IX-2: Latay

1.9K 89 3
                                    

Nagising si Buhawi sa mahinang lagasgas ng tubig sa likod ng bahay.  Alam niyang nanggagaling ito sa balon, ngunit nagtaka ang binata kung bakit napakaaga naman yata ng sinumang nag-iigib ng tubig gayong maputla pa ang sikat ng araw.  Dahan-dahan siyang bumangon at nagbihis.  Natuwa siya nang mapansing hindi na makirot ang kanyang sugat.  Wala siyang duda sa husay ni Kabayu sa panggagamot.  Kababata nila ni Balod ang mananambal, hinasa rin sa pakikidigma ngunit mas pinili nitong gamitin ang kaalaman sa panggagamot na namana sa ina.  Dumungaw ang lakan sa bintana ng kanyang silid, kung saan makikita niya ang balon na ipinagawa niya upang hindi na mag-igib ng malayo ang kanyang mga tagasilbi.  Naroon sa batalang katabi ng balon ang Mamamana-u, tahimik na naliligo.  Napakurap si Buhawi, lalo na nang maalala niya ang unang pagkakataong nakita niyang naligo sa ilog ang dalaga.  Napalinga-linga siya at tiniyak na walang ibang nakamasid sa aliping binili.  Marahil ay pinagsabihan na ni Umpa ang dalaga at nakatapis na ito ng makapal na kumut habang binabasa ang hanggang baywang na buhok.  Biglang bumilis ang mga hakbang ni Buhawi, natawa nang mapansing dinadala siya ng kanyang mga paa patungo sa batalan.  Nasalubong niya si Batis, isa rin sa mga alipin at paborito niya, nang makababa siya ng bahay.

"Lakan, maayos na ba'ng pakiramdam mo?"  Gulat na wika ng babae.  Dati-rati'y kawili-wili para sa kanya'ng tignan si Batis.  Ngayo'y ibig pa niyang mayamot sa kausap.

"Oo.  Paraanin mo ako," angil ng binata.  Napakunot-noo ang babae sa asal ng lakan.

"Saan ka pupunta?"

Hindi siya pinansin ni Buhawi at tuloy-tuloy lang ito sa likod ng bahay.  Naabutan niyang sinusuklay na ni Talahib ang basang buhok.  Nagulat ito nang mapansin siya.

"Buhawi?"

"Uh..."  Walang masabi ang mandirigma, nautal pa siya.  Saglit silang nagkatitigan, hindi alam ang gagawin, ngunit si Talahib ang unang nahimasmasan sa pagkagulat.

"May iuutos ka ba sa akin, lakan?"

"Uh..."  Ibig niyang sipain ang sarili ng mga sandaling iyon.  Ano ba'ng mayroon ang babaeng ito at naglalaho ang kanyang bait?  Nagpalinga-linga siya, bahagyang nangatog ang tuhod, at naghanap ng mauupuan.  Naintindihan naman agad iyon ni Talahid at inalalayan siyang makaupo sa upuang nakasandal sa malaking puno.

"Magbihis ka na, Talahib," tanging nawika ng binata.  Kumunot ang noo ng alipin.

"Ito lang ba'ng ipinunta mo rito?"

Sipain ang sarili...

"Uh... Dito ako madalas magpahangin," talagang wala siyang ibang masabi ng mga sandaling iyon.  "Naalibadbaran ako sa aking silid pag gising ko, kaya..."  Nagtaas ng kilay ang kausap, halatang hindi kaagad naniwala sa kanyang paliwanag, ngunit nagkibit-balikat rin sa huli at muling tinungo ang batalan.  Napabuntunghininga si Buhawi habang patuloy na pinagmamasdan ang alipin.  Ipinungos nito ang mahabang buhok, at nanlaki ang mga mata ng lakan.

Naaninag niya ang mga pilat sa likod ng dalaga; marami ito at pahaba ang mga hugis... mga latay ng latigo!

"Ang likod mo, Talahib!"  Napakislot si Talahib sa paangil na boses ni Buhawi.  Hinablot niya ang kumut na nakasampay at dali-daling binalot ang katawan upang itago ang pilat.  Napatayo ang mandirigma at nilapitan si Talahib.  Umiwas siya ng tingin.

"Magbibihis na ako, lakan," ani Talahib, nakayuko ang ulo.  Akmang lilihis siya mula sa pagkakahara ng kaharap ngunit naagapan siya nito, sapo ang kanyang braso.

"Ano'ng nangyari sa likod mo?  Huwag ka ng magkaila pa, alam ko'ng mula sa latigo ang mga pilat na iyan."

"Parusa ni Amila, bago ako ginawang alipin," nag-angat ng mukha ang dalaga at nagbabaga ang mga mata niya nang makipaghamunan ng tingin sa lakan.  "Ngayong alam mo na, paraanin mo na ako."  Matagal bago tumabi si Buhawi.

TALAHIBTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon