Prologue

890 41 3
                                        

Alexandria

"Ang ganda dito no? Tahimik." Sabi ng isang tinig.

Binuksan ko ang aking mata at nakitang nasa isang rooftop ako. Kasalukuyan akong nakaupo malapit sa railings.

Sa tingin ko ay nasa rooftop ako ng paaralan. Maririnig din mula dito ang ingay ng mga estudyanteng nasa quadrangle at abala sa kanilang kwentuhan.

"Payapa. Malayo sa gulo." Dugtong ng tinig. Agad kong hinanap ito at nakitang ang tinig ay mula sa isang babaeng aking katabi.

Nakatingin sya ng direcho na tila malalim ang iniisip. Pinagmasdan ko sya ng mabuti. Dahil sa sinag ng papalubog na araw, ay parang kumikislap ang kanyang balat. Kita ko din ang perfectly shaped eyebrows nya na tila nakakunot dahil sa kanyang iniisip. May matangos syang ilong at mapupulang labi.

Dahil sa pag ihip ng hangin ay nagulo ang kanyang mahabang kulay itim na buhok at natakpan ng bahagya ang kanyang mukha.

Ini-ipit nya ang ibang hibla ng buhok sa likod ng kanyang tenga at kasabay nito ay bigla syang humarap sa akin.

Kitang kita ko tuloy ang kulay luntiang mata ng dilag. Ang ganda ng mga ito. At dahil pa din sa sinag ng papalubog na araw, nagmistulang diyamante ang mga ito.

"Magiging maayos din ang lahat. Isipin mo na lang may tatlong ulong kalbo ang professor mo...Nichole." Sabi nya at narinig ko syang tumawa ng mahina.

Maya maya pa ay humiga sya at pumikit na tila matutulog dito sa rooftop na ito.

Sinubukan ko syang kausapin ngunit hindi ako makapagsalita. Parang nandoon ako upang manood lamang sa nangyayari.

Ilang minuto ang lumipas at mukhang nakatulog na nga sya. Wala akong nagawa kung hindi ang humiga na lang din.

Kita ko ang langit na kulay kahel na, dahil sa araw. May pangilan ngilang mga ulap sa langit. Ipinikit ko ang aking mga mata. Dinarama ko ang hanging dumadampi sa aking mukha.

Tama sya, payapa dito. Tila makakalimutan mo ang lahat ng problema sa mundo.

Nagising ako sa aking pagkakaidlip. Hindi ko alam kung ilang minuto o gaano katagal akong nakaidlip. Napansin ko na lamang na halos balutin na ng kadiliman ang buong paligid. Wala na ring ingay na nagmumula sa mga estudyante. Nagsiuwian na ata ang lahat.

Agad akong napatayo dahil dito. Luminga ako sa paligid upang hanapin ang babaeng kasama ko kanina. Nakita ko syang nakatayo na malapit sa railings sa kabilang dako ng rooftop. Agad ko syang pinuntahan ngunit agad ding napatigil dahil sa aking nasaksihan.

Ang babae ay nakalutang pala sa kabilang side ng railings. Ngunit papaano yun nangyari?? May kapangyarihan ba sya??

Magsasalita na sana ako ng bigla syang nagsalita.

"Tulungan mo ako...Nichole." sabi nya na bakas dito ang kalungkutan at takot.

Pero sinong Nichole?? Ako ba ang tinutukoy nya?? Pero hindi yun ang aking pangalan. Ako si--

Hindi ko na naituloy pa ang aking sasabihin dahil bigla syang humarap sa akin. At isang nakakatakot na itsura ang bumungad sa akin.

Duguan ang mukha ng babae at hindi ko maitsurahan ito. Sira sira na din ang kanyang damit at unti unti syang lumulutang papalapit sa akin.

Sa sobrang takot ko ay ninais ko na sanang tumakbo. Ngunit di ko nagawa, bagkus, napaatras ako at sa kasamaang palad ay natalisod ako dahilan para ako'y mapaupo sa sahig.

Nanginginig na ako sa takot. Bakit ba nangyayari to?? Sino ba sya?? Ano bang kailangan nya??

Hindi ako makasigaw para makahingi ng tulong, at ang tanging nagagawa ko na lang ay maupo doon at titigan ang babae. Gusto kong tumakbo palayo dito pero parang naparalisa ang aking mga binti at hindi ako makatayo. Halos malapit na ang babae at gustong gusto ko ng sumigaw pero walang kahit anong ingay ang makalabas sa aking bibig.

"Tulungan mo ako Nichole." Paguulit nya pero this time ay nakakatakot ng pakinggan ang kanyang boses. At sa isang iglap, sumugod ang babae at doon na nagdilim ang lahat.

Alexandria (girlxgirl)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon