Nagmamadali sa pagtakbo si Reno. Malayo pa lang ay naririnig niya na ang sigawan ng mga tao. Sampung minuto na lang bago mag-alas kwatro nang hapon. Dapat sana'y tulog pa siya ngayon. Pero ginising siya ni Totep, ang kapitbahay nila, dahil nga sa komosyon. Kung tutuusin, wala siyang pakialam sa mga ganoong bagay. Pero may kung anong pwersa ang humihila sa kanya para pumunta.
Pagkarating niya sa lugar na pinagmumulan ng ingay, nanlumo siya nang makita ang dalawang jeep na nagbanggaan. Pero mas lalo siyang nanlumo nang makita ang nagkalat na butil ng bigas sa lansangan.
Sana'y hindi na siya nagpunta pa.
***
"Aray," daing niya matapos hambalusin ng dos por dos sa likod. Gustuhin niya mang ipagsigawan na nasasaktan siya'y hindi niya magawa. Kailangan niyang tiisin ang sakit. Gustung-gusto niyang makapasok sa fraternity. Kailangan niya ng mga kasangga. Pagod na siyang mag-isa. Bata pa lang ay nilalayuan na siya ng mga tao dahil kabit daw ang kanyang ina at siya nama'y anak sa labas.
At hindi siya makapapasok kung hindi niya titiisin ang sakit.
"Ang sakit ay simbolo ng inyong pakiki-isa sa kapatiran. Naiintindihan niyo ba?" Narinig niyang pabulyaw na sigaw ng isa sa mga miyembro.
Tumango siya. Para sa kapatiran. Para sa pagkakaroon ng kaibigan.
Ilang hambalos pa ang tinamo ng hubo't hubad niyang katawan. Hindi kaila na maaari siyang mamatay sa ginagawa pero desperado na siya, titiisin niya ang lahat.
At hindi nga siya nabigo. Makalipas ang ilang oras ng pasakit ay idineklara siyang miyembro ng kapatiran, kasama ng iba pang recruit. Hindi niya maintindihan pero nang mga oras na iyon, wala siyang maramdamang sakit.
***
"Anak, bili ka nga ng bigas." Ilang tapik sa kanyang pisngi ang dahilan ng pagmulat ng kanyang mga mata. Tumambad sa kanya ang maamong mukha ng ina. Napasimangot siya. Sa tuwing nakikita niya kasi ang magandang mukha nito'y mas lumalalim ang galit niya rito. Kung siguro'y hindi siya maganda'y hindi nito maaakit ang tatay niya, hindi siya magiging anak sa labas, hindi niya kakailanganing mabuhay sa mapanghusgang mundo.
"Ayaw ko, tinatamad ako," asik niya sabay takip ng unan sa mukha. Ramdam niya pa rin ang pananakit ng katawan kaya hindi siya makagalaw nang maayos. Narinig niya ang pagbuntong-hininga nito.
"Hindi ko maintindihan kung bakit parang tinamad ka nang mabuhay. Bakit nagkakaganyan ka?"
Napailing na lang siya sabay tulak sa ina, dahilan para mahulog ito sa sahig. At sa halip na makadama ng pagsisisi, inis lang ang nararamdaman niya. "Sinabi na kasing tinatamad ako, eh! Ikaw bumili ng bigas mo!" Itinalukbong niya na ang kumot, nagpupuyos sa galit at namimilipit sa sakit. Kailangan niyang matulog.
"Sige, 'Nak. Ako na lang ang bibili. Pagod ka siguro sa pag-aaral mo."
***
Isang babae ang nakahandusay sa gitna ng nagbanggaang jeep. Kitang-kita niya ang maamong mukha nito, balot ng dugo ang katawan. Yakap-yakap nito ang isang supot ng bigas. Tumulo ang mga luha ni Reno. Mas lalo lang siyang nawalan ng rason para mabuhay.
Nagsimula siyang maglakad pauwi. Kailangan niya nang matulog...habambuhay.
cQQw~��(�{
BINABASA MO ANG
Realidad
Ficção GeralMinsan, mas mabuting masampal ng katotohanan ang mundong punong-puno ng kasinungalingan. Pinagsama-samang maikling kwento na tumatalakay sa realidad ng buhay.