VI
Nagising ang ginoo mula sa ilang araw nitong pagkakaratay. Iginala niya ang kanyang paningin at napansing nakahiga na siya sa papag ngayon, hindi sa damuhan. Nasa loob na rin siya ng kubo, at wala na sa kagubatan ng Makiyas. Dahan-dahan siyang umupo at napangiwi sa sakit. Hinawakan niya ang dibdib na ngayo'y nakabalot na ng kumut, naamoy rin niya ang mga halamang-gamot na nakapaloob sa kumut. Wala siyang maalala kung paano siya napunta sa kubong ito. Kahit hirap pa'y nagkumahog siyang tumayo at ipinantapis sa bewang ang kumot na itinabon sa kanyang hubad na katawan. May matandang babaeng nasa labas ng kubo at tahimik na nagbabayo.
"Mawalang-galang po Apo..." Napalundag sa pagkagulat ang matanda, at nabitiwan nito ang pambayo.
"Diyaske kang bata ka!" Anang mananambal nang mahimasmasan. "Bigla ka na lang sumusulpot diyan."
"Paumanhin po, Apo. Magugulatin pala kayo," natatawang wika ng ginoo.
"Nakakalakad ka na pala? Hindi na ba masakit iyang sugat mo?" Nagtaas-baba ang tingin sa kanya ng matanda.
"Kaya ko na ho," pagsisinungaling ng lalaki. Nakahanap siya ng bangko at tuluyang naupo. "Nasaan nga pala ako?"
"Nasa Fahiyas ka, sa lupain ng Mamamana." Muling bumalik sa pagbabayo ang manggagamot.
"Ho!" Bulalas ng ginoo, sabay ngiwi. Sinapo niya ang sumakit na dibdib at hinimas-himas. "Papaano ako nakarating rito?"
"Natagpuan ka ni Talahib sa aming gubat, at dinala ka rito," inip na salaysay ng kausap. "Kung bakit inuwi ka pa niya rito at hindi na laang hinayaang mautas, ay malaking palaisipan para sa akin."
"Marahil, natutuwa pa rin sa akin ang mga anito at pinadalhan nila ako ng tagapagligtas."
"Hmp! Ang mga tangang katulad mo'y hindi dapat pinag-aaksayahan ng panahon ng mga anito." Tuluyang natawa ang lalaki sa narinig.
"Buhawi po ang ngalan ko, Apo. Isa akong Kalayahanon, at lubos ang pasasalamat ko sa inyong panggagamot sa akin."
"Hmm, may kilala rin akong Kalayahanon," matabang ang tono ng boses ng matanda. "Malayo-layo yata ang pinanggalingan mo, amang. Bakit ka napadpad sa Makiyas?" Sa tanong, nawala ang masiglang anyo sa mukha ng ginoo.
"Mahabang kwento po. Ibig ko pong makilala itong Talahib na sinasabi ninyong nagdala sa akin rito."
"Bakit pa," inip na tanong ng mananambal.
"Magpapasalamat ako sa kanya."
"Hindi na niya ito kailangan," pabalang na wika. "Nakakulong siya ngayon."
"Bakit ho?"
"Dahil sa iyo."
Note: Timawa – feudal warrior class of ancient Visayan tribal society. They were privileged middle class, required to provide military services to their leader (datu), and also provide agricultural labor as needed. Ang kanilang estado sa lipunan ay nakasalalay rin sa kanilang pinuno. Ang kulturang ito ang dominante sa aking kwento dahil mas pamilyar ako rito. Kumut at Kumot – ang una'y multi-purpose na hinabing tela at ang huli'y kumot as in, blanket. Sana'y mag-comment rin kayo para mapabuti ko pa ang pagsusulat. Salamat, at hanggang sa susunod!
BINABASA MO ANG
TALAHIB
Historical FictionUnang kwento sa seryeng Hiyas Siya'y nagmula sa malakas na tribu, sinanay sa pakikidigma, at naipaghiganti ang nasirang ina laban sa mahigpit nilang kaaway. Kinamumuhian siya ng kanyang Babaylan at ibinaba ang katayuan sa buhay bilang alipin upang...