Malalim na ang gabi, hindi niya na maaninag pa ang dinaraanan. Dinig na dinig niya ang ingay ng mga kuliglig. Malakas din ang pagbuhos ng ulan, tumatagos hanggang buto ang lamig nito. Gayunpaman ay nagpatuloy siya, hapong-hapo ma'y hindi magkanda-ugaga ang kanyang mga paa sa pagtakbo.
Kailangan niyang makatakas bago pa man siya gawing pagkain ng kasamahang nakaligtas sa pagbagsak ng eroplanong sinakyan nila papuntang Maynila.
Ngunit nanlabo ang kanyang mata sa nakita. Ang kaninang pag-asang makatatakas sa kasamang tinakasan na rin ng katinuan ay mistulang bula na naglaho. Parang binuhusan siya nang malamig na tubig nang makita niya ang malawak na dagat. Habol ang hininga na tumingin si Aila sa pinanggalingan. Sa 'di kalayuan, nakita niya ang humahabol sa kanya. Nagsimulang manginig ang kanyang kalamnan dahil sa magkahalong takot at kabang nararamdaman. Pinilit niyang maghanap ng daan para makatakas. Ngunit ang masukal na kagubatang pinanggalingan niya kanina, ang dalampasigang animo'y walang katapusan at ang malawak na karagatang sa paningin ni Aila ay isang halimaw lang ang nakita niya.
Mabuti na lamang at sa isla bumagsak ang parachute na nagsalba sa buhay nila dahil kung sa tubig 'yun, malamang ay patay na siya.
Takot siya sa tubig. Takot siyang mapaligiran nito. Simula nang makita niya kung paanong pinatay ng karagatan ang foster parents niya noong eight years old siya nang minsan silang magbakasyon, hindi niya na nagawang lumapit pa rito. Sa tuwing naaalala niya ang panaghoy nila, 'di niya mapigilang sisihin ang sarili dahil hindi niya natulungan ang mga taong nag-aruga sa kanya. Kahit marunong siyang lumangoy ay wala siyang nagawa, kundi ang maistatwa sa buhanginan habang maluha-luhang sumisigaw. Wala siyang nagawa, kundi ang pagmasdan silang lamunin ng halimaw.
Unti-unti siyang napaatras palayo sa dagat. Hindi. Hindi niya kakayaning lapitan ito.
Ilang segundo pa lang ang nakalilipas nang bigla siyang nakarinig ng yabag ng mga paa sa buhangin. Agad siyang lumingon at tumambad sa kanya ang mala-demonyong ngiti ng kasama.
Nanginginig siyang tumakbo sa dalampasigan. Ang bawat pag-apak ng kanyang paa sa malamig na buhangin ay parang isang hakbang palayo sa kamatayan. Pinilit niyang tumakbo nang matulin, 'di alintana ang malakas na pagbuhos ng ulan na mas nagpahirap sa sitwasyon. Ilang metro rin ang natakbo niya, hapong-hapo na siya at nanlalambot na ang mga tuhod nang bigla niyang naramdaman ang malakas na paghila sa buhok niya. Nang tingnan kung sino ang sumabunot ay sumambulat sa kanya ang katotohanang nasundan siya.
Malawak ang ngiti ni Ronnie. Halatang hayok itong gawin siyang pampawi sa kagutumang dinaranas dahil sa pagkakakulong sa isla. Kagutumang nagnakaw sa katinuan nito.
"Ron, 'wag! Ako 'to, si Aila!"
Hinawakan niya ang kamay ng binata. Hinanap niya sa mukha nito ang Ronnie na nangakong pakakasalan siya, ngunit nabigo si Aila. Sapat na pala ang tatlong linggong pagkakakulong sa isla para mawala ang taong minahal niya. Isang binatang nawalan na lang ng katinuan ang nasa kanyang harapan. Namumula at nanlilisik ang mga mata nito habang nakatingin sa kanya.
"Ron, ako-" Hindi niya na nagawang tapusin ang sasabihin. Bago pa man makapagsalita ay isang malakas na suntok ang pinakawalan ng binata. Agad siyang napahawak sa tiyan dahil sa sakit na naramdaman. Hindi niya na napigilan ang maluha. Hindi pa man siya nakababawi ay isang malakas na suntok na naman ang nagmula kay Ron. Tumama ang kamao nito sa kanyang mukha. Halos mawalan siya ng ulirat sa lakas nang nakahihilong pagsuntok ng lalakeng minahal niya. Ilang suntok pa ang ginawa ni Ron hanggang sa tuluyan na siyang bumagsak.
"Ron, ako 'to...tama na," pagmamakaawa niya. Ngunit para bang bingi na ang binata. Nagpatuloy ang pagpapaulan ng suntok ni Ronnie, tanging ang paglagay ng kanyang kamay sa ulo ang nagawa ni Aila para kahit papaano'y maiwasan niya ang pananakit ng binata.
BINABASA MO ANG
Realidad
General FictionMinsan, mas mabuting masampal ng katotohanan ang mundong punong-puno ng kasinungalingan. Pinagsama-samang maikling kwento na tumatalakay sa realidad ng buhay.