Node 010: Rage of the Prime (part 2)

339 19 9
                                    

Dahil sa pagkuha nina Alena at Margo sa Ginintuang Pana, tuluyan nang naglaho ang buhawi ng buhangin sa atmospera ng Sektor E na nagkukubli sa tribro ng Mirkuru.

Natunton ng Bagong Imperyo ang kinaroroonan ng Mirkuru. Isang sagupaan ang naganap sa pagitan ng grupo nina Karen at ni Rugenhan, at sa kalagitnaan ng labananang ito, nagising ang nakakikilabot na kapangyarihan ng Alpha Gnome na natutulog sa katawan ni Justine.

***

Isang malakas na pagsabog ang naganap na halos gumunaw sa buong paligid. Nag-iwan ito ng isang dambuhalang hukay sa kalupaan, kabilang ang mga nawasak na kabahayan. Maswerte namang naka-ligtas ang lahat mula sa pag-atakeng iyon.

Kasalukuyang nakatago sa likod ng malalaking tipak ng bato sa paligid sina Karen, Margo, Quo, Alena, Kayek at ang iba pang mga residenteng nakaligtas mula sa matinding pagsabog na pinakawalan ni Justine.

Tahimik ang buong paligid.

Nakalutang lamang si Justine sa himpapawid. Nakabuka ang mga nagliliyab na pakpak habang walang emosyong pinagmamasdan ang malawak na mga guho.

Isinara ni Margo ang kaniyang mga kamao at nanginig sa pagkagulat. "N-nagawa n'yang pakawalan ang lakas ng Gnome Gene sa gitna ng Serial Encryption..."

Hinawakan ni Kayek ng mahigpit ang kaniyang tungkod. "Ito ang tunay na kapangyarihan ng Alpha Gnome..."

"Hepe, totoo po bang wala na siyang kontrol sa sarili?" tanong ni Alena sa matanda.

"Oo. Tuluyan nang naglaho ang diwa ni Justine sa dagat ng kapangyarihan."

"Justine..." pag-aalala ni Karen.

Dahan-dahang tumayo si Rugenhan mula sa ilalim ng mga gumuhong bato. Gula-gulanit ang baluti. Duguan at putol ang isang braso.

"B-buhay pa siya?!" silip ni Alena mula sa kinatataguang bato.

Nagpaling ng tingin si Rugenhan sa naputol niyang braso, dahan-dahan siyang ngumiti bago biglang tumawa ng malakas.

Natulala si Margo. "A-anong problema niya?"

"Justine Cross! Isa kang halimaw!" sigaw ni Rugenhan.

Tahimik lamang siyang pinagmasdan ni Justine.

Idinuro siya ni Rugenhan at ngumisi. "Pinatunayan mo lang kung anong klaseng halimaw ang mga tao!"

'Sing bilis ng isang kisap-mata, napunta si Justine sa harap ni Rugenhan at nagpakawala ng isang suntok sa sikmura nito. Sinundan pa niya ito ng isang sipa-paitaas, bago hinablot ang isang binti at inihampas sa isang malaking bato sa malapit.

Nawasak ang malaking bato at napalugmok si Rugenhan.

Pilit na tumayo si Rugenhan habang tumatawa. "Ganyan nga," ngisi niya. Inilahad pa ni Rugenhan ang kaniyang mga braso na tila iniaalok ang sarili. "Sige pa! Ilabas mo ang halimaw! Ilabas mo ang kadiliman sa puso mo! Tapusin mo ako!"

"Gusto n'yang dungisan ang mga kamay ni Justine!" pagkabigla ni Alena.

"J-Justine, huwag!" sigaw naman ni Karen, subalit hindi iyon alintana ng binata.

Nanlisik ang mga mata ni Justine. Inipon niyang muli ang isang nag-aalab na bola ng enerhiya sa kaniyang palad.

Napalundag-lundag si Margo sa kaniyang kinatatayuan. "Wahh! Hoy, Justine, balak mo bang wasakin nang tuluyan ang lugar na ito!?"

"Huwag ka nang mag-abala. Hindi ka niya naririnig," ani Hepe Kayek. "Tuluyan nang nilamon ng kapangyarihan ng Alpha Gnome ang diwa ni Justine."

"S-seryoso??"

Summoner's Grid 2: Ascent of the MessiahTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon