Pumunta si Anna sa bukid para makipagkita sa tatlo niyang kaibigan. Tradisyon na ito ng barkada simula noong sila ay nasa highschool pa lamang. Pag-aari ng pamilya ni Anna ang buong lupain. Mayron ditong maliit na bahay na may sapat na kwarto at kagamitan para sa mga bumibisita.
Maaliwalas ang panahon nang araw na iyon. Pinagmasdan ni Anna ang paligid. Sa may di kalayuan ay matatanaw ang bundok na luntian. Sa pagitan ng manggahan at palayan ay may maliit na batis. Huni ng ibon lamang at tunog ng kuliglig ang kaniyang naririnig.
Pumasok si Anna sa bahay at inilapag ang kaniyang dalang gamit. Ilang buwan na rin ang nakalipas mula nang bumisita siya dito. Malinis ang bawat sulok ng bahay, salamat na lamang sa kanilang katiwala. Isa-isang binaybay ni Anna ang mga larawan na nakasabit sa ding-ding. Kasama dito ang litrato nila ng kanyang mga kaibigan. (Ang bilis ng panahon.)
Nagulat si Anna nang biglang may kumatok sa pinto.
Pagbukas niya....."Grace!!!!"
"Anna, sa wakas nagkita rin tayo. Na-miss kita! Kanina ka pa ba?"
"Mga isang oras na siguro. Nasan na sila Judith at Mercy?"
"I'm sure parating na rin yong mga yon. Kamusta ka na? Ang tagal na nating di nagkita!", wika ni Grace
"Oo nga eh. Pasensya na at busy ako lagi sa grad school. Mabuti na lamang at mayron tayong get-together na ganito. Halika, ibaba mo muna ang mga gamit mo.", sabi ni Anna
"Mamitas tayo ng mangga mamaya ha! Ito o, may dala akong sawsawan", sabi ni Grace habang inilalabas ang bote ng ginisang alamang
"Sakto marami ng bunga yong isang puno ng manggang kalabaw.", wika ni Anna
"Ano ba yan, naglalaway na ko!"
Sabay nagtawanan si Grace at Anna. Di nila namalayan na may kumakatok sa pinto.
"Aaaannnnaaaaa!!!"
"Uy, boses ni Mercy yon ah!", sabi ni Grace
Dali-dali silang tumakbo ni Anna para buksan ang pintuan.
"Naku sorry, nasa kusina kasi kami.", paumanhin ni Anna
"Ok lang. Wala bang beso dyan?", sabi ni Mercy
"Halika nga dito. Nasaan si Judith?", tanong ni Anna
"Di na sya makakapunta, may kailangan syang asikasuhin sa bahay nila.", sagot ni Mercy
"Ay ganon? Halika, pasok ka. Andito na si...."
"Meeercy!!!!"
"Grace. Kanina ka pa?"
"Kani-kanina. Buti nakarating ka."
"Alam mo namang di ako nagpapahuli pagdating sa kainan. Hahaha!"
"Speaking of kainan, sino ba ang nakatoka sa pagluluto ng isda? Nagugutom na ko.", sabi ni Anna
"Ako na lang ang mag-iihaw. Mercy, pwede mo bang samahan si Anna na mamitas ng mangga?", tanong ni Grace
"Oo ba!"
May dala ring binabad na pork chop si Mercy. Mga gulay naman ang dinala ni Grace. Magluluto sila ng bulanglang at gagawa ng ensaladang mangga. Nagdala naman ng kakanin si Anna. Nang matapos sila sa pagluluto ay kaagad silang naghain at pinagsaluhan ang masasarap na pagkain. Nagkwentuhan ang magkakaibigan buong magdamag hanggang sa makaramdam sila ng antok.
Sa gitna ng gabi ay nagising sila sa malakas na dagundong.
"Anna, ano yon?", tanong ni Mercy
"Di ko rin alam eh."
Bigla nilang narinig ang rumaragasang tubig sa may di kalayuan.
"Anna, san galing ang tubig sa labas?"
"Ewan ko.", nanginginig na sagot ni Anna
Pinasok ng tubig ang bahay at unti-unting tumaas ang baha. Sumampa sila sa mesa ngunit patuloy ang pagtaas ng tubig.
"Anna, anong gagawin natin?", tanong ni Mercy
Nang biglang bumigay ang ding-ding ng bahay at bumulwak ang tubig kasama ang malaking bato patungo sa direksyon na kinatatayuan nila Anna.
"Anna! Anna! Bangon na! Alas otso na. Male-late ka sa trabaho!"