I : Pagsilang

9.5K 170 21
                                    

Lahat ng tauhan, mga tribung nabanggit, at mga lugar sa kwento ay kathang-isip lamang. 

MGA TRIBUNG KASALI SA KWENTO:

Mamamana - isa sa pinakalamakas na tribu sa pulo ng Hiyas; pnamumunuan sila ng babaylan at sumasakop sa hitik na kagubatan ng Fahiyas.  Kababaihan ang kanilang mandirigma at ang kanilang mga kalalakiha'y taumbahay at mga manggagawa, at walang pulitikal na katayuan sa lipunan.  May sistemang pang-aalipin.  Tao: Mamamana-u

Kalayahano - isa ring malakas na tribu mula sa silangang bahagi ng Hiyas at sumasakop sa Baybayin ng Kalubihan; sila'y mangangalakal at may sistemang pang-aalipin.  Tao: Kalayahanon; Pinuno: Datu

Pugot-ulo - karatig-tribu ng Mamamana at sumasakop sa malaking bahagi ng ilog at gubat ng Makiyas; kinatatakutan dahil sa kanilang mabangis na pakikidigma at pamumugot; Tao: Pugot. Pinuno: Datu.  Angkan:  Alamid - mga piling mandirigmang sumasamba sa diyos ng Digmaan, ang iba sa kanila ay Pinagpala(may supernatural na kakayahan) ng diyos na si Gurama-un.

I

     Nagngingitngit ang kalooban ni Kusog habang tanaw mula sa durungawan ng balay ng Babaylan ang kubo ni Mayang.  Kanina pa siya dapat naroon sa tabi ng unang asawa at inaalalayan si Mayang sa panganganak nito, ngunit wala siyang magawa ng mga sandaling nakadungaw siya sa bintana.  Hindi niya maigalaw ang mga paa at lisanin ang malaking bahay na pag-aari ng Babaylang Amila, ang kasalukuyan niyang asawa ngayon.  Wala silang nagawa noon ni Mayang nang matipuhan siya ni Amila.  Pinaghiwalay sila ng pinuno at ngayon nga'y kabiyak na siya ng babaylan.  Kababaihan ang may mataas na katayuan sa Fahiyas at ang mga lalaki'y walang karapatang mangibabaw.  Karamihan sa kanila'y mga dating bihag sa digmaan at ginawang asawa ng mga Mamamana-u upang magpatuloy ang kanilang lahi.  Iba ang kwento nila ni Mayang.  Nagkakilala sila sa bayan ng Giraram -  ang sentro ng kalakalan - at nagkaibigan.  Walang digmaang namagitan sa kanilang dalawa bagama't pareho silang mahuhusay na mandirigma.  Ni minsa'y hindi siya itinuring na alipin ni Mayang.  Napakasakit na yugto ng kanyang buhay nang piliin siyang kabiyak ni Amila.  Nagbanta siyang uuwi sa Kalubihan ngunit mas mabigat ang banta ni Amila; buhay ni Mayang.  Kaya nagtiis siya sa piling ng babaylan.

     Aah, napakasakit pakinggan ang uha ng sanggol na iniluwal ng babaeng tunay niyang minamahal.

     "Matulog na tayo, Kusog," anyaya ni Amila.  Parang walang narinig ang huli, bagkus, tumalikod pa ito sa asawa.  Nainip ang babaylan at pabalang niyang pinaharap sa kanya si Kusog.  "Sundin mo ang inuutos ko!"

     "Hindi pa ako inaantok, Babaylan," matigas na wika ni Kusog.  Siya ay nagmula sa tribung Kalayahano, kung saan patas ang karapatan ng babae't lalaki.  Kung si Mayang lang sana ang kapiling niya ngayon...

     "Matagal ko ng sinasabi sa iyo, kalimutan mo na si Mayang.  Ako na ang asawa mo ngayon."  Inip na bumuntunghininga ang lalaki bago hinarap ang asawa.

     "Kasisilang lang ng anak ko, Amila.  Nais ko siyang makita at mayakap," garalgal na ngayon ang boses ni Kusog.  Nanatiling matigas ang anyo ng babaylan.  "kung hindi mo ako pagbibigyan ay hayaan mo na lang akong marinig ang iyak ng aking anak."  Naghamunan ssila ng tingin, at di nagtagal ay padabog na tumalikod si Amila.

     Kinabukasa'y naglakas-loob siyang dalawin ang kanyang mag-ina.  Tuwang pinagmasdan ni Mayang ang dating asawa habang pinupupog nito ng halik ang sanggol na babae.

     "Baka mausog yang bata," maanghang na puna ni Apo Uring, ang mananambal ng tribu.  Kasalukuyang naghahanda ng mga dahong pakukuluan ang matandang kasapi rin ng Katigulangan.  "Bakit ka ba naririto, amang?  Pinayagan ka ba ng babaylan?"  Ngumiti lang si Kusog sa mapanghusgang tingin ng mananambal.  Umismid ito sa kanya.

TALAHIBTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon