Node 009: Convergence

313 19 13
                                    

Habang naglalakbay sa malawak na guho tungo sa Templo ng Narkuru, nahulog sa isang patibong sa buhangin sina Karen, Margo, Quo at Alena, sakay ng kani-kanilang mga Paruru. Kasunod nito ang paglantad ng isang dambuhalang uod na may dalawang ulo. Kasabay ng makapal na buhangin na tumatabing sa atmospera ang nakapangingilabot na sitwasyong kinalugmukan ng grupo.

Patuloy ang pagpupumiglas ng mga Paruru habang patuloy ang mabagal na paglubog ng mga paa nito sa buhangin.

"Hindi tayo maaaring bumaba ng mga Paruru natin. Siguradong tayo naman ang dahan-dahang lalamunin ng buhangin," babala ni Karen.

"A-anong gagawin natin?!" yakap ni Margo sa leeg ng kaniyang Paruru.

"Kailangan nating mai-alis ang mga Paruru natin dito!"

"Akong bahala!" tango ni Alena. "Chakra Infusion! Gakung!"

Inasinta ng dalaga ang nakausling bato sa malayo at pinakawalan ang isang palasong balot ng ora. Tila isang lubid na kumunekta ang ora ni Alena mula sa mga Paruru, tungo sa malaking bato sa malayo. Mula rito ay sinimulang hilain ng mga Paruru ang kanilang mga sarili mula sa nangangaing buhangin.

Nahirapang i-angat ng mga Paruru ang kanilang mga sarili dahil sa lakas ng higop ng buhangin.

Umatungol ng malakas ang malaking uod at dahan-dahang lumapit sa apat.

"Lagot! Papalapit na s'ya!" tensyonadong ani Karen.

"Susubukan ko s'yang pigilan," tindig ni Quo sa ibabaw ng kaniyang Paruru sabay lapat ng kaniyang palad sa kaniyang plawta. "Chakra Infusion! Shakuhachi!" Inilapat niya ang plawta sa kaniyang bibig. "Serenity Charm!" bulalas niyA bago tipahin ang isang malumanay na musika.

Umatungol lamang lalo ang malaking halimaw at nagpatuloy lang sa paglapit sa kanila.

Inihinto ni Quo ang pagtugtog at umiling. "Hindi ko siya mapasunod! Hindi niya naririnig ang musika ko!"

"Hindi nakakarinig ang halimaw na 'yan," ani Alena.

"Anong gagawin natin?!" sabunot ni Margo sa sarili.

Nagpalingat-lingat ang dambuhalang uod na tila sinasamyo ang paligid. Umatungol itong muli at nagpatuloy sa pag-usad paglapit sa grupo.

"Mukhang naamoy n'ya tayo," ani Margo.

Binunot ni Karen ang kaniyang punyal. "Chakra Infusion! Stilleto!" Pinadaloy ni Karen ang kaniyang ora sa kaniyang Medium. "Stilleto---Ice Wall!"

Hinarangan ni Karen ng yelo ang dambuhalang uod. Bumuwelo ang uod at dinunggol ng kaniyang mga ulo ang yelong harang. Nabasag ang yelo at muling nagpatuloy ang halimaw.

"Kailangan ko pa ng mas malakas na pwersa," ani ng dalaga. Pinadaloy pa ni Karen ang mas malakas na ora sa kaniyang punyal.

"Anong ginagawa mo, Karen?" pagkabigla ni Alena. "Mababasag ang Medium mo sa ginagawa mo!"

"Kailangan ko ng mas malakas na kapangyarihan."

Unti-unting nagkalamat ang punyal ni Karen sa lakas ng orang pinadadaloy niya rito.

Napakagat ng labi si Margo at napabulong sa sarili. "Ang kapangyarihan ng Gnome ni Karen ay napakalakas. Siguradong hindi kakayanin ng isang ordinaryong punyal ang pwersa ng kaniyang ora."

Muling pinakawalan ni Karen ang isang mas malakas na kapangyarihan. "Stilleto---Ice Wall!!"

Mas matibay na harang ang nagawa ni Karen sa pagkakataong iyon. Maka-ilang beses pa iyong binagga ng higanteng uod bago nabiyak at tuluyan muling nabasag.

"Isa pa!" seryosong sambit ni Karen. "Mas lalakasan ko pa!"

"Karen!" babala ni Alena. Alam ng dalaga na mahina ang punyal ni Karen. "Sa sandaling magkamali si Karen, pihadong mababasag ang kaniyang Medium," bulong ni Alena sa sarili.

Summoner's Grid 2: Ascent of the MessiahTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon