XII
Nagtipon ang buong Kalayahana para ipagdiwang ang panalo nila laban sa piratang-dagat. Naroon ang lahat sa bulwagan nang gabing iangat ni Malaya ang katayuan ni Talahib bilang timawang mandirigma.
"Maaari kang mamalagi rito sa Kalubihan at maging kasapi ng aming sandatahan," ani Malaya sa dalaga. Nagmasid si Talahib sa mga naroon. Tanging si Rauyan lamang ang natuwa sa sinabi ng datu. Ang iba pang mandirigma, kasama na sina Buhangin at Buhawi, nakakunot ang noo, pilit itinatago sa kanilang pinuno ang matinding pagtutol. Ibig tuloy matawa ni Talahib.
Kung nakita niyo lang sana ang Mamamana sa gitna ng digmaan...
Nagtagpo ang kanilang mga mata, ngunit agad ding umiwas si Buhawi at makahulugang tumingin sa aliping si Batis na nakatayo sa di-kalayuan. Ngumiti ang alipin sa lakan, namungay ang mga mata. Daliang ibinaling ni Talahib ang atensyon sa Datu.
"Kung nais mong bumalik sa Fahiyas ay magagawa mo na, Talahib. Ngunit mangungulilang tiyak ang aking asawa kapag nawala ka."
"Ibig ko po'ng manatili rito sa Fahiyas sa ngayon, Kamahalan." Napansin niyang nilisan ni Buhawi ang bulwagan. "Darating ang araw, uuwi rin po ako sa aking lupang minana, ngunit nais ko muna'ng magsilbi sa Bae Dayang bilang kanyang tagapagtanggol."
"Magaling!" Tuwang wika ng pinuno. "Mga kasama, magdiwang tayo!"
Isinama siya ni Dayang sa kubong may katamtaman ang laki, habang nagdiriwang ang mga Kalayahanon sa bulwagan. Takang sumunod na lamang si Talahib.
"Ito ang kubo ng aking namayapang ina, Talahib," ani Dayang. "Nais kong dito ka na tumira." Natigilan si Talahib.
"Bae, labis-labis na ang kabutihang ipinagkaloob ninyo sa akin," naiiyak pa tuloy siya. "Hindi naman yata ako ipagtatabuyan ni Buhawi sa kanyang bahay kahit malaya na ako..."
"Hindi ka na matutulog kasama ng mga alipin. Ito ang alay ko sa iyo bilang tagapagtanggol ng aking nasasakupan. Munting pasasalamat lamang ito, Talahib. Maaari ka ng lumipat bukas na bukas rin."
"Bakit napakabuti ninyo sa akin, Bae?" Sa tanong ay nalungkot ang mukha ng pinunong babae. Tinungo niya ang durungawan at tumingin sa kawalan.
"Nakikita ko sa iyo ang aking bunsong kapatid. Kung buhay pa siya ngayo'y magsing-gulang marahil kayo. Hindi pa kami ipinagkasundo ni Malaya noong nilusob ng mga piratang-dagat ang bayang ito. Isa si Silab sa mga nasawi." Naaninag ni Talahib ang matinding pangungulila ng bae sa nasirang kapatid. "Nang matalo mo ang mga piratang-dagat, para mo na ring naipaghiganti ang pumatay kay Silab at sa iba pa naming mga kasama. Pinalaya mo ako sa aking mabigat na dalahin sa araw-araw."
"Ikinagagalak kong matulungan kayo sa anumang paraan, Bae. Salamat sa kubong ito. Asahan ninyong aalagaan ko po ang bahay na ito."
"Mabuti naman. Siyanga pala, malapit lang ang bahay ni Buhawi rito." Kumislap ang mga mata ni Dayang. "Kapag dumungaw ka mula sa iyong silid, makikita mo na ang kanyang silid na nasa ikalawang palapag rin."
Makahulugan ang tinging ipinukol ni Talahib sa kausap ngunit pinili na lamang niyang manahimik.
Walang imik namang nakikipag-inuman si Buhawi sa mga kapwa mandirigma. Habang nag-uunahan sa pagyayabang ang mga kalalakihan sa mahabang dulang na okupado nila, nasa malayo ang isip ng lakan. Ngayong isa nang malayang timawa ang kanyang alipin ay tiyak niyang mas mahihirapan na siyang suyuin ito. Bukas ay wala na sa kanyang poder si Talahib at maaari na rin itong mamili ng kanyang mapapangasawa. Lihim na nilinga ni Buhawi ang kaibigang Dagwit. Nais niyang malaman ang takbo ng isip ni Rauyan sa mga sandaling ito, habang masayang nakikipagbidahan ang lakan sa kanilang kainuman. Kanina'y gusto niyang umbagin si Rauyan para mabura ang abot-tengang ngiti nito nang sulyapan sila ni Talahib.
Ah, bakit ba niya pinahihirapan ang kanyang sarili? Naririyan naman si Batis at handa siyang aliwin kung nanaisin niya. Nagpahiwatig na ito kanina sa kanya. Nais niyang makalimot...
Malalim na ang gabing iniilawan ng buwan, ngunit hindi pa rin makatulog si Talahib sa silid-tulugan ng mga alipin. Napakabilis ng mga pangyayari sa kanyang buhay sa maikling panahon. Malaya na siya! Bukas ay may bago na siyang bahay na titirhan. Marahan siyang bumaba sa papag upang hindi magising si Umpa, tahimik na lumabas ng silid at nakiramdam sa paligid. Nauulingan niya ang tawa at kwentuhan ng mga mandirigmang patuloy pa ring nagdiriwang sa bulawagan. Nagpagala-gala ang mga mata ng dalaga sa bahay na kanyang tinirhan ng ilang buwan. May kumurot sa kanyang puso. Mangungulila siya sa pamamahay ng lakan. At si Buhawi... Bahagyang napangiti si Talahib nang maalala ang nakalukot na mukha ng binata nang iangat ni Malaya ang katayuan ng Mamamana-u kanina. Alam niyang hindi nito nagustuhan ang pagpapalaya ng kapatid kay Talahib, ngunit wala itong nagawa. Nag-iwasan sila buong gabi, kaya minabuti na lamang ng dalaga'ng bukas na magpasalamat sa lakang pinagsilbihan niya. Nakarinig siya ng kaluskos mula sa ikalawang palapag ng bahay, nag-imbestiga. Nasa ikatatlong baitang na siya ng hagdan nang biglang bumaba si Batis, nagmamadali at muntik pa siyang mabundol.
"Batis, ano'ng..." Gulat na tanong ng mandirigma. Nakabukas ang pang-itaas nitong suot at tila may galit ang anyo ng alipin.
"Paraanin mo ako!" Pabalang ang utos ni Batis, tuluyang bumaba at nagtungo sa kanilang silid. Hindi pa siya lubos na nakakahuma sa pagkakabigla nang si Buhawi naman ang sumunod na bumaba, walang saplot pang-itaas. Nanlaki ang mga mata nito nang makita siya, napatda.
Kaagad nahulaan ng dalaga ang namagitan sa dalawa.
"Paumanhin, Lakan," aniya. "Wala akong balak abalahin kayo. May narinig kasi akong kaluskos..." Nagtiim-bagang si Buhawi. "Maiwan na kita..."
"Talahib," mahinang wika nito. "May kailangan ka?" Napakurap ang dalaga, pakuwa'y umiling.
"Nagpapaalam lamang ako sa bahay mo, Buhawi. Marami rin akong magandang alaala rito. Ipinagkaloob na sa akin ni Bae Dayang ang bahay ng kanyang nasirang ina. Doon na ako mamamalagi magmula bukas." Inip na napabuntunghininga ang binata. "Ipagpapabukas ko na sana ito, ngunit magkaharap na tayo, kaya... nagpapasalamat ako sa lahat ng kabutihang hindi mo ipinagdamot sa akin." Bumaba si Buhawi hanggang sa magkalapit na sila. Marahang hinawakan ng lakan ang kanyang pisngi, bagay na ikinagulat ni Talahib. Hindi siya makaatras sa takot na mahulog sa ibaba. Bagama't madilim na ang bahay, may mga sulo namang nakasindi sa labas ng bahay, at pumapasok ang sinag sa loob; kaya nasilayan ni Talahib ang mapait na ngiti sa kanya ng mandirigma. Nagbaba ito ng kamay.
"Kung ako lang ang masusunod, mananatili ka rito sa bahay, Talahib." May lungkot ang boses nito. Mabilis na kumilos si Talahib, agad bumaba upang makalayo. Sumunod si Buhawi sa kanya.
"Tigilan mo na ako, Buhawi," pabulong na asik ng Mamamana-u. Para namang walang narinig ang lakan, hinatak pa siya nito paharap sa kanya. Kinabahan si Talahib ngunit hindi nagpahalata. "Lasing ka ba?" Natawa ang tinanong. "Bitiwan mo ako, Buhawi."
Matamang pinagmasdan ni Buhawi ang dalagang nakikipaghamunan ng tingin sa kanya. Totoo nga ang sabi nila; walang kinatatakutan ang mga Mamamana. At imbes mainis, nag-init pa ang kanyang katawan. Ibig niyang tawanan ang sarili. Kanina lang ay tinanggihan niya si Batis, kaya masama ang loob nitong nilisan ang kanyang silid. Tinanggihan niya ang aliping maraming alam sa kamunduhan... dahil ang tunay niyang gustong makasama ngayong gabi ay ang dating alipin.
"Bakit ba kay ilap mo sa akin, Talahib?" Tanong ni Buhawi. Kumunot ang noo ng dalaga. "Bakit ayaw mo akong bigyan ng pagkakataong patunayan ang sarili ko sa iyo?"
"Tigilan mo na ito, Buhawi," diing ani Talahib. "Wala kang makukuha sa akin." Nagdilim ang anyo ng huli, ngunit binitiwan lang siya sa pagkakahawak nito sa braso niya.
"Minana mo yata kay Amila ang katigasan ng puso mo, la-aw!" Angil ng lakan. "Sinlamig mo ang ilog ng Fahiyas."
"Patawad, Buhawi..."
"Hindi ko kailangan ang awa mo."
Ilang sandali na rin ang lumipas matapos siyang iwanan ni Buhawi, ngunit nanatiling nakatayo si Talahib, hindi maigalaw ang mga paa. Dapat ay nagdiriwang siya ngayon at nakuha niyang galitin si Buhawi. Tiyak niyang hindi na siya gagambalain ng lakan.
Ngunit may munting kirot na namamahay sa kanyang puso.
BINABASA MO ANG
TALAHIB
Historical FictionUnang kwento sa seryeng Hiyas Siya'y nagmula sa malakas na tribu, sinanay sa pakikidigma, at naipaghiganti ang nasirang ina laban sa mahigpit nilang kaaway. Kinamumuhian siya ng kanyang Babaylan at ibinaba ang katayuan sa buhay bilang alipin upang...