Habang patuloy na sumisikat ang araw sa umaga, kailangan kong gumising. Kailangan kong simulan ang mga bagong hamon na darating. Kailangan kong tapusin ang anumang balakid sa landas na aking tatahakin. Iwaksi ang negatibong nangyari sa nakaraan at gumawa ng positibong magiging gabay ko para magpatuloy. Pwera na nga lang kung mas pipiliin kong wakasan na lang ang buhay ko at syempre hindi ko gagawin 'yon. Para saan pa't narito ako ngayon, biniyayaan ng isa pang pagkakataon para bumalik sa dating ayos ang lahat, kung wawakasan ko naman ang buhay ko?
Napakadaling sabihin pero ang hirap gawin. Kung sana'y kasing dali lang ng paghinga ang mga plano sa isip ko, matagal ko nang ginawa ang mga 'yon. Pero hindi, eh. Sa tuwing titingnan ko ang sugat na ginawa ni Joselita, mas lalo akong naniniwalang gagaan ang buhay ko kung magpapakamatay na lang ako. Duwag? Marahil nga'y gano'n ako pero umaabot din kasi sa puntong mas gugustuhin mo na lang maging duwag kaysa ipaglaban ang isang labang sa una pa lang ay talo ka na.
Sira. 'Yun ang tanging naiisip ko sa tuwing titingnan ko ang pamilya ko. Lahat sila'y nakahandusay. Ang dating buo at malulusog nilang pangangatawanan ay napupuno ng latay. Latay na hindi naman dapat namin natanggap mula sa kanya kung hindi lang siya naging pabaya. Unti-unti niya kaming nilipol. Inisa-isa, pinatay. At ang nakakainis ay wala kaming magawa, kundi ang manahimik.
Kasalanan ba naming dito kami lumaki? Wala na ba talaga kaming karapatang mabuhay at gano'n-gano'n na lang kung paslangin kami?
Unti-unting tumulo mula sa'king mga mata ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan. Bukod sa sakit ng katawan na nararamdaman ko dulot ng akmang pagpatay sa'kin, mas nasasaktan akong makitang ako na lang ang natira sa angkan namin. Ang sakit. Hirap na hirap na nga ang katawan ko, pati ba naman ang makita ang pamilya kong nagkakaganito ay mas nahihirapan pa ako.
"Ma," mahina at namimilipit sa sakit na turan ko. Pilit na naghihintay ng sagot mula sa magulang na nagbigay sa'kin ng buhay. Hindi siya sumagot, nanatili lang siyang nakahandusay sa tabi ko. Ni hindi man lang niya nakuhang gumalaw para bigyan ako ng kahit kaunting pag-asa. Kaagad akong pinanghinaan ng loob. Kahit ang magulang ko'y walang habas na pinatay ni Joselita. Ako na lang ang natira. Bakit ako pa? Bakit hindi na lang sila?
"Art, Heim! namamaos na sigaw ko. Hindi rin sumagot ang mga kapatid ko. Lahat sila'y walang bakas ng buhay.
Marahil nga'y umaasa ako sa wala. Pero mas gugustuhin ko pang mamaos kakasigaw kaysa ang manahimik at guluhin ng mga masayang alaala ng pamilyang ngayon ay wala na.
Napaka-demonyo niya talaga. Alam ko namang hindi amin 'tong tinitirhan namin ngayon, eh. Pero hindi sapat na dahilan 'yun para ganito ang mangyari sa'min.
"Er," naghihingalong sambit ng isang tinig.
Agad akong napalingon at nakita ko ang pinsan kong si Rain. Tulad ng mga kasamahan namin ay lasog-lasog na rin ang katawan niya. Balot na balot siya ng dugo, halos ayaw ko nang tingnan pa siya dahil ako na mismo ang nasasaktan para sa kanya.
"Ikaw na lang ang natitira. Ipaglaban mo ang lahi natin. Lahat kami'y pinaslang niya. 'Wag na 'wag kang susuko, Er. Sa'yo nakadepende ang mga susunod na henerasyon ng angkan natin. Ipaghiganti mo ang angkan mo, manatili kang buhay," muling sambit niya.
Para akong naistatwa sa narinig. Hindi ko ata kakayanin ang sinasabi niya.
"Pero Rain, mahirap ang hinihingi mo. Wala akong kakayahan para gawin ang mga sinasabi mo," maang ko. Ngumiti lang siya ng mapait.
"Umaasa ako sa'yo, Er. Ikaw na lang ang pag-asa namin. 'Wag mong hayaang mabaon na lang sa limot ang kagaguhang ginawa ni Joselita.
Natigilan ako. Pilit na hinahanap sa utak ko ang kasamaang ginawa ng demonyo at nang mahanap ko ito'y tumingin ako kay Rain at tumango. Isang ngiti lamang ang tinugon niya. Ilang sandali pa ay tumigil na rin ang kanyang paghinga. Dahilan para mas lalo akong mawalan ng pag-asa.
![](https://img.wattpad.com/cover/21918920-288-k640678.jpg)
BINABASA MO ANG
Realidad
Ficción GeneralMinsan, mas mabuting masampal ng katotohanan ang mundong punong-puno ng kasinungalingan. Pinagsama-samang maikling kwento na tumatalakay sa realidad ng buhay.