XIV: Bagong Anyo

2.6K 86 3
                                    

XIV

"May suliranin ba ang kapatid mo, mahal?"  Tanong ni Dayang sa datu habang nagpapahangin sila sa lilim ng puno at pinagmamasdan ang mga kalalakihang nagsasanay kasama ang kani-kanilang lawin. Nahuli niya ang tinginan ng mga aliping nakapalibot sa kanila. 

"Bakit hindi mo tanungin ang Mamamana-u?"  Balik-tanong ng pinuno, sabay buntunghininga.  Ilang araw na nilang hindi makausap ng matino ang binata, lagi itong galit at pabalang kung sumagot.  Kaagad naintindihan ni Dayang ang sitwasyon.

"Mukhang may alam ang mga alipin.  Magsalita kayo," utos ng bae.  Nagkatinginang muli ang mga ito.

"Ayon sa balita'y nagkasagutan ang lakan at si Talahib.  Hindi na po sila nagpansinan pagkatapos nito, Bae Dayang," wika ng alipin.  "Naging magagalitin na po siya."

"Hmm.  May suliranin nga ang ungas na iyon, Dayang.  Suliranin sa puso."  Inutusan niya sina Buhangin na alamin ang pinanggagalingan ng poot ni Buhawi.  Niyaya nila itong makipag-inuman at saka nilasing.  Doon nila nalaman ang tunay na saloobin nito sa Mamamana-u.

"Nanliligaw ba siya kay Talahib?"

"Inayawan na siya nito, hindi pa man nakapag-uumpisa ang magaling kong kapatid," inip na wika ng datu.  "Hindi ba alam ng kinagigiliwan mong la-aw, na napakalaking karangalan sa kanya'ng suyuin ng isang dugong-bughaw?" 

Bumunghalit ng tawa si Dayang.

"Hindi lumaki sa Kalubihan si Talahib, mahal ko.  Hinubog siya ng kanyang ina para maghari sa digmaan, hindi upang makapag-asawa't magkaanak.  Marahil, hindi niya naiintindihan ang ginagawang panliligaw ni Buhawi, dahil hindi niya alam kung ano ito."

"Kung ganoo'y ipaalam mo sa kanya.  Naiinis na ako sa magaspang na ugali ni Buhawi.  Baka mapatulan ko na ang isang iyon kapag hindi pa tayo nakialam!"  Himutok ni Malaya.  Lihim na napangiti ang kanyang asawa.

Hinahasa ni Buhawi ang kanyang mga sandata sa batalan nang datnan siya roon ni Talahib.  May bitbit itong mga kumut at halatang naasiwa sa muli nilang paghaharap. 

"Pinabibigay ni Bae Dayang itong mga bagong biling kumut, Lakan." 

"Bakit hindi na lang alipin ang inutusan niya?  Naabala ka pa, Talahib," anang binata.  Itinabi niya ang kanyang hinahasang sundang at naghugas ng kamay sa batalan.  Walang isinagot ang kapwa mandirigma, nanatili lamang itong nakatayo na parang tuod.  Lumapit si Buhawi at kinuha ang mga kumut.  "Iparating mo kay Dayang ang aking taos na pasasalamat."  Tumango lamang si Talahib.  "May iba ka pa ba'ng kailangan?"

"Uh, wala na.  Sige, paalam."

"Hanggang sa muli," kibit-balikat ng lakan bago pa man ito bumalik sa kanyang dating pwesto at ipinagpatuloy ang pagpapatalim sa hinagiban.  Napakurap si Talahib sa pagwawalang-bahala ng binata sa kanya.  Agad niyang nilisan ang bahay ni Buhawi, may bitbit na tanong sa isipan.

Bakit nga ba ako pa ang nautusan?

Kasalukuyang nagsisiga ng tuyong dahon sa kanyang bakuran si Talahib ng hapong iyon nang bisitahin siya ni Buhangin.  Kahit nagtataka'y pinakiharapan siya ng dalaga.

"Napadaan ka, Buhangin?"

"Inaanyayahan kitang sumama bukas sa Giraram.  Mangangalakal kami at may gaganaping pulong ang mga mandirigma para sa binubuong pangkat-pangkapayapaan nina Buhawi."

"Uh..."  Hindi kaagad nakasagot si Talahib.  Nanibago siya sa paanyaya ng nakatatandang mandirigma.  "Sasama ba ako sa mga mangangalakal o sa mga mandirigma?"

"Ibig kong maging isa ka sa tagabantay ng mga kalakal natin.  Mapanganib ang daan patungong Giraram.  Mainam na'ng magsama ng isa pang mandirigma laban sa mga tulisan.  Sa hapon pa naman ang pulong, Talahib.  Kung aanyayahan ka'y makakasali ka."

TALAHIBTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon