Maraming bitbit na tagisuyo ang pangkat ng Kalayahana mula sa Kalubihan upang ialay sa babaylan. Hindi man nakasama si Datu Malaya ay ipinadala naman nito ang kanyang kanang-kamay na si Buhangin na siyang susundo kay Buhawi. Nagpalipas ng gabi ang mga dayŏ sa Fahiyas. Tahimik lang si Talahib habang pinagsisilbihan ang kapatid ng gabing iyon.
"Talahib," unang binasag ng tagapagmana ang katahimikang namamagitan sa kanilang dalawa. Nag-angat ng tingin ang huli, habang inaayos ang kagamitan ni Tanglao. "Wala akong magagawa sa kalagayan mo ngayon."
"Nakapagpasiya na ang Babaylan," tiim-bagang wika ng alipin. "Kaya, huwag mo ng pahirapan ang sarili mo, Tanglao. Ipangako mo lang na maging mabuting anak kay Itang. Nag-iisa na siya ngayon." Ngatal ang boses ng panganay na kapatid, maging si Tanglao ay naumid lalo na nang makita niya ang mga luha sa mata ni Talahib.
Nagsisimula pa lamang humalik ang sinag ng araw sa mga dahon ngunit handa na ang pangkat nina Buhawi sa gagawing paglalakbay pauwi sa Kalubihan. Kahapon pa tensiyonado si Buhangin, kilalang matinik na kawal ng datu, at ibig na nitong lisanin ang Fahiyas sa lalong madaling panahon.
"Sino pa ba'ng hinihintay natin, Buhawi?" May pagkainip ang tono ng pananalita ni Buhangin. "Mapanganib para sa atin ang bayang ito. Ayaw kong maabutan tayo ng dilim sa daan."
"Parating na siya," tanging sagot ng lakan sabay turo sa babaeng papalapit sa kanila, may dalang maliit na balutan.
"Sino na naman ba iyan?"
"Aliping binili ko." Napansin kaagad ni Buhawi ang lungkot sa mukha ni Talahib habang papalapit ito sa kanila.
"Mamamana-ung alipin?" Hindi makapaniwala ang mandirigma sa kanyang narinig. "Aanhin mo pa ang isang ito, Buhawi? Marami na kayong alipin sa atin?"
"Kakaiba ang isang ito," may ngiti ang labi ng lakan. Napatitig sa kanya si Buhangin, napailing.
"Tsk! Sana'y alam mo ang iyon ginagawa. Hindi sila maamong nilalang katulad ng kababaihan sa Kalubihan."
"Ano ang alam mo tungkol sa Mamamana-u, Buhangin?" May kutya ang tanong. Napabungtunghininga ang kawal, muling pinagmasdan ang papalapit na anyo.
"Hindi na ako magtataka kung bakit ka nasisiyahan sa isang ito. May angkin siyang ganda kung hindi nakasimangot. Ah, aanhin mo pa ang isang la-aw? Marami ka nang uyab sa Kalubihan." Natawa ang binata.
"Siya ang nagligtas sa akin sa gubat, Buhangin. Huwag mong maliitin ang kanyang kakayahan. Naging alipin siya dahil lumaban siya sa babaylan. Tinuturing siyang mahusay na mandirigma ng Fahiyas, at ang kanyang ama'y isa ring mandirigma... mula sa ating tribu."
"Paumanhin sa nasabi ko, lakan," pakumbaba ng kawal. Nang makalapit sa kanila ang dalaga'y inabot niya ang balutan nito, ngunit umiling lang si Talahib sa kanyang pagmamagandang-loob.
"Maliit lang ito, ginoo. Salamat," malungkot ang boses ng alipin. Mugto ang mga mata nito at namumula ang ilong.
"Marunong ka palang umiyak," parinig naman ni Buhawi. Halatang hindi ito nagustuhan ng kausap. Matalim ang tinging ipinukol nito sa kanya, bagay na ikinagulat ni Buhangin.
"Hindi ako yari sa bato, lakan." Malamig nitong wika. "Kung wala ka rin lang sasabihing maganda'y manahimik ka na lang." Nagpabaling-baling ang tingin ni Buhangin sa dalawa. Si Talahib ay ibig na yatang utasin ang binata, samantalang naaaliw naman si Buhawi sa kanyang bagong alipin.
"Aliping ka ngang naturingan, ngunit walang galang kang umaasta sa iyong amo," puna ngg nakatatandang mandirigma. "Alam mo ba ang parusa sa mga aliping suwail?" Imbes matakot, nakipaghamunan pa si Talahib ng tingin.
"Kung sa iyong lakan nga ay hindi ako natakot, sa iyo pa kaya? Isa akong mandirigma bago ginawang alipin."
"Tama na yan," pumagitna na si Buhawi. Inis na bumungtunghininga ang kanang-kamay ni Malaya.
"La-aw..." angil ni Buhangin.
Nasa durungawan ng kanyang bahay ang Babaylan at ang tagapagmana nang dumaan ang pangkat ng Kalayahanon upang magpaalam. Lakas-loob na tumingala si Talahib sa pinagsilbihang bahay. Malungkot ang anyo ni Tanglao, at napangiti siya rito nang lihim na kumaway ang nakababatang kapatid. Matigas naman ang mukha ng pinuno ngunit batid ni Talahib, nagdiriwang ang kalooban ni Amila ng mga sandaling iyon. Napailing na lamang siya at ipinagpatuloy ang paglalakad. Sa bungad ng baryo ay naroon na ang mga Mamamana-ung nais magpaalam kay Talahib.
"Lagi kang mag-iingat, anak," mangiyak-ngiyak na habilin ni Liksi, at sa huling pagkakatao'y niyakap ang pamangkin. Nilinga niya si Buhawi.
"Magiging mabait ako sa kanya, Ka Liksi," nakangiting sabi ni Buhawi. Umismid si Talahib. Marami pa ang lumapit at nagbigay ng alay para sa kanya, kaya ang maliit na balutan ay lumaki nang matapos ang pamamaalam. Huling dumating si Ariga, niyakap siya ng mahigpit at may mahabang bagay na isinuksok sa biyak ng kanyang pantapis.
"Baka sakaling kailanganin mo," bulong nito.
Muling pumatak ang luha ng dalaga habang papalayo sila sa sentro ng Fahiyas.
Tahimik namang nagmamasid sa Mamamana-u si Buhawi. Alam niyang mahirap para kay Talahib mawalay sa kinagisnang buhay, kahit pa sabihing mababa na ang kanyang katayuan. Tiyak niyang mangungulila ng husto ang dalaga, ngunit tinigasan niya ang kanyang puso. Nangako na siya kay Kusog, wala siyang balak sirain ang usapan nilang dalawa.
Nang mapadaan sila sa ilog ay lumapit sa kanya ang alipin, nagsusumamo ang mga mata.
"Isa at huling kahilingan lang, lakan," salat ngayon ang kayabangan sa anyo ng dating mandirigma.
"Walang karapatang humiling ang isang alipin, Talahib," paalala ni Buhangin.
"Pagsisilbihan kita ng malugod, at luluhod pa ako kung ito ang nais mo, Buhawi." Hindi pa man niya tinatapos ang salita'y nakaluhod na siya sa harapan ng binata.
"Ano ba ito, Talahib?"
"Nais ko'ng makita si Itang, sa huling pagkakataon."
Nagyakapan ang mag-ama. Muli'y umagos ang luha sa pisngi ni Talahib. Hindi na niya napansin ang makahulugang titigan ng kanyang ama at ni Buhawi.
BINABASA MO ANG
TALAHIB
Historical FictionUnang kwento sa seryeng Hiyas Siya'y nagmula sa malakas na tribu, sinanay sa pakikidigma, at naipaghiganti ang nasirang ina laban sa mahigpit nilang kaaway. Kinamumuhian siya ng kanyang Babaylan at ibinaba ang katayuan sa buhay bilang alipin upang...