Paglisan

159 2 1
                                    



Minsan, may isang digmaan.

Dila sa dila. Labi sa labi. Mga kamay na hindi magkamayaw kung saan dadantay. Dalawang taong magkapatong, parehong pawisan. Hindi mawari ang nararamdaman. Walang ibang nais, kundi ang mapag-isa ang mga katawan.

Sumasabay sa ritmo ng musikang sila lang ang nakaririnig. Pilit na ipinaglalaban ang digmaang sila lang ang may alam.

Kung titingnan, walang mali sa kanilang dalawa. Dalawang taong nagmamahalan. Wala naman silang inaapakang tao.

Sa batas ng buhay, kailan ba naging mali ang magmahal?

Ngunit hindi iyon gano'n kadali.

Habang yinayamutak ni Rico ng halik ang labi ni Sammy, hindi niya mapigilang maisip ang mga sasabihin ng mga tao sa oras na malaman ng mga ito ang ginagawa nila.

Mahalay. Bastos. Imoral.

Napangiti siya nang mapait at natigilan sa ginagawa.

"Mahal ko?" Narinig niyang sambit ni Sammy. Halata sa tono nito ang pagkabitin at pagtataka.

Ang kaninang init ng katawan na nararamdama'y unti-unting humupa. Ni hindi niya na magawang hawakan si Sammy. Nagsimula na rin siyang maluha. Lumayo siya nang bahagya na tila ba ang madikit sa minamahal ay napakalaking kasalanan na rin.

Kitang-kita niya ang reaksyon nito. Ang kaninang masayang mukha ay nabalot ng lungkot.

"Magpapaapekto ka ba, Ric? Mahal natin ang isa't isa. Ipaglaban natin 'to," garalgal ang tinig na pagmamakaawa ni Sammy.

Napailing si Rico. Hanggang kailan sila lalaban? Mapanghusga ang mundong ginagalawan nila.

"Muslim ka. Katoliko ako. Mali ito, mali tayo. Hindi nila tayo matatanggap," tugon niya sa kabila ng mga hikbi. Naramdaman niya ang muling paglapat ng mga labi nila. Pilit na ipinapasok ni Sammy ang dila nito sa bibig niya.

Ngunit hindi niya magawang tumugon. Bagkus ay tumayo siya mula sa kama at matamang tingingnan ang kahubdan nito.

"E, ano kung Muslim ako?!" Lumapit ito sa kanya, nagpupumilit na isiksik ang sarili. Nahihirapan man ay nagawa niya itong itulak sa kama. Kinuha niya ang kumot at ipinantakip sa balingkinitang katawan ni Sam.

"Tangina! Duwag ka!" Sinampal-sampal siya nito sa sobrang galit ngunit wala siyang magawa, kundi ang matahimik.

"Umalis ka na. Kalimutan mo na ako," mangiyak-ngiyak na turan niya.

Napapikit na lang si Rico nang marinig ang pagdabog-dabog nito. Alam niyang nagbibihis na ito para umalis...para iwan siya nang tuluyan. At ayaw niyang makita iyon. Mahal na mahal niya si Sammy. Pero hindi na maaaring ipagpatuloy pa ang relasyon nila. Sa oras na may makaalam, tiyak na pagpipiyestahan sila ng mga tao, lalo na't anak siya ng mayor ng bayan nila.

Nang marinig niya ang paglagapak ng pinto, mas lalong nadurog ang puso niya. Wala na si Sammy. Wala na siyang magagawa pa. Dali-dali niyang pinunasan ang mga luhang kumawala. Kailangan niya na ring lisanin ang motel bago pa may makakilala sa kanya.

Akmang magbibihis na sana siya nang mapansin ang bagay na nakalapag sa kama. Hinawakan niya iyon at mapait na ngumiti. Bukod kasi sa relihiyon, may isang bagay pa silang ipinaglalaban.

Muli niyang tiningnan ang brief ni Samuel, tumingin sa kawalan at bumuntong hininga habang iniisip ang katotohanang sa digmaang ito, talo na sila.


RealidadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon