4. Sa Kabilang Dako...Pagpapatuloy

217 4 1
                                    

Ano nga ba ang tingin ni Fabian kay Garnet?

Isang babaeng nagmamay-ari ng pagkataong tila may kalayuan mula sa tipikal… Maganda at kaaya-ayang dalaga, na punung-puno ng kasimplehan at bahagyang kalokohan. Noong bagu-bago silang magkakila, ganyan na ang impresyon ni Garnet sa kanya.

Naroon na rin ‘yung impresyong magsisilbi itong pang-akit para kay Fabian. Pang-akit, para sa patibong na hatid ng tukso. Kaya nga hangga’t maaari, iniiwasan na niya ito, maging ang damdamin na unti-unting sumisibol sa kanyang puso. Umpisa pa lang, pinipigilan na niya ang sarili na tuluyang mahulog para sa dalaga.

Sa pagkakaalam niya, tama naman ang naging desisyon niya―na bale-walain ang namumuong damdamin niya para kay Garnet. Subalit, bakit tila hindi pa rin siya mapalagay? Bakit hindi pa rin mapanatag ang kanyang kalooban? Bakit lalu lang yata siyang binagabag ng kanyang konsensya? Samantalang, ginagawa niya ang pambabale-walang ‘yun, sa paniniwalang ‘yun din ang makakabuti sa kanilang lahat.

Pinilit niyang umiwas na mula dito, lalu na kung malaki ang posibilidad na maiwan siyang mag-isa kasama ang dalaga. Pinilit niyang kalimutan kaagad ang mga magagandang pag-uusap nila, na parang wala namang nangyari. Pinilit niyng huwag tuluyang mapalapit ang loob niya dito, kahit na ba doon din papunta ang mga pangyayari; kahit na ba sa kaloob-looban ni Fabian, nais niya talagang mas makilala at makalapit si Garnet.

Oo, mahirap at masakit din. Hindi nga basta-basta na kontrahin kung ano talaga ang gusto ng puso mo; na kontrolin ang mga ideyang pumapasok sa utak mo; ang pigilan ang sarili mo bago pa tuluyang mahulog ang loob mo para sa taong hindi talaga nararapat na paglaanan ng ganitong klase ng damdamin...

Ang kaso, naging obligado siya (o inobliga na niya ang kanyang sarili?) na lapitan, turuan, o tulungan si Garnet, dala na rin ng mga sirkumstansya. Bandang huli, siya na mismo ang tumuligsa sa sariling kaisipan niya. ‘Di naglaon, napaamin na rin niya, kahit ang kanyang sarili man lang, na tuluyan nang nabuo ang kanyang pagtingin para sa dalaga.

Nabatid niyang hindi siya maaaring basta na lang umiwas dito; kailangan niya talagang makihalubilo dito sa kahabaan ng “pagsasama” nila. Kung wala namang tawag ng obligasyon, sinusubukan pa rin niya na dumistansya mula sa dalaga.

Ngunit siyempre, taliwas doon ang nagiging resulta ng mga pangyayari.

Sa kabila ng pa-simpleng pag-iwas niya, lalung ginigipit ang bawat pagpintig ng kanyang puso, tuwing magkakasalubong ang landas nila ni Garnet.

Paano nga ba iiwasan ni Fabian ang ganap na pagka-lapit kay Garnet, kung sa simpleng kilos pa lamang nito ay madali na siyang mahatak patungo sa dalaga?

Kung, sa saglit na pagganting-tingin nito sa kanya, pakiramdam niya’y mabagal na tinutunaw ang isang sulok ng kanyang kaluluwa?

At, sa banayad na pagngiti o pagpigil ng tawa nito, lalu na kapag nag-uusap sila, tila ba bumubukas na ang mga kalangitan saka naghahatid ng malamyos na musika?

Ultimong ang ekspresyon ng mukha nito kapag nalilito na ito sa gagawin, hindi mapalampas ni Fabian. Imbes na madismaya siya kapag nasilayan ang ekspresyong nabanggit, ang kalooban niya ang patuloy na sinasakop ng isang dayuhan pero kilalang damdamin.

Ipinagdidikan na niya sa sarili na mali ang nadarama niya para kay Garnet. Kaya lang, kahit papaano pa niya pagbali-balikuin ang mga sitwasyon, malinis ang kalooban niya mula sa guilt. Bigla siyang pinalaya ng mapang-usig niyang konsensiya, samantalang sa puntong ‘yon ay dapat na siyang ikinukulong ng paninita nito. Everything just feels right with Garnet. Kahit na ang totoo, wala sa lugar ang pagtatangi niya para sa dalaga. Lalu na sa kasalukuyan niyang kalagayan.

Ang tanging resolusyon na naisip ni Fabian sa puntong ‘yon ay ang manahimik. Walang mabuting maidudulot para sa kanilang dalawa kung ipapangalandakan pa niya na may pagtingin siya para sa dalaga. Hindi na lamang siya kikibo. Kunwari ay walang umusbong na pag-ibig sa puso ni Fabian na nakalaan para kay Garnet.

MmrTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon