II
Maingay ang bulwagang pagdadausan ng mahalagang pulong ngayong gabi. Naroon na ang lahat, maliban na lamang sa Babaylang Amila na siya nilang hinihintay. Nagpagala-gala muna si Talahib sa paligid upang maibsan ang bagot. Masuyo niyang hinimas ang sakubang nakatali sa kanyang baywang habang naglalakad. Dalawampung-taon na siya sa araw na ito at nakatanggap ng hinagiban – isang bagong-gawang Panabas – mula sa kanyang ama. Alam niyang lihim itong ipinagawa ni Kusog sa kanilang panday upang hindi malaman ni Amila. Mas lalo lamang siyang napamahal sa kanyang ama. Ipinagyabang niya ang sandata sa mga kaibigan kanina ngunit ipinalabas na ang ina ang nagbigay nito sa kanya. Sa kanyang pag-iikot ay nahagip ng kanyang tingin ang mga magulang, palihim na nag-uusap sa lilim ng punungkahoy. Napailing na lamang si Talahib. Masakit man sa kalooba’y tinanggap na niya ang kapalaran nilang mag-ina. Sila’y mananatiling tagasilbi’t tagapagtanggol ng babaylang may matinding selos sa kanila. Kailanma’y hindi nila masosolo si Kusog, at si Mayang nama’y nagparaya na lamang sa kagustuhan ng kanilang pinuno.
“Talahib,” inip ang boses ng Mamamana-ung tumawag sa kanya. Kumaway ang tagasilbi ni Amila, pinalalapit siya. “Halika rito.” Kumunot ang noo ng dalaga sa pagkagulat.
“Bakit po, Ka Efa?” Sa buong buhay niya’y ngayon lamang niya nakausap ang isa sa mga malapit na tagatanggol ng babaylan.
“Pinatatawag ka ng tagapagmana,” anang nakatatandang mangungubat sabay nguso sa pigurang nakatayo sa di-kalayuan. Bahagyang natameme ang dalaga sa narinig.
“Bawal po ito, hindi ba?”
“Alam rin ito ni Tanglao, ngunit matigas ang ulo ng kapatid mo,” nakuha pang umismid ng kausap. “Bilisan mo na, bago pa tayo mahuli ng babaylan. Ayokong maparusahan dahil lamang dito.” Walang nagawa si Talahib kundi sumunod.
May malaking distansiya sa pagitan ng magkapatid nang magkaharap sila. Ang ibang saksi sa kaganapa’y sadyang inilihis ang kanilang mga mata at nagpatay-malisya na lamang, bagama’t nagulat sa kanilang nakita. Nakabantay naman si Efa at ang kanyang kasamang si Kista sa tabi ng tagapagmana. Naghari ang katahimikan sa kanilang dalawa. Sa tanang buhay ni Talahib, ngayon lamang sila nagkalapit ng kapatid niya sa ama. Mayabang ang asta nito, walang-galang ang pagsuri sa kanya, mula ulo hanggang paa. Lantaran rin ang pagmamasid ng mandirigma sa tagapagmana. Sa gulang na labing-anim ay malaking bulas ang kapatid kahit mas matangkad pa rin siya kaysa rito. Maganda ang disenyo ng suot nitong Kumut, na nakatali sa kanyang baywang, at makatawag-pansin rin ang pang-itaas na saplot ng dalaga, mula sa mahuhusay na kamay ng kanilang maghahabi. Samantalang pinaglumaan ni Mayang ang damit na suot ngayon ni Talahib.
“Magandang gabi, Tanglao,” basag ni Talahib sa katahimikan. Makailang-ulit kumurap ang kausap, wari’y hindi makapaniwalang marunong pala siyang magsalita. “Alam mo’ng bawal ang pagkikita nating ito, di ba? Nais mo ba akong sitahin ng babaylan?”
“Hmp! Alam ko iyon,” mataray ang tono nito. “Madalas ka’ng ikwento sa akin ni Ama, panay papuri sa husay mo sa pakikidigma.”
Ah, ang isang ito’y walang pinag-iba sa babaylan.
“Labis ko itong ikinatutuwa, Tanglao.” Pilit ang ngiting ipinakita ng dalaga sa kapatid. “Kung sana’y pinapayagan siya ng babaylan na dalawin kami paminsan-minsan, maikukwento ka rin ni Itang sa amin.” Tumigas ang anyo ng tagapagmana.
“Wala akong balak makipagmabutihan sa iyo, binibini. Ibig ko lang makita sa malapitan ang ipinagmamalaking anak ni Ama.” Muli’y nagtaas-baba ang tingin sa kanya ni Tanglao. “Makakaalis ka na.”
“Sana’y magiliw ang susunod nating pagkikita, Kamahalan.” Hindi na niya hinintay pang makasagot ang kapatid at tuluyang lumayo sa kanila. Sinalubong siya ng tiyahin sa daan.
BINABASA MO ANG
TALAHIB
Historical FictionUnang kwento sa seryeng Hiyas Siya'y nagmula sa malakas na tribu, sinanay sa pakikidigma, at naipaghiganti ang nasirang ina laban sa mahigpit nilang kaaway. Kinamumuhian siya ng kanyang Babaylan at ibinaba ang katayuan sa buhay bilang alipin upang...