XIII: Diga

2K 83 5
                                    

XIII

Matinding iwasan ang namagitan sa kanilang dalawa matapos ang nangyari sa pamamahay ni Buhawi kamakailan lang.  Ngunit, maliit lang ang Kalubihan.  Magtatagpo at magtatagpo pa rin ang landas nila. 

Naisipang dalawin ni Talahib si Umpa minsang nabakante siya sa kanyang paninilbihan kay Dayang.  Masaya silang nagkumustahan ng nakatatandang babae at iba pang naroon nang bumaba mula sa ikalawang palapag si Batis.  Agad itong sumimangot nang makita si Talahib.

"Uy," kutya ng alipin.  "Ano'ng masamang hangin ang nagtaboy sa iyo rito, la-aw?"

"Magbigay-galang ka kay Talahib!"  Galit na bulalas ni Umpa.  "Baka nakakalimutan mong mababa ka pa rin sa kanya?"  Nagtimpi lang si Talahib, nanatiling nakaupo at walang imik.  Lumapit sa kanya ang alipin, sinuri siya mula ulo, hanggang paa.

"Ano ba'ng nakita sa iyo ni Buhawi?  Basahan kung titignan ang iyong kasuotan," patuloy na pang-iinsulto ng babae.

"Hoy, Batis!"  Hindi na rin nakapagpigil ang iba pa'ng mga aliping nakarinig.  Walang takot pa ring hinarap ni Batis ang Mamamana.

"Kung tutuusin ay mas maganda pang manamit sa iyo ang mga alipin rito, taong-bundok!  Hindi ka ba nahihiyang ipangalandakan ang sarili mo sa lakan?"

"Magpapaalam na ako, Ka Umpa, mga kasama.  Sa susunod na lamang tayo uli magkwentuhan," mahinahong wika ni Talahib.  Akmang hahakbang na siya ng harangin siya ni Batis, bakat sa mukha nito ang matinding pagkamuhi sa kanya.  Nagkuyumos ang palad ng mandirigma, pilit nilulunok ang galit.  Hindi  niya nais patulan ang mga patutsada ng alipin.  Lumapit si Umpa at hinatak papalayo ang nakababatang alipin.  Nagalit si Batis at itinulak ang matanda.  Sumalampak ito sa sahig.  Nagdilim ang paningin ni Talahib.  Napasinghap sa takot si Batis nang mamalayang nakadiin na sa kanyang leeg ang kamay ng mandirigma, sinasakal siya, habang mala-demonyong nakangisi si Talahib.  Naitulak na siya nito sa pader, sakal-sakal pa rina ng leeg niya.  Hindi makapagsalita si Batis, nauubusan na siya ng hangin at pupugak-pugak sa harapan ng Mamamana-u. 

"Makinig kang mabuti, hangal," nag-iba ang boses ng mandirigma, bumangis.  "Matagal na akong nabubwisit sa pag-uugali mo.  Buong akala mo ba'y habambuhay mo akong kayang lapastanganin?  Alam mo ba'ng pinakakain namin sa mga uwak ang kalabang nauutas namin?" 

"Aaakk-aak-aaakk!"  Tanging nasabi ni Batis.  Kahit anong piglas niya'y napakalakas ng kaharap.

"Talahib," may takot ang boses ni Umpa, ngunit walang narinig ang huli.

"Tama na iyan, Talahib," mula sa kanyang likuran ang boses.  Ilang saglit pa'y pumagitna na si Buhawi sa dalawa.  Hindi niya matanggal ang kamay na nakasakal sa leeg ni Batis.  Nagsisimula ng mawalan ng kulay ang mukha ng alipin.  "Talahib!"  Napilitang bitiwan ng dalaga ang kaaway.  Parang basahang humandusay sa sahig si Batis, sapo ang namumulang leeg at hinahabol ang hininga, panaka-nakang umuubo.

"Magmula ngayon, Batis, hindi ka na iimik kapag magkaharap tayo, narinig mo?"  Sigaw ng nanggagalaiti ngayong mandirigma.  Ni hindi na niya namalayang nakayakap na sa kanya si Buhawi upagn pigilan siya.  "Isang maling galaw mo pa laban sa akin, maghihiwalay na iyang ulo at katawan mo!  Pangako iyan."  Napaiyak na lang sa matinding takot si Batis, tumango-tango ng ilang beses.

"Alisin ninyo sa harap ko ang suwail na ito!"  Atas ni Buhawi sa kanyang mga sakop.  "Magtutuos tayo mamaya, Batis."  Dali-daling tumalima ang mga alipin at dinala si Batis sa kanilang silid-tulugan.  Naiwan ang dalawa sa silid-tanggapan, si Talahib ay humihingal sa galit, samantalang nakayapos pa rin si Buhawi sa kanya.  Lumipas ang mga sandali bago napansin ng dalaga ang ayos nilang dalawa.

"Bitiwan mo ako," mahinang utos ni Talahib.  Walang narinig si Buhawi, bagkus, hinagod pa nito ang likod niya.  "Ano ba?"  Angil nito.

"Shh... bibitiw ako kapag huminahon ka na."  Akmang pipiglas ang dalaga ngunit lalong humigpit ang yakap sa kanya ng lakan, kaya minabuti na lang niyang manatili at kalmahin ang sarili.  Nagpatuloy sa paghagod sa kanyang likod si Buhawi, paminsan-minsa'y hinahagkan ang kanyang ulo, at wari'y idinuduyan siya sa bisig nito.  Humugot nang malalim na hininga si Talahib, dahan-dahang pinakawalan sa kanyang bibig.

Humupa ang matinding tensyon sa katawan ng dalaga, kaya napilitang kumalas si Buhawi sa pagkakayakap niya rito, gaya ng ipinangako niya.  Saglit silang natahimik, tapos marahas siyang tinapik ni Talahib sa braso.

"Bakit?"  Natawa ang binata sa inis na anyo ngayon ng mandirigma.  Wala na ang mala-bagyong galit sa mga mata nito, napalitan ng magkahalong pagdududa at pagtataka.

"Namimihasa ka na, Lakan."  Tuluyang napangiti si Buhawi, hindi itinanggi ang bintang laban sa kanya.  Nabasa kaagad ni Talahib ang paghanga sa mga mata ng binata.  Inip siyang tumalikod at nag-umpisang maglakad palabas ng bahay.  Hinabol siya ng kapwa mandirigma ngunit bumilis ang kanyang mga hakbang hanggang sa hinayaan na lamang siya nitong makalayo.

Nakaupo sa nabuwal na puno ng niyog sa dalampasigan si Talahib nang abutan ng binata.  Tahimik itong nakatingin sa karagatan, panaka-nakang binabato ang buhanginan.

"Sabi ni Umpa, dito raw kita makikita," umpisa ni Buhawi.  Hindi pa rin umimik ang dalaga kahit pa nang tabihan siya nito.  "Napagalitan ko na si Batis, at inilipat ng tahanang pagsisilbihan magmula ngayon.  Hindi ka na niya gagambalain."

"Hindi ako nababahala sa isang katulad niya," anang kapwa mandirigma.  "Paumanhin sa gulong dinala ko sa pamamahay mo, Lakan.  Nagdilim ang paningin ko nang saktan niya si Ka Umpa."

"Wala kang kasalanan.  Natutuwa ako at may malasakit ka sa kanila."  Saglit nanaig ang katahimikan.  "Galit ka ba sa akin?"  Nakuha niya ang atensyon ng dalaga nang lingunin siya nito. 

"Hindi... ngunit batid ko ang ginagawa mo, Buhawi.  Nanunuyo ka ba?"

"Wala naman yata'ng masama doon, di ba?"

"Sinabi ko na sa iyo, hindi nagpapaligaw ang Mamamana."

"Gayun pa man, kaugalian ng isang Kalayahanon ang manligaw sa kanyang napupusuan."

"Ha!"  Sarkastiko ang tono ni Talahib.  Tumayo siya, at namewang sa lakan.  "Nahihibang ka na ba?"  May namuong galit sa mga mata ng binata.  Tumayo rin ito.

"Hindi kahibangan ang nararamdaman ko, Talahib.  Bulag ka ba, o likas lang talagang bato iyang puso mo?"

"Ang mabuti pa'y ibaling mo na lang sa iba iyan, Buhawi.  Nagsasayang ka lang ng panahon sa akin."

"Tsk!"  Napamura si Buhawi sa matinding puot.  "Tama si Buhangin; napakahirap paamuhin ang isang la-aw!"

"Makinig ka sa kanya," malamig na wika ni Talahib.

TALAHIBTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon