Nagulat si Anna nang marinig niya ang kalabog sa labas ng kaniyang kuwarto. Nagbakasyon ang mga kasama niya sa bahay at siya'y naiwang mag-isa.
Nang buksan niya ang pinto ay isang matangkad na anino ang tumambad sa kaniyang paningin. Dali-dali siyang bumalik sa kuwarto, kinandado ang pinto at hinarangan ito ng kaniyang mesa. Di niya malaman ang kaniyang gagawin. Hinanap niya ang kaniyang cellphone at nangangatog na tumawag sa kaniyang nanay. Walang sumagot. Isa-isa niyang tinawagan ang kaniyang mga kasambahay ngunit wala ni isa ang sumagot sa kanila.
Nagtago na lamang si Anna sa isang sulok ng kaniyang kuwarto at nagdasal na sana ay wala na ang misteryosong anino. Bigla niyang narinig ang yabag na papalapit sa kaniyang kuwarto. Sumigaw si Anna, "tatawag ako ng pulis!"
Tumahimik sandali ngunit maya-maya ay narinig niyang may bumubukas sa kaniyang pinto. Tumakbo si Anna patungo sa bintana at nagmamadali niya itong itinaas. Pinilit niyang sumuot sa makitid na bukana nang biglang may humila sa kaniyang mga paa. Nagpumiglas siya at pinilit na makawala sa malalamig na mga kamay. Sumigaw siya ngunit tila walang lumalabas na boses sa kaniyang bibig.
Tumakbo siyang papalayo na walang kamalay-malay kung saan siya napadpad. Walang ilaw sa mga kabahayan na kaniyang nadaanan at nagdadalawang isip siyang kumatok sa mga ito. Sa di kalayuan ay natanaw niya ang isang engrandeng tahanan. Bukas ang ilaw sa paligid at mukhang may nagaganap na kasiyahan. Naglakas loob siyang pumasok nang walang paalam. "Siguro naman ay hindi nila ako mapapansin.", naisip ni Anna.
Pagbukas ng pinto ay namangha siya sa kaniyang nakita, parang isang panaginip. Nakakasilaw ang mga kumikinang na palamuti. Lahat ng tao ay nagkakasiyahan at tila walang pakialam sa nangyayari sa kapaligiran. Wala ni isang pumansin sa kaniya. Nilibot niya ang bawat sulok ng tahanan. Apat na malalaking kuwarto ang kaniyang pinasok at di nakapagtataka na wala ni isang tao sa mga ito. Paglabas niya sa ika-apat na kuwarto ay may narinig siyang kaluskos. Agad siyang lumakad papalayo. Sa gilid ng kaniyang mata ay napuna niya ang isang silid na puno ng diamante. Nanlaki ang mga mata ni Anna. "Hindi naman siguro masamang tumingin.", naisip niya.
Namangha siya sa makikinang na diamante. Isang malaking escaparate ang pinaglalagyan ng mga ito, detalyado at halatang pinagtuunan ng pansin ang pagkakagawa dito. Sa gilid ay may bilog na salamin na mukhang pinaglumaan na ng panahon. Sandaling pinagmasdan ni Anna ang kaniyang sarili sa salamin nang bigla niyang napuna ang payaso sa likod niya. Takot ang bumalot sa buo niyang katawan. Dahan-dahan siyang lumingon at dagliang nahimasmasan nang makita niya na ito ay maskara lamang.
Minabuti niyang umalis sa kaniyang kinatatayuan at bumalik sa mga taong nagkakasiyahan. Paglabas niya ay dilim ang bumalot sa paligid at biglang sumara ang pinto sa kaniyang likuran. Kinabahan si Anna, "ano'ng nangyayari?"
Malakas na halakhak ang kaniyang narinig ngunit di niya makita kung saan ito nagmumula. Tumakbo siya sa gitna ng kadiliman hanggang sa matalisod sa ugat ng isang malaking puno. Nagtaka si Anna kung saan ito nanggaling. Daglian siyang tumayo nang marinig niyang muli ang malakas na halakhak. Tumakbo si Anna ngunit hindi siya makagalaw.
"Ate Anna, okay ka lang ba?"
Nagising si Anna sa boses ng kaniyang nakababatang kapatid.
![](https://img.wattpad.com/cover/52014678-288-k927815.jpg)