Barat

268 4 0
                                    


NAPAMULAT ng mata si Mika sa kalagitnaan ng gabi. Habol ang bawat paghinga, buong tapang niyang tiningnan ang paligid. Kakaiba kasi ang nararamdaman niya, mabigat sa dibdib. Tahimik ang buong kabahayan. Wala namang pinagbago sa kwarto niya. Naroon pa rin ang bentilador niya sa bandang paanan na nakapatong sa isang monoblock chair. Ang antique na aparador na ipinamana pa sa kanya ng Lola niya'y andoon rin, katabi ng study table.

Nang maramdamang wala namang nakaambang panganib ay naisipan niyang kumuha ng tubig mula sa kusina. Akmang tatayo na sana siya ngunit isang bagay ang pumigil sa kanya para gawin ang nais, doon niya napagtanto ang kaganapan. Hindi siya makagalaw. Binalot ng takot ang buong puso ng dalaga. Ilang beses niyang sinubukang gumalaw ngunit hindi niya nagawa. Para bang may mabigat na bagay ang nakadagan sa buong katawan niya. Ramdam niya sa sariling may pumipigil sa kanya para makagalaw.

Pinilit niyang sumigaw, ngunit ni isang salita ay walang lumabas sa mga labi niya. Takot na takot na siya. Unti-unti nang umagos mula sa mga mata niya ang luha, kasabay ng pagbilog ng malalamig at ga-butil na pawis sa kanyang noo. Pakiramdam niya'y wala nang makatutulong sa kanya. Naipikit niya na lamang ang mga mata dahil sa kawalang pag-asa.

Nang muli niyang iminulat ang mata ay nakita niya ang sariling nakahiga sa kama ng kwarto niya. Tulog na tulog. Nanlaki ang mga mata niya. Pakiramdam niya'y nagkakatotoo ang nabasa niya mula sa isang article nang minsan siyang mapatambay sa computer shop. Posible kayang kaluluwa niya lang ang gising at humiwalay ito sa mortal niyang katawan?

Sa pagtataka ay nahawakan niya ang nakahigang sarili at nanhilakbot nang makitang tumagos ang paghawak niya. Puno man ng takot ang puso'y pinilit niya pa ring haplusin ang buhok ng mortal niyang katawan, nagbabaka-sakaling makabalik na siya. Ngunit nang mapansing walang nangyayari ay muli na naman siyang nakadama ng pagkaparalisa, hanggang sa tuluyan ngang hindi na magalaw pa ang katawan. Nang subukuan niyang sumigaw tulad ng ginawa niya kanina ay walang boses ang lumabas mula sa bibig niya. Ramdam na ramdam niya ang lakas ng pagkabog ng dibdib. Sa sobrang takot ay ipinikit niya na lang ang mga mata at buong pusong inalala ang dasal na madalas niyang dasalin.

"I believe in God, the father Almighty, creator of heaven and earth..."

Hindi pa man niya natatapos ang buong dasal ay muli na naman siyang napamulat ng mata. Ngunit kaiba sa mga naunang paggising, narinig niya na ang malakas na hagulgol ng ina. Nang subukan niyang tumayo ay nakagalaw na siya. Marahan niyang pinunasan ang namilog ng pawis sa noo habang hinahabol pa rin ang bawat paghinga. Sa sobrang pagpapasalamat ay muli siyang nagdasal bago tuluyan nang tumayo para puntahan ang inang umiiyak sa sala ng bahay nila.

"Ma, anong nangyari?" Hinawakan niya ang magkabilang braso ng ina at tiningnan ang namumugto nitong mga mata.

"Mika..." Yumakap ito nang mahigpit sa kanya at muling humagulgol.

Nagtataka man ay yinakap niya na lang pabalik ang ina hanggang sa tumigil na ito sa pag-iyak at muling nagsalita, "Tumawag ang Tita Lyna mo... Patay na raw ang Tito Miro mo. Hindi ko maintindihan. Bakit taon-taon na lang kung may namamatay sa pamilya natin... Sumpa? Kulam? Hindi ko na alam..."

Natigilan si Mika sa narinig. Noong una'y hindi pa siya naniniwala sa mga ganitong bagay. Kalokohan pa nga ang tawag niya sa mga misteryong tulad nito. Sino pa ba naman ang maniniwala na dahil sa isang sumpa o kaya nama'y kung ano pang kababalaghan ang dahilan ng sunod-sunod na pagkamatay ng pamilya niya. Ngunit makalipas ang ilang taon na sunod-sunod na nawala ang mga kapamilya niya sa angkan ng ina niya, unti-unti na rin siyang naniniwala sa mga kababalaghang ito.

Maya-maya pa ay kumalas na ang ina mula sa pagkakayakap sa kanya. Nakita niya ang ginawang pagpunas nito ng luha na para bang walang nangyari.

"Asikasuhin mo ang mga damit ng kapatid mo, pupunta tayo sa lumang bahay mamayang alas singko. Do'n daw ibuburol ang Tito mo. Isang linggo tayo do'n, magpapadala na lang ako ng excuse letter sa klase ninyo." Nagsimula na itong maglakad papalayo.

RealidadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon