Tagos ka, Nena

243 7 1
                                    

            "Tagos ka, Nena."

Panandaliang namutla si Nena sa narinig, kakatapos niya lang kasi noong isang linggo kaya imposible namang tagusan siya ngayon. Kararating niya pa lang galing sa eskwela nang 'yon ang ibungad sa kanya ng ama. Isa't kalahating oras din ang nilakad niya mula sa bayan papunta sa bundok kung saan sila nakatira. Inabot na nga siya ng dilim sa daan. Latang-lata man ay idinako niya ang tingin sa loob ng dampa nila at hinanap ang salamin na nakasabit malapit sa pinto. Nang makita ito ay lumapit siya sa salamin, tumalikod at tiningnan ang tinutukoy ng ama. Nangunot na lamang ang noo niya nang makitang wala namang tagos sa puting palda niya.

"Isang araw na lang, birthday mo na."

Napatingin siya sa makahulugang ngisi ng ama. Bigla siyang nakadama ng kaba kaya dali-dali siyang pumasok sa kwarto at isinara ang pinto. Mabilis siyang nagpalit ng suot at nanginginig na napaupo sa papag. Kusang tumulo sa mga mata ang mga luha habang nakatingin sa palad.

Kung sana ay bata pa rin siya, kung sana ay isinama lang siya ng kapatid niya na palayo sa bahay na ito...hindi niya problema ang sinabi ng ama.

Pero kailangan niyang maging matatag. Ganito rin ang pinagdaanan ng ate niya noon. Kinaya 'yon ng Ate Inday niya. Imposibleng hindi niya kayanin gayong mas malakas naman siya sa ate niya.

Balot man ng takot ang puso ay huminga siya nang malalim, nanginginig ang mga kamay na pinunasan ang mga luha at pilit na pinakalma ang sarili. Tumayo na siya at inayos ang buhok na hanggang beywang na ang haba.

Isang beses lang 'yon, paalala niya sa sarili. Isang beses lang pero alam niyang para siyang dudurug-durugin sa gagawin ng ama. Muling tumulo ang mga luha niya na mabilis niya ring pinahiran.

Akmang lalabas na sana siya para magluto nang makita niya ang amang nakangisi sa tapat ng pintuan ng kwarto niya. Bakas sa itsura nito ang sabik. Nanghina si Nena sa nakita, ganitong-ganito rin ang itsura ng ama niya noon. Kagyat na naitikom ni Nena ang bibig at ikinuyom ang palad.

Tatlong taon na ang nakararaan pero sariwang-sariwa pa rin sa kanya ang nagmamakaawang sigaw ng ate niya bago ito ikulong sa kwarto. Hindi siya nakatulog noon, gustuhin niya mang tulungan ang ate niya'y wala siyang sapat na lakas para gawin 'yon at alam niya sa sariling pagbubuhatan lang siya ng kamay ng sariling ama. Wala rin naman siyang mahihingan ng tulong dahil nasa tuktok na ng bundok ang bahay nila. At ngayon naman, siya na ang nasa sitwasyong 'yon.

"Hindi na ako makapaghintay, Nena. Hindi na..."

"Amang, wag po," mangiyak-ngiyak na sigaw niya. Pinilit niyang itulak ang ama at tumakbo pero napakalakas nito, naidamba agad siya nito sa pinto ng kwarto at walang habas na pinupog ng halik.

"Alam mo naman ang tradisyon ko, hindi ba?" Pilit nitong ikinikiskis ang katawan sa dalagita at walang nagawa si Nena, kundi ang mangiyak-ngiyak na umiwas sa ginagawang pagdikit-dikit sa kanya ng ama.

Nanlilisik ang mga mata nito, waring sinaniban, ni hindi na makita ni Nena ang amang halos hindi makabasag ng pinggan ilang taon na ang nakararaan. Mula nang namatay ang Inang niya ay nawala na rin ang Amang niya. Nalulong ito sa alak at droga. Wala itong ginawa, kundi ang ipagbili ang mga ari-ariang pinaghirapan nitong ipundar para matustusan ang bisyo niya.

"Dugo sa dugo. Laman sa laman. Naiintindihan mo ba ako, anak? Simple lang naman, eh. Isang gabi lang. Pagkatapos nito, pwede mo nang gawin ang gusto mo."

Hindi na siya nakapalag. Wala siyang nagawa nang marahas nitong pinunit ang damit na suot hanggang sa matanggal ang lahat ng saplot.

Wala siyang nagawa, kundi ipaubaya ang murang katawan at maluha..

"HANDA ka na ba sa graduation ninyo sa Marso, Nena?" nakangiting usal ng kapatid bago ito tumungo sa kusina. Tumango lang si Nena. Ilang araw na lang at Marso na, walong buwan na rin pala mula nang mangyari ang gabing 'yon. Dalawang linggo matapos ang malagim na pangyayaring iyon, kinuha siya ng ate niya at isinama na sa bayan. At heto siya ngayon, pinipilit na bumangon at umusad.

Mabilis siyang tumayo. Nahihirapan man ay naglakad siya papalapit sa mga notebook na nakapatong sa mesa ngunit 'di pa man nangangalahati ay naramdaman niya ang hindi maipaliwanag na kirot sa tiyan. Maluha-luha niyang hinawakan ang namimilog nang tiyan at tinawag ang kapatid na nagluluto sa kusina.

Naipikit na lamang ng dalagita ang mga mata sa hapding nararamdaman. Ilang segundo pa ay narinig niya na lang ang nag-aalalang boses ng kapatid.

"Tagos ka, Nena."


RealidadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon