6. Sa Kabilang Dako...Pagpapatuloy

184 4 1
                                    

Kung minsan, hindi mapigilan ni Fabian na ma-ilang kapag kaharap na si Garnet, lalu na matapos mangibabaw ang tunay na pagtingin niya dito. Saka na niya kasi napansin na may nag-iba na rin sa mga kilos ng dalaga. Kahit sa pinakasimpleng tingin lamang ng mga mata nito, nakita ni Fabian na bistado na siya nito at ang kanyang tunay na damdamin. Gayun din si Fabian; nabisto na niyang may pagtingin din si Garnet para sa kanya.

Naasar tuloy siya sa kanyang napagtanto. Naiinis siya sa sarili dahil sa totoo lang, sa kailaliman ng kanyang kalooban, nadama niya ang katiting na kasiyahan―may damdamin din para sa kanya si Garnet. Nayamot siya; oo nga’t parehas na silang may pagtitinginan, ngunit ano naman ang ikabubuti noon sa kanila?

Gusto na lang niyang kutusin ang kanyang sarili.

Sa mga papuslit na pagninilay ni Fabian para sa kanyang sitwasyong kinakaharap, nakaisip siya ng isa na namang resolusyon: ipagpapatuloy na niya ang mga pag-iwas kay Garnet, kung hahayaan din lang ng pagkakataon. Wala man siyang kaligtas-ligtas sa mga oras na kailangang magkalapit sila, ngunit sinadya pa rin niyang dumistansya. Umiiwas at dumidistansya siya, nang sa ganoon ay makalayo na rin siya sa lalung pagkahulog para kay Garnet.

Sinadya niyang gumuhit ng linyang mamamagitan sa kanilang dalawa. ‘Yun ang magpepreserba sa distansya sa pagitan nila... Ang magsisilbing bakod na haharang sa kanilang ganap na paglalapit.

Natinag man si Fabian noong una, subalit sa puntong ‘yun ay pinwersa na niya ang sarili upang huwag nang madala ng bumubugsong damdamin.

Sinong nagsabing ‘yun talaga ang nais niyang gawin? Hindi din. Malayu-layo pa sa katagang “nais” ang saloobin ni Fabian sa patuloy na pag-iwas kay Garnet. Kaya lamang, ‘yun ang sadyang mas nararapat. ‘Yun ang tunay na mas makakabuti para sa kanila.

Hanggang sa dahan-dahan nang bumabalot ang pagkakalamat sa puso na dinaranas ni Fabian, na idinudulot ng kanyang tuwinang pagtataguyod ng bakurang linya sa pagitan nila ni Garnet.

MmrTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon