XX: Kasunduan

3.5K 144 47
                                    

XX

Naghihintay na sa kanila ang mga Mamamana-u nang pumanhik sa malaking bahay ni Amila sina Datu Molavi at Damongligao.  Nakaupo sa mababang bangko ang mga kasapi ng Katigulangan, samantalang nakasalampak naman sa magarang banig ang mag-inang Amila at Tanglao.  Nasa may durungawan ang mga mandirigmang Liksi, Turing, Talahib at Pulambato, tahimik na nakatayo at panaka-nakang dumudungaw sa bintana.  Inaya ni Apo Lanag ang mga bagong dating na sa banig na rin umupo.  Matalim ang tinging ipinukol ni Tanglao sa Alamid.

"Ipagpaumanhin mo ang ayos ko, Kamahalan," may pang-aasar ang boses ni Damongligao, "nakapiit kami kaya hindi ako nakapagpalit ng kasuotan."

"Manahimik ka, Ligao," puna ng ama.  Umismid lang si Tanglao sa huli.

"Umpisahan na natin ang pulong," ani Apo Uring.  "Marahil nagtataka ka't buhay pa kayo hanggang ngayon, Datu Molavi?"

"Sumagi po ito sa aking isipan, Bae."

"Napag-usapan naming hindi na kayo pag-aksayahan ng panahong utasin, ginoo.  Malaking gawain lamang ito at sa totoo lang, mas kagigiliwan kong makita kayong buhay at naghihirap."  Ngumiti ang matanda, mala-balbal na para bang nang-iinis.  Napakurap ang mga Pugot.  Lihim namang natawa ang mga mandirigma.  Kung bakit kasi si Apo Uring pa ang nagsimula ng pulong, gayong napakatalas naman ng dila nito at napilitan lamang sumang-ayon sa kanilang napagkasunduan kahapon?

"Ikaw na ang magpaliwanag, Talahib," aya naman ni Apo Lanag.

"Datu," panimula ni Talahib.  "Natutuwa ako't nagpamalas kayo ng pagpapakumbaba sa inyong pagsuko.  Naisip niyo ba ang kapakanan ng inyong mga mandirigma bago ang inyong sarili?"  Sa tanong ay napalinga sa dalaga ang gatpuno ng Pugot-ulo.  Natawa ang nakatatanda.

"Ang totoo'y nagpakawala ako ng mga tiktik habang isinasagawa ng aking anak ang Panimalus.  Naiparating sa akin ang pagdating ng mga dayong mandirigma kung kaya, bumuo ako ng aking pangkat upang sunduin ang aking nasasakupan at pigilan silang sumalakay, ngunit nahuli na ako nang magtagpo kami ng sugo ni Damongligao.  Kung ang pagpapakumbaba ng isang datu ang siyang magliligtas sa kanyang mga mandirigma'y taos-puso ko itong gagawin.  Ikaw ba ang bagong babaylan?"  Umiling ang huli.

"Talahib po, Datu.  Namuno lamang ako sa labanan.  Ang mga lakang nag-abot ng tulong sa amin ay sina Buhawi ng Kalubihan, at Rauyan ng Dagwit. Ito nama'y ang dating Babaylang Amila," pagpapakilala ni Talahib sa babaeng katabi ng datu, " at ang kanyang anak, at bagong Babaylan ng Fahiyas, si Tanglao."

Napasinghap sa pagkagulat si Tanglao, halatang walang alam sa pasiya ng kapatid.  Ang mga Mamamana-ung naroon ay nakatuon ang tingin sa nakababatang kapatid ni Talahib.  Kumunot ang noo ng Alamid nang balingan ang nasabing babaylan.

"Ngunit, ikaw ang nakita kong naghamon at tumalo sa dating babaylan, Talahib?"  Takang tanong ni Damongligao.

"Hindi ako ang nararapat na maging babaylan.  Ang buhay ko ngayo'y nasa Kalubihan na.  Sa ngayo'y ako muna ang tagapagsalita ng lahat," sagot ng mandirigma.  "Datu, napagkasunduang buhayin kayong mga bihag."

"Napakabuti ninyo sa kaaway, binibini.  Bakit?" May pagdududa ang tingin ng datu sa mga kababaihan.  "Hindi naming ito gagawin sa inyo."

"Ibig naming magkaroon tayo ng kasunduang pangkapayapaan, Datu Molavi... upang matigil na ang digmaan sa pagitan ng ating mga tribu."

"Sariwa sa pandinig ko ang mga bagay na iyan.  Magpatuloy ka, Talahib."

"Isa itong kasunduang nagbabawal ng digmaan sa pagitan ng Mamamana at Pugot-ulo, at nagbabawal sa pag-angkin ng nasasakupan.  Isa kasunduang magtatatag ng pagsasanib-lakas sa pagitan ng ating mga tribu, Datu."  Kumislap ang mga mata ng pinunong Pugot.

TALAHIBTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon