X: Anghang

2.2K 88 6
                                    

X

 Naging maayos ang pamamalagi ni Talahib sa Kalubihan sa paglipas ng mga araw.  Nawili sa kanya ang asawa ni Malaya at minsa'y pinakikusapan siyang magsilbi sa bahay ng datu.  Nagsilbing gabay si Umpa sa pang araw-araw niyang gawain sa bahay ng lakan at ng datu, at madali niyang nakagaanang-loob ang matandang tagasilbi at ang iba pang mga alipin.

"Mapalad ka't dito ka napunta sa bahay ni Buhawi, ineng," masayang wika ni Umpa.  Kasalukuyan silang nagsasampay ng mga damit ng lakan ng araw na iyon.  "Napakabuti niya sa kanyang mga tagasilbi.  Pinalaya na niya ako, ngunit mas pinili kong manatili rito at pagsilbihan na lang siya."

"Malayong-malayo nga ang lakan kung ihahambing sa dati kong pinagsisilbihan," himutok ng dalaga.  "Maging ang inyong pinuno at si Bae Dayang ay napakabait po."

"Mapayapa ang Kalubihan nang dahil sa mahusay nilang pamumuno.  May panganib pa rin, lalo na kapag nilulusob kami ng mga piratang-dagat, ngunit mahuhusay ang aming mga mandirigma," buong pagmamayabang ni Umpa.

"Isa pong Kalayahanon ang ama ko, Ka Umpa."  Nagliwanag ang mukha ng matanda.  "Ang ngalan po niya'y Kusog at nakilala niya ang nasira kong Inang sa Giraram."

"Naku, at may dugong Kalayahanon ka pala'ng bata ka!  Kaya marahil magaang ang loob namin sa iyo."  Nagkatawanan silang dalawa. 

"Talahib!"  Walang galang ang boses na pumutol sa kanilang masayang usapan.  Mayabang ang asta ni Batis nang lapitan si Talahib.  "Pinatatawag ka ni Bae Dayang.  Bilisan mo, la-aw!  Napakakupad mo pa namang maglakad," may halong panibugho ang boses ng kapwa alipin.  Inip na nagkatinginan sina Talahib at Umpa.

"Maiwan ko muna kayo, Kaka," paalam ng dalaga.  Nang mapadaan siya sa tabi ni Batis, hinablot nito ang kanyang braso.  Nagtiim-bagang ang mandirigma, pinigil ang sarili at ininda ang pambabastos sa kanya ng alipin.

"Huwag mo'ng isiping habambuhay kang kagigiliwan ni Buhawi, taong-bundok."  Bakas sa mukha nito ang pagkamuhi sa Mamamana-u.   "Pagsasawaan ka rin niya."

"Kagaya mo?"  Ngisi ni Talahib.  Mas lalong nagdilim ang anyo ng babae.  Binawi niya ang kanyang braso.  "Sa susunod na hawakan mo ako, Batis... Hindi mo na pakikinabangan iyang kamay mo.  Tumabi ka!"

"Ang yabang talaga ng la-aw na iyon!"  Maktol ni Batis nang makaalis ang kapwa alipin.

"Isang malaking pagkakamali ang kalabanin si Talahib," ani Umpa.  "Nagsasanay siya sa pakikidigma tuwing umaga.  Kung kaya mo ring gawin iyon at maging mas mahusay pa sa kanya, saka mo siya hamunin, Batis."

"Hindi ako natatakot sa kanya."

"Ang sabi ng langgam sa kalabaw!"

"Maayos ba ang kalagayan mo rito, Talahib?"  Nakangiting tanong ng Bae habang binabaybay nila ang daan patungo sa kapatagan kung saan naroroon ang mga kalalakihan at may idinadaos na paligsahan.  Namula ang pisngi ng kausap.  Natawa tuloy si Dayang.  "Bakit?"

"Naninibago lang po, Bae," kiming ngiti ni Talahib.  "Napakabait niyo sa isang alipin."

"Talahib, alipin ka mang ipinagbili sa kapatid ni Malaya, hindi ko nakikita ang ganitong katayuan sa iyong pagkatao.  Napakalakas ng iyong dating, at napag-alaman ko mula kay Buhawi ang dugong Kalayahana na nananalaytay sa iyong katawan.  Hindi ko maintindihan kung bakit hindi ka pa pinalalaya ng lakan hanggang ngayon."

"Hindi rin po ba niya naikwento ang pagmamalabis at pagsusungit ko sa kanya habang nagpapagaling siya sa Fahiyas?"  Humalakhak si Dayang, nakitawa na rin si Talahib.  "Iyon marahil ang dahilan kung bakit hindi pa ako nakakalaya, Bae.  Naghihiganti siya."

"Naku, may tampo pala sa iyo ang ungas, gayong ikaw ang nagligtas sa buhay niya."

Lumantad sa kanila ang malawak na kapatagan, kung saan naroon ang ilang kalalakihan, kasama na ang Datu, at nabighani kaagad si Talahib sa kanyang nakita.  Naglalakihang mga lawin, pinalilipad ng mga mandirigmang naroon.  Ang iba sa mga ibon ay nakatungtong sa balikat at braso ng mga nagmamay-ari sa kanila.  Napansin siya ni Kabayu na naroon rin at may sariling ibong dala.  Lumapit ang manggagamot sa mga bagong-dating.

TALAHIBTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon