Minsan may isang Inday

1.2K 37 5
                                    

Maganda ba talaga ako?

Tahimik na tumingin si Inday sa maliit na salamin na binili ng Tatay niya nang minsan itong mapunta sa bayan. Ayaw pa nga siya nitong ibili dahil hindi pa naman daw siya "dalaga" pero sa huli ay nasunod din ang kagustuhan niya. Sino ba naman kasing  makaka-hindi kay Inday? Bukod sa mahal na mahal siya ng kanyang ama, napakabait niya pang bata. Lahat na ata ng batang babae sa lugar nila ay hinahangaan siya at ang mga kaedaran niyang lalaki ay nagkakagusto naman sa kanya. Isa si Inday sa mga kinagigiliwan ng mga matatanda sa lugar nila, nirerespeto dahil sa kabutihan ng kalooban.

"Pagkatapos ng klase, umuwi ka agad. Alam mo namang malayo ang byahe, 'di ba? Wag kang magpapa-abot ng dilim sa daan," utos ni Ka Isko. Masaya naman itong tinugon ng tango ng dalagita.

"Oo naman po," ayon niya pa habang nakangiting nagsasalansan ng mga notebook. Matapos mailagay sa kulay asul niyang bagpack ang mga notebook ay masaya siyang lumapit sa kanyang ama at nagsalita.

"Kapag nakapagtapos ako, bibili tayo ng lote sa bayan. Hindi mo na kailangang magtanim at magbuhat ng mabibigat. Ako na ang magtra-trabaho para sa'tin," sambit niya habang mataman na nakatingin sa ama na ngayon ay matiyagang nag-aasikaso ng babaunin ng kanyang unica hija.

Isang butil naman ng luha ang lumandas mula sa mata ng matanda matapos marinig ang sinabi ng anak.

"Naniniwala ako sa iyo anak," nakangiti nguni't lumuluhang sambit nito. Mabilis namang yumakap ang anak sa ama. Pagkatapos ay inabot ni Isko ang kanin at daing na binalot sa dahon ng saging na malugod namang tinanggap ni Inday.

"Aalis na po ako," paalam ng dalagita nang makita ang papalapit na si Ipo.

Tango na lang ang naisagot ng matanda. Hindi niya mapigilang maluha sa nakikita. First year high school na ang anak niya at kailangan na nitong maglakad ng malayo, makapasok lamang sa hayskul. Dati, siya pa ang nagpapalit ng lampin nito. Ngayon, may sarili na itong buhay na binubuo.

Nagpatuloy naman si Inday sa paglalakad. Kahit ilang kilometro pa ang lalakarin bago makarating sa sakayan ng jeep ay hindi matanggal-tanggal sa mukha niya ang ngiti. Unang araw kasi ngayon ng eskwela at hindi niya mapigilan ang matuwa dahil sa unang pagkakataon ay makapupunta siya ng bayan para mag-aral, hindi para samahan ang kanyang ama sa paghahatid ng kopra. Pakiramdam niya ay lilipad na siya sa saya.

Iniisip niya pa lang na makakikilala siya ng mga bagong kaibigan ay napapangiti na siya. Marami siyang kaibigan sa lugar nila at gusto niya ring magkaroon ng mga kaibigan sa bayan. Tulad nang elementary, nais niya ring maging honor student sa bayan. Gusto niyang matuto, makapagtapos at iahon sa hirap ang kanyang ama. At ngayong hayskul na siya, ilang hakbang na lang ang kakailanganin niya, malapit niya nang makamit ang mga pangarap niya.

"Kamusta kayo? Ako nga pala si Inday. Gusto ko kayong maging kaibigan," paulit-ulit na sambit niya habang naglalakad. Pilit na isinasaulo ang mga salitang gusto niyang sabihin sa mga makakasalamuha niya mamaya.

"Ano ba naman 'yan Inday, tama na nga," saway naman ng naiingayan na si Ipo, ang kababata niya na kasama niya ring mag-aaral sa bayan.

"Wag kang magulo, Ipo. Kailangang maging perpekto ang mga sasabihin ko para makahanap ako ng maraming kaibigan sa bayan," sabik na sagot niya. Bumuntong-hininga lang si Ipo at tahimik na naglakad, pilit na itinatago ang takot sa maaaring mangyari sa bayan.

Gayunpaman ay nanatiling positibo si Inday. Sigurado siyang magiging maganda ang pamamalagi niya sa hayskul.  Hindi na siya makapaghintay sa mga mangyayari.

Nguni't ang inaakalang masayang simula ay napalitan ng lungkot nang marating nila ang eskwelahan. Ang buong akala niya, magiging maganda ang pagtanggap sa kanya ng bagong mundong iikutan niya. Mali pala. Dahil sa pagdating niya sa loob ng campus, nangunot na lamang ang noo niya sa mapanghusgang tingin ng mga ka-eskwela. Mali. Maling-mali pala siya. Unti-unting nanginig ang labi niya at kahit ang kamay niya ay nanginginig rin sa pangamba. Mayroon pa ngang isang babaeng lumapit sa kanya para tapunan siya ng niyamukos na papel. Para siyang isang kandilang nauupos sa bawat titig nila. Titig na para bang napakarumi niya, titig na para bang hindi siya nababagay sa lugar na kinatatayuan niya.

Sinubukan niyang lapitan at kaibiganin ang mga nakakasalubong pero ni isa sa kanila ay hindi natuwa sa kanyang presensya. Lahat sila'y nandidiri na para bang isa siyang malaking salot sa lipunan. Kung hindi man siya iwasan ng mga tao ay bakas naman sa mga mukha nila ang pandidiri sa isang tulad niya.

Ano nga bang kasalanan niya? Pumunta siya dito para matuto, magkaroon ng kaibigan at umunlad pero ano? Ganito pa talaga ang sasambulat sa kanya? Ang katotohanang bali-baligtarin man ang mundo, hindi pa rin magbabago ang tingin sa kanila ng mga tao... ng mga normal na tao. Sa paningin nila, isa lang siyang batang maitim pa sa uling, kulot, malaki ang mata, pango at makapal ang mga labi. Ni hindi nila pinahalagahan ang katotohanang ganito man ang itsura niya ay matalino naman siya.

Uling. Kulot. Pango. Negra.

Napakuyom na lang siya ng palad at napakagat-labi habang lumuluha. Hindi dahil mahina siya, kundi dahil hindi niya maintindihan kung bakit ganito ang mga tao sa paligid niya. Mas mahalaga ba talaga sa kanila ang itsura?

Maganda ba talaga ako? Tanong na muling sumagi sa isipan niya. Oo, maganda siya sa mata ng kanyang ama, sa mga katribo niya pero sa mga normal na tao sa paligid niya? Hindi. Hindi siya maganda sa paningin nila pero ano pa nga bang magagawa niya?

Nanginginig man ay pinilit niyang punasan ang mga luha sa mukha. Huminga siya ng malalim, pilit na pinagagaan ang kalooban. Nang makuha niyang pakalmahin ang sarili ay determinado niyang tinahak ang daan patungong klasrum.

Maaari ngang hindi niya na mababago pa ang tingin sa kanya ng mga taong mapang-mata. Pero sa kabila ng lahat ng 'yun, meron pa siyang pwedeng mabago.

Maaari niya pang mabago ang kinabukasan niya... at hinding-hindi niya susukuan 'yun.

 

Author's Note: A story that made me proud. <3

RealidadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon