalaan nang itatag ng isang lalaking nagngangalang Froz ang Bagong Imperyo. Pinaniwala niya ang mga tao sa buong virtual world na ang mga Program ang banta sa pag-iral ng sibilisasyon ng tao sa hinaharap dahil sa mataas na antas ng pisikal at mental na kapasidad ng mga Program.

Nabulag ni Froz ang paniniwala ng mga tao at iniluklok siya ng mga ito bilang pinakamataas na pinuno ng Grid. Ginamit ni Froz ang galit ng mga tao sa mga Program upang mapatalsik ang dalawa sa mga natitirang pantas at pinuno ng Grid na sina Saifer Cross at Albert Han. Inilunsad ni Froz ang malawakang pagtugis sa lahat ng mga natirirang Program sa buong Grid, kabilang na ang mga Avatar... Ang Summoning sa panahong ito ay itinuturing na seryosong krimen.

Pinangunahan ni Froz ang paglikha ng mga sundalong makina na 'di tulad ng mga Program, mga walang emosyon at hindi nakakaramdam ng awa o pagsisisi... mga sundalong walang kakayahang mag-isip at sunod-sunuran lamang sa mga utos ng Bagong Imperyo--ang mga Mecha.

Tinuligsa ng ilang grupo ng mga tao na naniniwala sa pagkakaisa ng mga Program at mga tao ang pamumuno ng Bagong Imperyo. Sa pamumuno nina Saifer Cross at pinuno ng mga bandido na si Wulong, binuo ang isang lihim na samahan na lalaban sa Bagong Imperyo--Ang pangkat na kung tawagin ay Resistance.

Tatlong buwan na ang nakalilipas mula ng magsagawa ang Resistance ng sunod-sunod na mga pag-atake sa mga pangunahing sektor ng Bagong Imperyo, sa pangunguna nina Margo at Atomo.

Subalit, lubhang makapangyarihan ang pwersa ng mga Mecha ngayong wala na ang mga avatar...

***

Nakatago sa likod ng malalaking tipak ng bato, sa isang malawak na disyerto sina Bosyo at Harold habang sinisipat mula sa 'di kalayuan ang isang malawak na pasilidad na matatanaw sa dulo ng mahabang tulay na yari sa bakal. Ilang sandali pa'y dumating si Gregory.

"Naririto na sina Margo at Atomo," atat niyang bungad.

"Ayos!" Malaking ngisi ni Bosyo. "Ang pogi ko talaga, beyond reach!" walang kabuluhang bulalas ni Bosyo.

Summoner's Grid 2: Ascent of the MessiahTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon