Nanaginip si Anna.
Nagmamaneho siya sa expressway patungong Maynila. Maaga siyang umalis sa kaniyang bahay nang araw na iyon. Madilim pa sa labas at kakaunti ang sasakyan sa paligid. Iniisip niya ang kaniyang mga dadaanan habang nasa Maynila siya. Nang bigla na lamang may bumangga sa likuran ng kaniyang kotse. Isang dilaw na van ang paulit-ulit na bumangga sa kaniya. Umarangkada siya upang makaiwas dito. Hindi pamilyar kay Anna ang van. Lumipat siya ng linya at pinalampas ito para makunan niya ng litrato ang license plate. Hinugot niya sa bulsa ang kaniyang cellphone........
Biglang nag-iba ang kaniyang paligid. Tumakbo si Anna. Napadpad siya sa isang simbahan habang naghahanap ng matataguan. Pumasok siya sa loob upang makaiwas sa mga humahabol sa kaniya. Nagtago si Anna sa likod ng isa sa mga upuan habang nanginginig sa takot. Pinakiramdaman niya ang paligid. Wala ni isang kaluskos siyang narinig nang biglang may humablot sa kaniyang braso.
Nagsisigaw si Anna.
Pinilit niyang gumising sa masamang panaginip. Pinilit niyang buksan ang kaniyang mga mata. Nang maramdaman niya ang talahib na kumikiskis sa kaniyang braso habang siya ay nakahiga. (Saan nanggaling ang halaman sa aking kuwarto?) Bumangon si Anna at umupo sa gilid ng kaniyang kama kaharap ang salamin. Nakita niya ang kaniyang sarili at ang kaluluwa na umaalis sa kaniyang katawan.
Nagising si Anna.