Matapos ang dalawa't kalahating oras na pagtutok sa kompyuter ay napagpasyahan kong tumambay naman sa simbahan. Hindi para magsimba, kundi para patayin ang oras na dapat ay iginugugol ko sa pagpasok sa eskwela. Bakit pa 'ko papasok, kung kahit ano namang gawin ko ay hindi sila magiging masaya sa resulta? Bakit pa ako magpapagod, kung kahit ano namang hirap ang gawin ko ay 'di nila mapapansin ang sakripisyo ko dahil mas mahalaga sa kanila ay ang mga anak na matatalino? Walang lugar ang bobong tulad ko sa buhay nila.
Sukbit ang pulang bagpack bilang props na pumapasok pa 'ko sa klase ay dahan-dahan akong naglakad sa pinaka-gitnang bahagi ng simbahan. Nang marating ko ito'y agad kong napansin ang isang babaeng gula-gulanit ang buhok na nakasuot ng madungis na pulang business attire. Karga-karga niya ang isang sanggol, sa tabi niya ay nakaupo ang dalawang batang babae. Tulad niya ay madungis din ang mga bata.
Kilala siya bilang si Tonyang, isang baliw. Maraming nagsasasabi na dating law student si Tonyang pero hindi kinaya ang pressure sa Law School kaya bumigay na lang bigla ang utak niya. Nakita na lang siyang palaboy-laboy sa kalsada. Minsan pa'y makikita itong hubo't hubad na naglalakad-lakad sa kung saan, patunay na tinakasan na siya ng katinuan. Ang hindi ko lang maipaliwanag ay kung pa'no niya naalalagaan ang mga anak niya.
Maya-maya pa'y dumaan ang isang matandang babae para gumamit ng CR. Ihuhulog niya na sana ang limang piso sa donation box na pondo sa paglilinis ng CR nang biglang lumapit si Tonyang at hinablot sa matanda ang pera. Gulong-gulo man ay nanahimik na lamang ang matandang babae at muling kumuha ng limang piso para ilagay sa kahon ng donasyon.
Lumipas ang mga oras at paulit-ulit ang nangyayari. May maghuhulog sa donation box at aagawin naman 'yun ni Tonyang nang nakangiti. Sa tuwing nakukuha niya ang pera ay masaya niya 'yung ipapakita sa mga bata. Nang marami-rami na ang kanyang naagaw na pera ay mabilis siyang lumabas ng simabahan, at naiwan sa loob ang tatlong bata.
Napatayo ako at bahagyang kumunot ang noo sa nakita. Iiwan niya ng ganon-ganon na lang ang mga anak niya? Ganito na ba talaga kawalang-awa ang mga magulang ngayon? Matapos iluwal ay basta-basta na lang iiwanan sa kung saan-saan o kung hindi naman ay habambuhay na pahirap ang ibibigay?
Tumingin ako sa orasan at nalaman kong alas dose na pala, malapit nang magsimula ang misa. Tumayo na ako para lumabas pero natigilan ako nang makitang papasok si Tonyang sa simbahan, dala ang isang plastic. Patakbo siyang lumapit sa mga bata at nakangiting ibinigay ang mamon na binili niya. Tumayo ang balahibo ko sa nakita. Kitang-kita sa mga mata niya ang saya nang maibigay sa mga anak ang kakarampot na pagkain.
Nagsimulang uminit ang mga mata ko na sinundan nang pangingilid ng mga luhang hindi ko inaasahang tutulo dahil lamang sa nasaksihan.
Kahit baliw siya, hindi 'yun naging hadlang para punuin niya ng pagmamahal ang mga anak niya. Mabuti pa si Tonyang, hindi katulad ng sarili kong mga magulang. Matino nga ang pag-iisip nila pero hindi naman matino ang pagpapalaki nila sa mga anak nila. Mga walang kwentang magulang talaga sila!
Tumunog ang kampana, hudyat na magsisimula na ang misa. Tumayo na ako at lumabas. Bakit pa 'ko makikinig ng misa kung hindi Niya naman pinapakinggan ang mga dasal ko?
Muli akong bumalik sa computer shop, baon ang alaala ng isang baliw na tuwang-tuwa nang maibigay niya ang kakarampot na pagkain sa mga anak niya.
Sa bawat pagpunta ko sa simbahan ay lagi kong nakikita si Tonyang na nanghahablot ng pera. Minsan pa'y ako ang pupunta sa CR at kunwaring maglalagay ng sampung piso imbes na lima. At gaya ng ginagawa niya sa iba, aagawin niya rin sa'kin ang pera at malugod ko naman 'yung ibibigay sa kanya.
Ewan ko ba. Sa tuwing nakikita ko kasi ang kislap sa kanyang mga mata kapag naibibigay ang pagkain sa mga anak niya ay nakadarama rin ako ng saya. Saya na hindi ko nararamdaman sa tuwing kasama ko ang sarili kong ina't ama.
BINABASA MO ANG
Realidad
General FictionMinsan, mas mabuting masampal ng katotohanan ang mundong punong-puno ng kasinungalingan. Pinagsama-samang maikling kwento na tumatalakay sa realidad ng buhay.