Putang Ina Lang

1.8K 47 9
                                    

Ikaw, ano bang titulo mo?

Putang ina lang.

Panandaliang nagningning ang mga mata ko nang marinig ang malutong na tunog ng papel. Patapon na ibinigay ni Max -- alam kong hindi niya totoong pangalan dahil tulad ng marami ay takot siyang mabisto ang mga kagaguhan niya -- ang tatlong libo na para bang napakarumi nito. Kung alam lang niya na ang perang tinatapon niya na para bang isang basura ay ang dudugtong sa buhay ng aking ama. Mabilis pa sa alas kwatro ang pagsalo ko sa pera na agad ko namang itinago sa bulsa. Matapos kong ayusin ang sarili ay tinahak ko na ang daan papuntang pintuan nguni't bigla akong natigilan sa sinabi ng damuho.

"Wala man lang salamat? Pokpok talaga."

Tiningnan ko siya ng matalim nguni't tila ba hindi man lang siya natinag at pangiti-ngiti pang pinasadahan ng tingin ang katawan ko.

Ano bang karapatang niyang manghusga? Sino ba siya sa inaakala niya?

Minsan, gusto ko na lamang tawanan ang buhay ko. Dahil sa sobrang drama, pwede nang isa-pelikula. Tulad ng mga kwento, sanggol pa lamang ako nang inabandona ng sarili kong ina sa basurahan ng isang public CR. Inaruga ako ng janitor na nakapulot sa'kin at binigyan ng simpleng buhay. Hindi na ako nabigyan pa ng pagkakataong tumuntong sa hasyskul. At sa ngayo'y nagbibigay serbisyo at panandaliang aliw sa mga taong hindi makapagtimpi sa tawag ng laman.

Napaka-drama.

Sa sobrang drama ay gusto ko na lang maglaho na parang bula at lisanin na ang mundong ito na punung-puno ng mga taong mapanlinlang at mapanghusga.

Hindi ko namalayang tumulo na pala ang mga luha na agad ko namang pinunasan gamit ang palad ko.

"Malaki na 'yan ah? Kung ako sa'yo ay ititigil ko na ang ginagawa ko. Pumunta ka sa TESDA at mag-aral ka, sayang ka eh!"

"Hindi ikaw ang Tatay ko kaya wag kang umasta na para bang ang lahat ay alam mo na!" pabalang na sigaw ko.

"Aba't sumasagot ka pang pokpok ka? Pokpok ka na nga, nagmamagaling ka pa? Putang ina ka!"

Isang malakas na sampal ang iginawad niya. Dahilan para bumagsak ako sa marmol na sahig. Ilang sipa pa ang natanggap ko. Gustuhin ko mang lumaban ay hindi ko magawa. Kakarampot lang ang lakas ko kumpara sa kung ano ang meron siya. Tanging pagluha na lamang ang nagawa ko. Nang matapos na sa panggugulpi ay kusa na rin siyang umalis sa inupahang kwarto habang ako'y naiwang lupasay sa sahig.

Masakit man ang katawan ay agad akong tumayo at nag-ayos ng sarili. Pagkatapos ay lumabas na ako na para bang walang nangyari.

Ganito naman dapat di'ba? Marumi ako kaya ayos lang na tapak-tapakan ang pagkatao ko ng mga taong tulad niya.

At saka wala na rin akong pakialam dahil nasa akin na ang tatlong libo na pambayad sa pagpapagamot ni Tatay. Matanda na kasi siya kaya napakadali nang dapuan ng sakit. Nang makarating ako sa plaza ay kinuha ko ang cellphone sa bulsa at tinawagan si Jessie. Ilang segundo pa ang lumipas bago niya sinagot ang tawag ko.

"Hello?"

"Nars, may pambayad na ako sa swero at gamot niya," sambit ko habang pilit na inaabot sa bulsa ng maikli kong short ang tatlong libo.

"M-Magda," malamig na sagot niya.

"Oh bakit? Humihingi na naman ba siya ng sigarilyo?"

"Hindi. Kasi... ano."

"Eh ano nga?"

Ilang segundo pa ang hinintay ko bago ko marinig muli ang boses niya.

"P-patay na si Tata Celo."

"H-hindi totoo 'yan... niloloko mo lang ako!"

Parang pinagbagsakan ako ng langit at impyerno sa narinig ko. Ni hindi ko magawang maglakad at dumiretso papunta sa hospital para patunayang buhay pa siya.

May mas ikapapangit pa ba dito ang buhay ko?

Nabitawan ko na lang ang cellphone na hawak ko. At kahit sunud-sunod pa ang pagtulo ng mga luha ko ay wala akong pakialam.

Wala na si Tatay. Wala na ang nagbigay sa'kin ng panibagong buhay. Wala na 'yung dyanitor na nagpasyang 'wag na lang mag-asawa para alagaan ang sanggol na napulot niya. Wala na si Tatay.

Putang ina. Putang ina. Putang ina lang talaga.

Hindi ko na alam kung sa'n pa ba ako pupunta. Kasabay ng pagbuhos ng luha ay ang hindi maipaliwanag na pananakit ng tiyan. Napahawak na lang ako sa namumukol kong tiyan at hinimas-himas ito. Maya-maya pa ay narinig ko ang boses mula sa likod ko.

"Umuwi ka na," turan niya. Agad ko namang hinarap kung sino man ang nagsalita at tumambad sa'kin ang maamong mukha ng isang matandang babae.

"B-bakit ho?" tanong ko habang pinupunasan ang mga luha at uhog sa mukha ko. Ngumiti lang ito at lumapit ng kaunti. Ilang segundo pa ang lumipas bago ito tuluyang bumulong.

"Mga bata talaga ngayon. Umuwi ka na ineng dahil 'yang puti mong short, natagusan na."

Bigla na lang nangilid ang luha ko at para bang kakapusin ako sa paghinga. Mas lalo pang sumakit ang tiyan ko.

Wala na sila.

Tuluyan na akong pumalahaw sa gitna ng napakaraming tao. Bakas sa mukha nila ang pagtataka. Marahil ay mistula na akong nababaliw sa paningin nila.

Wala silang alam pero ako, may bagong nalaman.

Meron pa palang ikapapangit ang buhay ko? Putang ina!

---

 Explanation: 

Isinulat ko ang kwento, hindi para magmura. Hindi ko ugaling magmura. Pero sinulat ko 'to dahil kating-kati talaga ang utak ko para isulat 'to.

At para sa kaalaman ng lahat, hindi mura ang titulo ko. Seryoso, hindi yan mura. Kung binasa niyo ng maigi ang kwento, malalaman niyong buntis si Magda.

Si Magda ay isang prostitute at ang Filipino term sa Prosti ay Puta. Siya rin ay isang Ina dahil nagdadala siya ng sanggol sa tiyan.

Prostitute + Buntis = Putang Ina.

Yun lamang, sana nagets ninyo.

Daring. Blunt. Parang hindi ako?

Hindi niyo lang alam pero tuwang-tuwa ako nang sinulat ko 'to. Out of the comfort zone, filipino at daring ang kwento niya in such a way na gumamit ako ng mura. Pero nonetheless, sana magustuhan ninyo 'to. :D

RealidadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon