CHAPTER TWELVE
Callisto Bautista's Point of View
"Liam, gising na po. Tanghali na," panggigising ko kay Liam. Tulog pa siya, napuyat sa kakatanong niya kagabi. Alas nwebe na, alas dose 'yong alis ng biyahe papunta sa amin.
Mahina ko siyang niyugyog at maya-maya lang ay nagmulat na siya ng mga mata kaya nginitian ko siya.
"Anong oras ba tayo pupunta sa paradahan ng biyahe papunta sa inyo? Inaantok pa ako eh," namamaos pa ang boses niya at hindi pa niya masyadong maimulat ang mata niya. Tapos ay muli siyang pumikit at tinangkang matulog ngunit mas lalo ko lamang siyang kinulit.
"Oo na. Babangon na! Nakakainis ka talaga," reklamo niya at kakamut-kamot na bumangon. Tatawa-tawa naman akong umalis sa harapan niya at bumalik sa kama ko para ayusin ang mga maiiwan namin.
Katatapos ko lamang maligo at si Eric naman ay nagsusuot na ng pantalon.
Kahit hihikab-hikab pa ay tumayo na si Liam at tumuloy sa banyo.
"Cali, pa'no mo nagawa 'yon?" tanong ni Eric nang wala na si Liam.
"Ang alin?" inosenteng balik-tanong ko.
"'Yong pagpapabangon mo kay Liam," sabi niya habang nagsusuot ng black t-shirt na may tatak na Blind Rhyme. Bagay na bagay sa kanya ang suot. Mas lalaki siyang tingnan at mas lalong gumugwapo kapag nakapantalon at naka t-shirt lang.
"Anong nakakapagtaka dun?" muli kong tanong.
"Walang nakakapagpabangon dun, kahit nga sina Tita Vilma. Gigising 'yon kung kelan gusto. Pero ikaw, agad mong napabangon ah," sabi niya. Siguro nanay ni Liam 'yong Tita Vilma na 'yon.
Nagkibit-balikat ako. "Ewan. Siguro, ayaw lang ma-chansingan kaya bumangon agad," sabi ko. Wala akong inaasahang ibang rason. Tumango-tango na lamang si Eric na parang ayaw nang sumagot pa.
Isinunod niyang nilinis ang sapatos at habang abala siya ay panay ang tanong niya sa akin tungkol sa lugar namin. Sinabi ko naman ang mga lugar na exciting puntahan gaya ng hot spring, falls, 'yong manggahan namin, ilog at marami pa.
Halata namang excite na excite na siya.
Nagbiro din siya na baka marami daw siyang mapapaiyak na dalagang bukid pagdating namin doon. Natawa naman ako kahit papano. Gwapo eh, hindi ako makakontra.
"Bungol," sabi ko nalang habang tumatawa. "Baka ikaw ang iiyak dahil hindi ka papansinin."
"Nakah! 'Tong gwapo kong 'to, hindi mapapansin? Imposible 'yon. Pati nga hayop, napapalingon kapag ako ang dumadaan," sabi naman niya habang nakangiti. Nag-pogi pose pa.
"Ay oo! Maraming kalabaw doon kaya siguradong mapapansin ka. Maraming mamamansin sayo, may kalabaw, may baka, aso, pusa at-O! 'Yong unggoy namin!"
"Kj kang beki ka! Bakit 'di ka nalang mag-agree?"
"Bleh! Hindi ako agree," sabi ko at binelatan siya.
Inilagay ko na sa aking bag ang mga iuuwi kong gamit.
"Hindi ka magkakaroon ng boyfriend niyan kapag 'di ka nag-agree na gwapo ako," sabi niya sa tonong parang hindi niya ako titigilan hangga't 'di ako nagsasabi ng Oo na! I agree.
"Eh 'di mabuti. Magma-madre kaya ako," sabi ko na siyang ikinatawa niya ng malakas. Halos hindi na siya tumigil.
Pero nang mahimasmasan siya, "Madre na may sandata!" sabi niya at muling tumawa.
"Okay. At dahil tinawanan mo ako, mas lalong 'di ka gwapo!" muli akong dumila at ibinaling ang atensiyon sa aking ginagawa. Nang matapos ay tumayo na ako at nagpalit.
BINABASA MO ANG
A Very Forbidden Love (Book 1 Published)
RomanceSeryoso ka - Makulit siya Mahinhin ka - Pasaway siya Bakla ka - Straight siya Magkakasundo kaya kayo?