Mayabang ang dating ng mga kalalakihang naglalakad papasok sa sentro ng Fahiyas, habang nakaabang sa bulwagan ang mga Mamamana-u at hinihintay sila. Ito ang kauna-unahang pagkakataong maglalaban ang mahigpit na magkaaway sa loob mismo ng nasasakupan ng Mamamana. May pintura ang mga mukha at hubad na dibdib ng mga mandirigmang naglunsad ng Panimalus laban sa kanila. Ang suot nilang salawal ay kulay pula at makikintab ang bitbit nilang palakol at sundang.
"Bathala..." May iilang napausal ng dasal nang masilayan ang malahayop na anyo ng mga bagong-dating. Iisang tao lang ang walang pintura sa mukha't katawan, ang pinuno ng pangkat-panlusob. Isang tingin lamang sa balatay nito sa dibdib ay kilala na siya ng lahat.
Isang Alamid.
Hindi pa lubusang nakakalapit sa kanila ang mga Pugot nang mag-angat ng kampilan si Talahib.
"Hanggang diyan na lamang kayo kung ibig pa ninyong mabuhay!"
"HUwag kang magpatawa, paslit!" Anang isa sa mga Pugot. "Ipapakain ka namin sa mga uwak mamaya!" Nagtawanan ang mga kasama nito.
"Ikaw ang uunahin ko, Pugot!" Ganti naman ni Talahib. "Paiinumin ko ng dugo mo itong aking hinagiban."
"Isa itong Panimalus, Babaylan," anang Alamid, "laban sa inyong panlulusob sa amin."
"At sa tingin mo'y tatayo na lang kami rito at magpapapugot ng ulo?" Asik naman ni Tanglao. "Matagal niyo na rin kaming nilulusob, Alamid. Patas lang na lumaban kami sa inyo!" Mapanghamon ang tinging ipinukol niya sa Alamid. Bahagyang naningkit ang mga mata ng kalaban bago tuluyang napangisi.
"Hahanapin kita mamaya, paslit..."
"Ito," Ani Tanglao sabay angat sa kanyang armas, "ang tatapos sa iyo."
Tuluyang natawa si Damongligao sa hamon ng batang Mamamana. Gagawin niya itong alipin sa Makiyas pag nagkataon.
"LUSUBIN SILA!"
Malalindol na lumusob ang sandatahang Pugot sa kanila. Humudyat si Ka Uring at biglang umulan ng pana patungo sa mga kalaban. Marami ang nasapol, ngunit marami pa rin ang pwersa ng Pugot-ulo. Ilang sandali pa'y nagpapalitan na ng unday ang mga magkalaban. Nakakabingi ang bawat kalampag ng mga hinagiban, bawat sigaw at ungol ng mga naroon. Umiyak ang araw nang matilamsikan ng dugo ang lupa.
"Nagkita tayong muli, paslit," may tuwa ang boses ni Damongligao nang makaharap ang Mamamana-u. Alam niyang may dugong-bughaw ito base sa pananamit at sa dala nitong kampilang may magarang sakuban.
"Kanina pa kita hinihintay!" Balik-hamon naman ni Tanglao sa ALamid. Nagpaikot-ikot sila sa isa't isa, pinakiramdaman ang bawat galaw habang nagkakagulo na sa kanilang paligid. Umunday ng saksak si Tanglao ngunit pinagtawanan lamang siya ng kalaban.
"Isa ka lang baguhan, paslit. Kitang-kita ko ito sa bawat kilos mo..." Malahayop ang ngisi nito sa kanya.
"Baguhan ma'y matalim itong sandatang minana ko kay Viscaya!"
"Ah," nakilala ng Alamid ang pangalang narinig. "Kapag bihag na kita'y mapapasaakin ang hinagiban mo."
Muling lumusob si Tanglao at nakipagpalitan ng unday at hataw ng patalim sa mabangis nitong kaaway. Wala namang ginawa ang Alamid kund ilagan at sanggahin lang ang bawat kilos ng tagapagmana. Lalong namuhi si Tanglao sa katunggali at binilisan ang kanyang mga atake.
"Hahaha! Ganyan nga, paslit..." May halong panunukso ang boses ng Alamid. Umunday siya at muntikan ng mapuruhan ang dalaga kung hindi lamang ito mabilis umiwas. Ilang saglit pa'y naulingan na nila ang mga bagong dating na mandirigma. Saglit natigil ang labanan hanggang sa makilala ng lahat ang mga bagong dating.
BINABASA MO ANG
TALAHIB
Historical FictionUnang kwento sa seryeng Hiyas Siya'y nagmula sa malakas na tribu, sinanay sa pakikidigma, at naipaghiganti ang nasirang ina laban sa mahigpit nilang kaaway. Kinamumuhian siya ng kanyang Babaylan at ibinaba ang katayuan sa buhay bilang alipin upang...