Kapeng Malamig para kay J

223 6 1
                                    


Tirik na ang araw ngunit hindi niya magawang bumangon sa kama. Hindi niya mahanap ang rason kung bakit pa siya babangon. Naalala niya tuloy ang isang komersiyal na pinagtrabahuhan ng advertising agency nila noon. Iyong tagline talaga ang sumasapak sa pagkatao niya.

Para kanino ka bumabangon?

Kung ilang buwan pa siguro ang nakararaan at itanong iyon sa kanya, sigurado siyang isang pangalan lang ang isasagot niya—para kay J.

Ngumiti siya nang mapait. Isa, dalawa...tatlo. Muli na namang pumatak ang mga luha niya. At mas lalo lang bumuhos ang mga ito nang makita niya ang bakanteng espasyo sa tabi niya. Ilang buwan na rin siyang nagigising na mag-isa sa kama. At iyon ang pinakamasakit. Ngunit wala na siyang magagawa.

Ilang saglit pa ang lumipas nang marinig niya ang pagtunog ng telepono. Mabilis niyang pinunasan ang pisnging basa na ng luha bago sinagot ang tawag.

"Hello?" nanginginig ang boses na sambit niya.

"Jenny, anak, kamusta na?"

"Okay lang po ako, Ma." Huminga siya nang malalim. Kahit kailan, hindi siya magiging okay. Pero mas gugustuhin niya pang maging okay sa paningin ng iba, kaysa maging pabigat pa. Tinakpan niya ang bibig nang mapahikbi, ayaw niya nang marinig pa ng ina kung gaano siya ka-miserable.

"Okay ka lang ba? Bakit ganyan ang boses mo?" sunod-sunod na untag sa kanya.

"Ma, marami pa akong gagawin. Magluluto pa ako, gutom na raw si J. At saka mamimili pa kami ni J ng grocery. Tawagan na lang po kita. Bye, Ma." Kaagad niyang ibinaba ang telepono at tuluyan nang humikbi, niyakap ang sarili habang tulirong nakatingin sa kawalan.

Makalipas ang ilang minuto ay napagpasyahan niyang pumunta sa kusina at magtimpla ng kape sa tasa na lagi nilang ginagamit noon. Naalala niya kung gaano kasaya ang mga umaga niya noon. Gigising siya sa mga halik ni J. Maaamoy niya ang mabangong sinangag at pritong itlog na laging niluluto ng asawa niya dahil iyon lang ang alam nitong lutuin. Maliligo sila nang sabay habang nagkukulitan. Sabay silang pupunta sa trabaho na magkahawak ang kamay.

Napakasaya nila noon.

Isa na lang ang kulang, isang batang iiyak tuwing hatinggabi para magpatimpla ng gatas. Isang batang magpapagulo sa tahimik nilang pagsasama. Isang anak. Kahit isa lang. Hindi naman sila naghangad ng marami. Pero hindi niya iyon maibigay sa asawa.

Baog kasi siya. At iyon, sa palagay niya, ang dahilan kung bakit nawala si J. Ang dating mainit na pagsasama ay biglang nanlamig na. At wala siyang nagawa, kundi ang makita itong magbago sa harapan niya.

Narinig niya ang pagbukas ng pinto. Alam niyang papasok na si J. Hindi niya napigilan ang ngumiti. Para siyang bata na tumakbo papalapit sa pwerta ng bahay ngunit nanlumo nang makita ang isang babaeng nakayakap sa beywang ng asawa.

"J..." maluha-luha niyang sambit, nagtatanong ang mga mata na para bang napakabago ng sitwasyong iyon gayong hindi na iyon bago dahil halos araw-araw itong nagdadala ng babae tuwing umuuwi.

Tiim-bagang lang siyang tiningnan ni J. Huminga siya nang malalim, hindi pwedeng magalit si J. Yumakap siya sa asawa at pilit ang ngiting hinalikan ang pisngi nito.

"Kumain ka na ba?"

Tiningnan niya ito nang may halong admirasyon at pagmamahal. Tumango lamang ito sabay halik naman sa labi ng kasama, sa harapan niya pa mismo.

"Nabusog na ako sa agahan ko," may halong birong sambit nito na nakatitig nang mapangtudyo't malagkit sa babaeng kasama.

Ngumiti lang ang babae at tumingin kay Jenny. "Ipagtimpla mo nga si J ng kape. Walang silbi," walang kagatol-gatol na turan nito.

Kung siguro, dati'y masasampal niya pa ito. Pero totoo naman, wala na siyang silbi. Ni hindi niya nga mabigay kay J ang kaisa-isa nitong gusto.

"Okay, hintayin mo ang kape mo, mahal ko." Mabilis pumatak ang mga luha niya nang tumalikod na sa mga kaharap. Pero kaagad niyang pinigilan ang sarili at ngumiti. Okay lang siya, kailangang ipakita niyang okay lang siya. Hindi niya kasi kakayanin kung hindi na siya uuwian pa ni J. Okay lang kahit mambabae ito, hindi na siya magtatanong pa. Okay lang kahit utus-utusan siya nito.

Okay lang... kahit hindi naman talaga.

Akmang babalik na sana siya dala ang kape nang bigla na namang tumunog ang telepono.

"J! Saglit lang sa kape mo, ah?"

Hawak ang tasa, dumiretso siya sa kwarto at sinagot ang tawag.

"Nak."

"Oh, Ma? Napatawag ka po? May kailangan ka?"

"Anak, hindi ka okay," pagpipilit nito.

Natawa na lamang siya habang pinipigilan ang pagtulo ng luha. "Ano ka ba, Ma. Syempre, okay na okay ako. Ang saya-saya ko kaya."

Narinig niya na ang hikbi ng ina sa kabilang linya. "Tigilan mo na 'yan, 'Nak..."

Nanlamig siya sa tinuran nito. "Ma, kung wala ka naman pong sasabihin, ibababa ko na 'to. Ibibigay ko pa kay J 'yong kape," tarantang sagot niya.

Ibababa na sana niya ang telepono nang muli na namang magsalita ang ina, "Patay na si J. Apat na buwan na siyang patay, anak. Gumising ka na. Wala na siya. Hindi ka okay. Aminin mo na 'yan sa sarili mo!"

Ang mga salitang iyon ang dahilan ng muling pagguho ng mundo niya. Napaupo siya sa kama, nanghihina sa sobrang kalungkutang nadarama. Araw-araw, nababasag ang puso niya. Mas gugustuhin niya pa ngang isipin na nambababae lang ito. Hindi iyong katulad nito, na kahit kailan, hindi niya na ito makakasama. Apat na buwan na siyang halos mabaliw-baliw, pilit na binabalik-balikan ang mga panahong kasama niya pa si J.

Ikinulong niya ang sarili sa isang ilusyon. Kahit kailan, hindi naging salawahan si J. Kahit kailan, hindi nito pinaramdam na nawalan ito ng gana dahil baog siya. Ang katotohana'y namatay si J. Pauwi na sana ito nang mabangga ang minamanehong sasakyan.

Hindi niya iyon matanggap-tanggap.

Wala sa wisyong ininom niya ang nanlamig nang kape at naglakad pabalik sa sala, nagbabaka-sakaling panaginip lang ang lahat. Ngunit pagdating niya, wala na si J at ang kasama nito.

Nanlumo siya at mangiyak-ngiyak na itinapon ang tasa sa sahig. At kasabay ng pagbagsak nito ang muling pagkawarak ng puso niya.

Tama nga ang sinasabi nila, pampagising nga pala talaga ang kape.

RealidadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon