Kabanata 6

9 0 0
                                    


Maagang gumising si Enzo kahit wala namang balak pumasok.

Hawak ang cellphone at binuksan ang text na may nakapaloob na address ng pinapahanap na tao. Humuhugot ng maraming hangin para makapag-isip ng tama at para hindi na din bumugsong muli ang matinding galit na kimikimkim sa loob. Maagang natapos maligo at nag-ayos pero piniling humilata sa kama hanggang hapon. Hindi malaman kung ano ba ang pumipigil sa kanya o sadya nga lang bang nagpapatagal dahil hindi pa siya handa makita ang dahilan ng pagkamatay ng ina.

Alas-dos ng hapon, Bumangon sa wakas para umalis na ng bahay at binilinan ang kasambahay na huwag siyang isusumbong na hindi pumasok. Dumiretso na sa kotse dala ang backpack na may lamang mga libro at notebook para hindi mabisto kung sakali mang usisain ng ama.

Nagdrive na siya patungo sa address na nakalagay sa text at nang malapit na ay nagtanong-tanong na para makasigurong tama ang tinatahak na landas. Ilang tanong pa ay palapit siya ng palapit sa lugar na hinahanap ngunit sa bawat paglapit sa destinasyon ay ang kabang hindi maikubli sa sarili na walang kasiguruhan kung makakabuti ba sa kanya o makakasama.

Ilang kanto pa ay natumbok na niya ang lugar at lalakarin na lang ang eksaktong bahay na hinahanap niya. Muling tiningnan ang address sa screen ng cellphone at napaisip ng maigi. Isang pag-iisip na nagdala muli sa kanya sa malagim na trahedya ng nakaraan. Sa kalapit-lugar pala ng napuntahang lugar ay ang lugar kung saan nangyari ang malagim na trahedyang kinasangkutan niya mahigit isang taon na ang nakakalipas.

Nagpark siya sa tapat ng karinderyang may mga parokyanong taxi at tricycle driver. Para hindi mausisa at para na din mapadali ang paghahanap ay sinadya na din niya ang pagkain sa karinderya.

"Ate, may pansit kayo diyan?" Tanong ni Enzo habang sinisilip ang ibang kalderong may mga lamang ulam.

"Mayroon ser, pero lutuin pa kasi naubos na ang huling luto." Sagot ng tinderang sumasandok ng mga ulam at isinusupot para sa magte-take-out na kustomer.

Nag-antay si Enzo sa order niya habang nagmamasid sa paligid na para bang may naghahanap sa kanyang mga lespu.

Isang padyak driver ang tumabi sa kanya at ngumiti pa sa kanya na halos mapakita pa niya ang kabuuhan ng kulang-kulang na mga ngipin. Sumipol sa tindera at para bang matik na nakaorder na siya.

"May hinahanap ka boss?" Nakangiti pa ding nagtanong kay Enzo ang katabi na nakabasa ng kilos niya.

"Oo, may kilala ka bang Ernesto? Ernesto Galves." Sinagot ni Enzo ngunit sinilip lang niya ang katabi sa gilid ng mata. Napansin niyang nabura ang mga ngiti nito at naging seryoso kaya kinonsidera niya itong may kakilala sa sinabi niyang tao.

"Oo boss, ihahatid na kita doon kung gusto mo. Hindi na makakapasok oto mo doon kaya sumakay ka nalang sa'kin."

"Sige, at kung may gusto ka pa orderin, umorder ka lang. Ako na bahala sa'yo."

"Talaga boss? salamat!" Mas lumaki ang ngiti ng padyak driver na parang nanalo sa raffle draw ng baranggay pag may eleksyon.

Masayang kinuha ng padyak driver ang take-out niya na binayaran din ni Enzo kasabay ng kinain nila sa karinderya. Pinaubaya na din sa karinderya ang sasakyan ni Enzo sa tulong ng padyak driver na suki pala doon.

"Sakay na boss. Mga tatlong minuto andoon na tayo." Agad namang sumakay si Enzo na tinitingnan ng mga nadadaanan nila. Mapabata, matanda o tambay man at isama mo na ang mga tsismosang nagkukumpulan sa gilid ng kalsada ay lahat napapatingin ng may paghihinala sa kanya.

Bilang bagong salta sa lugar ay di maiiwasan ang mga ganoong tingin. Mga tinging maihahalintulad sa tingin ng isang biktima tungo sa isang salarin.

Tadhana't MusikaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon