Nang sumunod na araw ay mahaba ang vacant ko sa school kaya naman umuwi ako. Natyempuhan ako ni Mirna sa apartment at dali-dali siyang pumasok.
"Paano kaya napunta iyong lalaking iyon dito, Chrissy? Mayaman ba talaga?"
"Sino? Si Sir Ram?"
Tumango siya atsaka ngumuso. Napuna ko ang pula ng kanyang labi senyales na kagagaling lamang niya sa date ng mga temporaryo niyang lalaki. Ganoon kasi si Mirna. Para raw mag-enjoy sa buhay atsaka hindi malaos ang ganda.
Sumubo ako ng kanin habang nakikipag-usap sa kanya. "Bibilhin niya raw 'yung bistro. Tapos, may sports car pa. Oh, ayan..."
Tindig pa lang ng paglalakad at ang mayabang na awra ay spiritong mayaman na. Bigatin. Hindi ko alam kung bakit ako napapailing tuwing naiisip 'yon.
"Nasa google ba 'yan? Kung mayaman 'yan, nasa google 'yan!" Humagalpak siya ng tawa at pumalakpak.
"Ano namang gagawin ko kung nasa google? Ibo-broadcast ko sa mundo na mayaman siya? Gagawa ako ng fans club niya? Gano'n ba, Mirna?" Naiirita ang boses at mukha ko. Humalakhak lamang ito.
Habang kumakain ay hindi madaloy-daloy sa ibang topic ang pinag-uusapan namin ni Mirna. Naaalibadbaran ako. Nang makauwi ito ay laking pasasalamat ko. Ang ingay. At ang...issue.
Gumayak na ako para sa susunod na klase pero dinudungaw ng cellphone. Sa hindi malamang dahilan ay bumagabag sa isip ko ang ideya ni Mirna kanina. Kung sikat, baka nasa web nga. Pero, hindi naman siguro ganoon iyon kasikat? Baka small time lang din?
Napanguso ako. Nagbihis akong tuluyan at inignora ang nagpapapansin na telepono. Nang papaalis na ay dinampot ko 'yon saka binusalan ng bulsa. Labas na ako kung big time o small time iyon.
"Quote. The house of success and fame has finally arrived to their homeland. End of quote. What can you say about that, Mrs. Donofrio?" Humuhuni ang tv ng bahay na nasa tapat ko.
Buhawi man ang hangin at tunog ng mga nagdaarang motorsiklo at jeep, narinig ko pa rin. Para akong kinalabit at kusang dinungaw ang ulo.
"Isa na lang! Miss, university ka ba?" Napatalon ako sa boses ng jeepney driver.
Binalik-balik ko ang tingin sa sopistikadang babae na nakangiti sa telebisyon. Ang leeg nito ay puros pearls. Ang tenga, pearls. Ang palamuti sa buhok, pearls. Tumagilid ang aking bibig. Tumango na ako sa driver at may buntong hiningang sumiksik sa punong dyip.
Sa university, umikot lang naman ang mundo ko sa pagdukdok, pagtanga at pagbabasa ng kaunti. Wala ang iilang prof at naguguluhan pa ako sa ingay ng aking mga ka-block.
"Jayna! Huwag ka tumingin! Mahahalata ka niyan," halakhak nilang pagak.
Sa gilid ng mga mata ko ay umaatras ang isang babaeng dinungaw akong bulgaran. "Ganoon ba? E 'di 'wag. Ang angas kasi, e! Akala mo ay sobrang ganda!"
"Mayaman daw iyan? Maganda na kaso! Ang arte-arte..."
"Kausapin mo. Tanga!"
Pinitpit ko ang labi habang nadirinig ang kanilang mga pasigaw na pag-uusap. Dumukdok na lang akong armchair.
"Ayoko.'Di ikaw! Ayoko sa mukhang walang modo," parinig nang isa na ikinabuntong hininga ko.
Nag-angat ako ng tingin. Kita ko ang kanilang pag-iwas ng tingin ngunit may mga ngisi sa labi at paduro-duro pa. Nagkunot ako ng noo at dumukdok na ulit lalo.
Para silang walang kasama sa loob ng kulob na classroom. Madalas mang-mata at magparinig na tipong gusto mo na lang sumiksik sa isang madilim na sulok at hindi na magpakita pa. Gustong-gusto kong mag-aral at makatapos pero sa araw na nakikita ko ang pagmumukha nila ay mas gugustuhin kong isumbong sila sa aking kapatid.