8. Sa Kabilang Dako...Pagpapatuloy

139 4 1
                                    

Napipinto na rin ang oras na kakailanganin nang umalis ni Garnet.

Maaga pa lang, itinaga na ni Fabian sa kanyang kokote na may hangganan din ang lahat ng kanilang mga paghaharap. Para kahit paano’y mas madali na niyang matatanggap ang paghihiwalay ng kanilang landas, pagdating ng naturang oras.

Pero, iba pa rin pala kapag nandoon na siya sa mismong punto niyon. Imbes na mapadali ang pagtanggap niya, lalu lang siyang nahirapan―kabaligtaran na naman ng inaasam niyang mangyari.

Bakit nga ba parati na lang na kabaligtaran ng mga bagay ang kinakaharap ko? Kapag minamalas ka nga naman, oh.

Magkahalong kalungkutan at kasiyahan ang sumusukob sa kanya kapag kinukulit na siya ng ideya ng nalalapit na paglisan ni Garnet.

Kailangan pa pang i-paliwanag kung bakit siya nalulungkot?

Pero ano itong kasiyahang nakikisawsaw din sa saloobin niya?

Aba’y nagawa pa niyang sumaya, ano?

Masaya na rin siya, sapagkat matatapos na rin ang mga pagkakataong mag-iisip siya ng mga istratehiya kung paano iiwasan si Garnet; magwawakas na ang mga serye ng mga pagsumpa sa kanyang sarili kapag muntikan na siyang makalampas sa linyang namamagitan sa kanila; magpapaalam na rin ang kalbaryong dulot ng kalangitan na sanang ‘yun.

Ayaw na rin niyang pag-igihan pa ang pagkakakilanlan nilang dalawa. Natatakot siyang baka lumihis na naman siya mula sa landas na tinatahak, at muli ay malagay siya sa ningas-kugon na katayuan. Nag-aalangan na siya, dahil baka makalusot na naman siya mula sa linyang pilit niyang pinapapanatili. Tama na. Sapat na ang sakit na dinanas niya... Pati ang sakit na alam niyang dinanas din ng dalaga.

MmrTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon