Walang alarm ang gising ko kinaumagahan kaya napasarap at tinanghali ako. Linggo naman at walang pasok kaya ayos lang.
Nagluto akong umagahan at nakitang tatlong itlog at isang sardinas na lang ang nasa cupboard. Isa pa, maglalaba ako ngayon at maglilinis ng bahay. Binalikan kong muli ang isang libong tip ko kahapon atsaka nagpasyang mag-grocery ngayong maluwag.
"Miss, wala bang mas mura dito?" tanong ko sa saleslady habang hawak ang isang lata ng sardinas.
Dinampot niya iyon at tinitigan ang presyo nang tagilid ang labi. "Iyan na lang pinakamura, ma'am."
"Gano'n ba? Sige, thank you!" Napakamot ako sa ulo pero shi-noot din sa basket na hawak ang latang tumaas ng dalawang piso at singkwenta sentimos.
Puros pangangailangan ang binili ko at kung maaari ay sa pinakamurang halaga. Nagtitingin ako ng napkin nang tumunog ang cellphone ko. Binuksan ko iyon upang makita ang isang message galing kay Ate Yllana.
Ate Yllana:
Good morning! Kita tayo sa bistro. I'll fetch you. Mall tayo.Mall? Umarangkada ang pagkukwenta sa utak ko bago dinutdot ang keypad.
Ako:
Kaunti lang pera ko, e. Sa susunod na linggo na lang. Hehe.Ayoko naman kasing aksayahin kaagad ang one thousand na nahawakan ko. Pambaon ko pa 'yan hanggang sa susunod na buwan. Buti nga at fixed na.
Kinagat ko ang labi habang binubuksan ang dumating na reply ni Ate.
Ate Yllana:
No worries! Libre kita. Go! Take care.Nang mabasa ito ay tumingin-tingin ako sa paligid na para bang may manghuhuli sa akin. Pupunta ba ako? Nahihiya yata ako dahil nang nakaraang Linggo ay siya nanaman ang naglibre sa akin. Binilhan pa ako ng mga damit at pantalon na pang-college ko.
Ako:
Okay!Nalukot ang mukha ko. Bibirahin lang ako ni Ate Yllana ng pilit kapag hindi ako pumayag. Isa pa, kailangan ko naman siguro ng signipikanteng tao sa buhay ko.
Matapos mag-grocery ay bumalik na ako patungo sa apartment muna. Iniwan ko ang pinamili do'n saka naglakad na patungo sa bistro. Tanaw ko kaagad ang silver na sasakyan habang si Ate Yllana ay nakahilig sa isa sa mga billiard table na nasa labas.
"Hello, Chrissy!" Lumapit siya sa akin at ngumiti.
Nahihiya akong ngumiting pabalik.
"Hi...." Patagilid-tagilid ang labi ko.
Hindi tulad ng akin, morenang balat ang yumayakap kay Ate Yllana na tumitingkad lalo sa katanghalian at sa suot na yellow sundress. Straight ang kanyang buhok na pwede ko ngang panalaminan. Malalaki ang kanyang mga mata at mahahaba ang pilik-mata. Ang kanyang figure ay perpekto pa. Nahihiya nga akong tumabi.
"Mamaya pa naman ang shift mo, 'di ba? Okay lang 'to." Kumuha si Ate Yllana ng kanyang natipuhang blouse atsaka shi-noot sa cart. Habang bumubuka ang kanyang labi habang nagsasalita ay nakikita ko ang mukha ng aming Mama sa kanya.
"Okay lang," kibit-balikat ko.
Tumango siya ngunit nang makitang iisa pa lang ang nagustuhan kong damit ay sumimangot. Hiyang-hiya ako nang bilhan niya ako ng tatlong tshirt atsaka isang dress tapos isang pantalon na mamahalin lahat ang tatak.