Umpisa pa lang, natunugan ko na sa sarili ko kung saan patungo ang mga bagay-bagay. Sa kabila nun, nagsilbi akong patay-malisya sa mga sitwasyong kinakaharap ko. Kunwari, wala akong kamalay-malay sa atraksyong madaling sumulpot noong nagkakilala kami. Naramdaman ko na ‘yung unti-unting pagkahulog ng loob ko para sa kanya, pero kunwari wala lang din.
Nalaman ko rin kaagad kung ano talaga ang estado niya sa buhay. Kagaya noong nauna, patay-malisya pa rin! Parang wala akong nalaman tungkol sa kanya. Winili ko na lang ang sarili ko habang lalu kaming nagkakalapit sa isa’t isa. Ang mahalaga, sa mga oras na ‘yon, nagiging masaya ang bawat araw ko.
Hanggang sa dumating na ang araw na natamaan na ako ng magaling. Tuluyan ko ang napansin ang matagal-tagal nang KSP at nagpapansing damdamin ko para sa kanya. Saka ko lang na-realize kung bakit ganoon na lang katindi ang kasiyahan ko sa mga araw na nakalipas─eh kasi ba naman, parte siya ng mga araw na ‘yon.
Umiral lang pala ang katangahan ko. Tutuklawin na lang pala ako ng rason kung bakit halos magkanda-buwang na ako sa kaligayahan, ‘tapos hindi ko pa agad nakita.
KAYA PALA!
Eh, ‘di lalung nadagdagan ang kabaliwan este ang kasiyahan ko, matapos ang realisasyong tumama sa akin. Sa kabila ng lahat-lahat ng kaepalan sa pagkakataon, wala pa rin akong nadamang guilt o pagka-balisa sa itinitibok ng puso ko. Ewan ko ba! Sa pagkaka-alam ko naman, wala akong ginagawang masama o anu mang makakasakit kahit na kanino pa man. Sigurado ako diyan. Kaya nga okay na okay lang sa ‘kin ang ideya na mahal ko na nga siya. Talagang okay, kasi nagiging kumpleto ang bawat araw ko lalu na’t nagkakasama kami kahit paano.
Ipinaalam ko naman ba sa kanya ang saloobin ko?
Siyempre, HINDE! Ano ako, bali-bali?
Gaya nga ng binanggit ko kanina, may kaepalan sa pagkakataon na nagsisilbing linya sa pagitan naming dalawa. Oo nga’t closeness na ang asta namin. Kaso, may mga bagay pa rin sa kanya-kanyang buhay namin─obligasyon, responsibilidad, trabaho, pag-aaral─na naglimita din sa aming mga ikinikilos, lalu na sa pakikitungo sa bawat isa.
Sa awa ni Lord, nakita ko agad ang bagay na ‘yun. Kaya bandang huli, nanahimik na lang ako tungkol sa damdamin ko para sa kanya. Kinimkim ko na lang ito… Anyway, sanay na ako sa ganung kimkim effect.
Ngunit, ika nga: actions speak louder than words. Malamang, kahit hindi ko pa sabihin sa kanya nang diretsahan, bistado na rin niyang kursunada ko na siya. Kung nagpumilit pa akong magtago ng damdamin ko, siguro lalu lang aangat ang mga ebidensyang may pagtingin ako para sa kanya.
Eto naman ang isang malala… kako, matinding pampalubag-loob: sa isang punto, nasagap ng mga sungay ko na may nararamdaman din siya para sa akin. Sa pagkakataong ‘yun, nakasigurado talaga akong hindi lang gawa-gawa ng ilusyonada kong pag-iisip ang nasagap ng mga sungay ko. ‘Yun bang, dumating na lang ‘yung araw na na-confirm ko na, sure na sure na ako doon. Wala nga siyang sinabi sa ‘kin patungkol sa “feelings” na ‘yun. Subalit, actions speak louder than words nga, ‘di ba? Nai-apply ko din sa kanya ang kaisipang ‘yun.
Naramdaman kong talaga, as in totoong-totoo. For once, naging 99.999999…% sure ako sa mga binubulong ng kalooban ko. Na, ‘yun na nga: may katiting din siyang pagtingin para sa ‘kin.
BINABASA MO ANG
Mmr
RomanceMeMoRy [Formerly: Memento. Memorare. Reminisci] Pag-aalaala. Pagbabalik-tanaw. Pagsasariwa sa nakalipas. Dalawang magkaibang pananaw. Iisang nilalaman ng puso.