Pagkarating ni Anna sa bahay galing sa eskwela ay dali-dali siyang pumanhik patungo sa kaniyang kuwarto. Inilapag niya ang kaniyang gamit sa mesa sabay bukas ng tv. Patapos na ang kaniyang paboritong palabas. Nagpahinga siyang saglit pagkatapos ay nagdesisyon na magluto ng hapunan. Pumunta siya sa kusina at binuksan ang refrigerator. May tira pang adobo na niluto niya kamakalawa. Naghanap siya ng malulutong gulay at nakita niya ang repolyo katabi ng kamatis. (Sakto!) Binuksan niya ang radyo at nakinig ng musika habang nag-gagayat ng rekado.
Ginisa niya ang sibuyas at bawang at idinagdag ang kamatis. Pagkalipas ng ilang minuto ay isanama niya ang repolyo at niluto hanggang sa lumambot ito.
Pagkatapos ng hapunan ay naligo si Anna at nagsimulang mag-aral para sa kaniyang final exams. Malapit ng magtapos si Anna, dalawang linggo na lang ay makukuha na niya ang kaniyang bachelor's degree sa economics.
Unti-unting bumagsak ang mga mata ni Anna habang nag-aaral. Di niya namalayan ang kaniyang pag-idlip.
Bigla siyang bumangon at napatingin sa salamin na katapat ng kaniyang higaan. Laking gulat ni Anna nang mapagtanto niya na may tao sa kaniyang likuran. Paglingon niya ay nakita niya ang kaniyang sarili, mahimbing na natutulog. (Paano nangyari ito? Nasaan ako?)
(Isa itong panaginip.)
Pinilit niyang gumising. Pinilit niyang sumigaw ngunit walang lumalabas sa kaniyang bibig. Biglang sumikip ang kaniyang dibdib.
Nagulantang si Anna sa tunog ng alarm clock.