"Isang taon ka ng wala baby. Sorry... kasalanan ko kung bakit ka nandiyan." Nakaupo si Enzo sa harapan ng puntod ni Danica T. Anseo, girlfriend niya na namatay dahil sa isang malagim na trahedya.
Tumayo na si Enzo para magpaalam kay Danica. "Baby, una na ako, may klase pa kasi ako at baka ma-late ako... nagpromise pa naman ako kay papa na hindi na ulit ako aabsent ng walang matinong dahilan. Sorry ulit. Sorry. Sorry."
Pilit mang pigilan ni Enzo ang mga luha ay mahirap dahil hanggang sa puntong iyon ay labis na sakit pa din ang nararamdaman niya. "Namimiss na kita. Mga kwentuhan natin, mga ngiti mo, pagtawa mo, yung mabango mong amoy, mga yakap at halik mo. Kung maibabalik ko lang--"
Labis ang nararamdaman niyang sakit at paghihinagpis na parang kahapon lang ang nakaraang taon.
Habang papalakad na pabalik ng kotse si Enzo ay hindi inasahang nakasalubong niya ang pamilya ni Danica na inisnab lang siya at dumiretso na sa puntod. Gusto mang lumapit muli ni Enzo sa pamilya ni Danica ay hindi niya magawa dahil wala naman siyang mukhang ihaharap sa kanila dahil sa sinapit ni Danica.
Bago sumakay ng kotse ay sinulyapang muli ang lugar ng puntod ni Danica at saka umalis patungo sa eskwelahan.
Pangatlong taon na niya sa kolehiyo at nag-aaral ng kursong HRM. Kasama niya ang tatlong kaibigang sina Erik, Bryan at Alex na kabanda din niya noong buhay pa ang RAER band. Simple lang ang mga pangarap niya noon, ang tumagal na panghabang buhay ang samahan nilang magkakaibigan, ang makasama hanggang sa pagtanda ang pinakamamahal niyang kasintahan at mahabang buhay para sa pamilya niya para mas matagal pa silang magkakasama sa kalungkutan man o sa kasiyahan. Ngunit, sa isang trahedya lang pala guguho na ang mga pangarap na inaasam-asam niyang makamtan.
Dumating na siya sa eskwelahan at sinalubong siya ng tatlong kaibigan niya sa entrance. Kumakaway na kaagad ang kaibigan niyang chubby na si Alex na madalas mafriendzone ng mga nililigawan at maseenzone ng mga chinachat niya sa facebook. Drummer siya sa banda at marunong din magpiano.
Humakbang naman ang semi-kalbong si Erik para makipag-apir sa kanya. Kaibigan niyang napakalakas kumain pero hindi tumataba at kung minsan parang pumapayat pa. Sa banda siya ay gitarista at sa mga handaan ay laging bisita.
"Dumaan ka sa kanya?" Tanong naman ni Bryan, ang back-up bokalista nila sa banda at pinakabarumbado sa tropa. Kung may kalbo, siya naman ay kulot at may malaking pangangatawan dahil sa libreng gym ng bayaw niya.
"Oo, nakasalubong ko nga sila tito Mar eh." Mabilis na sagot ni Enzo, ang bokalista at lider ng grupo. Hindi man saksakan ng kagwapuhan ay malakas naman ang dating at magaling pumorma. Pinakamaraming ambag sa lyrics ng mga nasulat nilang kanta at pinakaseryoso din kung magmahal hindi lang sa pamilya kundi kasama na din ang mga kaibigan at kasintahan. Kaya ganoon na lamang gumuho ang mundo ng iwan ng kasintahan dahil sa pagkakamaling labis niya nang pinagbabayaran at pinagsisisihan.
Balisang naglakad si Enzo papunta sa klase nila kaya sa hindi sinasadyang pangyayari ay nabangga niya ang isang babae na papalabas sa classroom. Nalaglag ang suklay at bolpen na dala ng babae pero pinulot naman ito kaagad ni Enzo na mabilis din niyang ibinigay sa babae sabay hingi ng paumanhin sa nabangga. Sa pag-abot na iyon ay nagtagpo ang kanilang mga mata na hindi din tumagal dahil mabilis na naglakad papunta sa uupuan si Enzo.
"Pasensya ka na, may pinagdadaanan yung tao kaya wala sa wisyo." Nakangiting sabi ni Bryan na tinitingnan ang babaeng nabangga ni Enzo.
"Ganun ba?" Mahinang tanong niya habang nakatingin pa din kay Enzo na sa sandaling iyon ay nagsaksak na ng earphones sa tenga para makinig ng musika. Humarap siya sa magkakaibigang naiwan na nakatayo malapit sa kanya at nginitian lang ang mga ito.
BINABASA MO ANG
Tadhana't Musika
RomanceSa hindi inaasahang pagkakataon ay pagtatagpuin ang dalawang tao. Si Enzo, Isang lalaking may mapait na nakaraan na dala-dala pa din hanggang sa kasalukuyan. At Si Geraldine, Isang babaeng handang tumulong at magpasaya kahit na may tinatagong nakara...