Chapter 3
Ipinarada ni Joey ang taxi sa tapat ng paborito nyang karinderya at bumaba sa sasakyan.
"Isang menudo nga tas kanin." sabi nya sa kusinero ng kainan. Umupo sya sa upuan at itinaas ang paa na parang nasa bahay lang.
"O, parang tinanghali ka yata ngayon ah." puna ni Mang Tony - ang tagaluto/may-ari ng karinderya.
"Oo nga ho e. Baka maunahan na ako sa tambayan ko." Kinuha nya ang inabot ng lalaki na order nya at sinimulan na itong lantakan.
"Wow, tol! Wala pa ring pinagbago ang luto mo! Heaven!" puna nya sa luto nito.
"Sus! Sige na, may libre ka nang isang cup ng kanin. Kumain ka na lang dyan." Natatawang sabi ng lalaki.
Malapad naman na napangiti ang dalaga at nagthumbs up pa.
"Pero, Joey, naisip ko lang kasi. Bakit hindi ka na lang muna magpatuloy ng pag-aaral mo? E sayang naman yung sinimulan mo. Hindi mo nagagamit sa maayos na trabaho." umiling sya ng mariin habang pilit na nilunok ang nginunguyang pagkain.
"Dyan ka nagkakamali, tol. Nagagamit ko pa rin ang pagiging nurse ko. Diba, palagi akong may dalang first-aid kit? O, e di parang nakakapag-praktis na rin ako." natawa na lang ang kausap nya. Alam kasi nitong totoo naman ang sinasabi nya. May emegency kit sya sa taxi nya at palagi nya iyong kasama sa araw-araw. Sya ang nagsisilbing 'tagapagligtas' ng mga pasahero nyang masama ang pakiramdam. Pero more on first aid lang naman talaga ito.
MATAPOS magbayad ay nagpaalam na ang dalaga sa kausap at sumakay na sa kotse. Pupunta na sya sa tambayan nya - sa may Glorietta Mall. Doon kasi maraming pasahero. Halos tatlong taon na rin sya nagmamaneho ng taxi. At ang panlabas na anyo nya bilang "tomboy" ay defense mechanism nya lang bilang driver na babae. Sa panahon ngayon at sa uri ng trabaho nya, hindi pwedeng ipakita na mahina sya. Lalo na at kung sino sino ang nakakasalamuha nyang tao.
"Ma'am, Sir, taxi..." patuloy ang pagtatawag nya ng pasahero malapit sa mall. Minsan pumipila naman sya sa taxi bay. Pero natatagalan sya doon. Kaya kahit bawal, nagtatawag sya ng pasahero sa area na alam nyang walang nakabanta.
Maya-maya ay may lumapit na babae sa may taxi nya.
"Taxi, ma'am?" tanong nya sa pasahero
"Oo. Sa White Plains tayo." natuwa naman si Joey dahil agad syang nakakuha ng pasahero
"No problemo, ma'am." she started the ignition and drive smoothly.
Cycle lang naman ang ginagawa ng dalaga sa araw-araw. Magda-drive sya buong maghapon para may panggastos sila. Hindi naman kasi sapat ang kinikita ng kuya nya bilang Call center agent. At malaking tulong sa kanila ang kinikita sa taxi dahil sa kanila din napupunta ang boundary. Hanggang alas dose ng madaling araw lang sya nagmamasada. Kahit papano kasi, takot pa rin naman sya sa mga taong halang ang kaluluwa. Hindi nya pa gustong mamatay. At isa pa, babae pa rin naman sya at mahina kumpara sa mga lalaking may dalang armas.
Inihatid nya ang pasahero sa lugar na sinabi nito. Hindi pa sya nakakalayo ay may sumakay na ulit sa taxi nya. Ganoon lang kababaw ang kaligayahan ng dalaga.
ALAS-DOSE na nakarating sa bahay si Joey. Medyo traffic kasi kaya natagalan sya sa paghahatid sa huling pasahero. Pagdating sa bahay ay agad na ipinasok nya sa garahe ang sasakyan at pumasok na sa loob ng bahay. Halos mapatalon pa sya sa gulat ng makita ang kuya nya sa sala na nanonood ng T.V.
"Ay, kalabaw! Kuya naman, papatayin mo ako sa gulat e." umupo sya sa sofa na nasa gilid nito. Hindi na nya nakita ang tatay nya. Malamang tulog na iyon.
"Ikaw pa ang nagulat, e ikaw nga ang biglang sumulpot dyan." binato nya ito ng throw pillow pero mabilis naman nakaiwas.
"E bakit ka ba kasi nandito? Diba may pasok ka?" tumayo si Joey at naglakad papunta sa kusina. Nang may makitang pagkain ay umupo sya sa may lamesa at nagsimula ng kumain.
"Day off ko ngayon. Nagbago ang schedule ko." napatango na lang sya bilang sagot. Hindi sya makapagsalita dahil puno ng kanin ang bibig nya. At isa pa, normal na sa schedule ng kuya nya ang pabago-bago ng day off.
"May naisip lang ako, Joey." Lumapit ang kuya nya at hinila ang upuan na nasa harapan nya. Uminom naman sya ng tubig para makapagsalita ng maayos.
"Ano yun, kuya?" tanong ng dalaga.
"Tapusin mo na yung course mo. Ako na muna ang bahala sa taxi."
Natigilan si Joey sa narinig at mabilis na napailing.
"Tapos iiwan mo ang trabaho mo? Naku, kuya ha? Wag mong gagawin yan. Sayang naman yung kinikita mo dun. Saka na kapag medyo nakaluwag na tayo. Pag-ipunan muna natin ang maintenance ni tatay. Kapag may pondo na tayo, saka ako babalik sa school." napailing na lang ang Kuya nya. Kilala kasi nito ang ugali ni Joey. Kapag sinabing hindi na, yun na talaga ang desisyon nya.
"Ano pa ba ang magagawa ko? Pero pwede ba, ayusin mo naman ang pananamit mo? Tingnan mo nga yang suot mong tshirt. Mas malaki pa yan sa mga damit ko e.", tiningnan ni Joey ang suot na damit. Tama naman ang kuya nya.
"E ano naman ang gusto mong suotin ko, aber?", tanong nya
"Yung mga damit pambabae. Hindi yung mas lalaki ka pa pumorma sakin. Tulad ng bestida, sapatos na de takong. Tapos ilugay mo yang buhok mo." binitawan ni Joey ang hawak na kutsara at hinarap ang kuya nya
"Ahh... Nakukuha ko ang gusto mong sabihin, kuya. Gusto mong pumorma ako ng pambabae. Katulad nung suot ng mga naging girlfriend mo? Yung halos kinapos na sa tela ang suot sa sobrang iksi? Ayoko na!" dahil doon ay binatukan sya ng kuya nya. Pero hindi naman malakas.
"Yun kasi ang totoong babae. Wala ka talagang alam pagdating sa fashion. Naturingan ka pa naman babae." binatukan rin sya ni Joey. This time, mas malakas kaysa kanina.
"Eh anong gusto mong gawin ko? Mag-drive ng taxi ng nakabestida tapos nakatakong? Eh di napagsamantalahan naman ako?"
"Hindi naman yun ang ibig kong sabihin e. Hina mo talaga. Ang gusto ko lang naman ipaalam sayo ay yung umakto ka na parang totoong babae. Hindi yung magmukha kang mas lalaki pa samin ni tatay."
"Eh dito ako kumportable. Huwag ka mag-alala, kapag nakaahon na tayo, gagawin ko yang mga sinasabi mo." napailing na lang ang kuya nya.
"Bahala ka nga. O sya, ikaw na ang bahala dyan. Matutulog na ako." tumayo ito at naglakad na papuntang kwarto.
BINABASA MO ANG
Lady Taxi Driver (AVAILABLE IN NATIONAL BOOKSTORE AND PRECIOUS PAGES STORES)
Storie d'amoreLady Taxi Driver is available in National Bookstore and Precious Pages Stores NATIONWIDE for ONLY P119.75. Please do grab a copy! Paki-tag po ako sa facebook kasama ang pictures nyo with the book. THANK YOU! ♥