Nagluto si Anna ng tinolang manok at adobong baboy para sa tanghalian. Ilang oras din kasi ang byahe patungong La Union galing Maynila. Mas mabuti ng busog bago bumyahe para di na niya kailangang huminto kung saan. Inilagay niya ang ilang bottled water at chichirya sa isang supot at nagpasya na siyang umalis. Sumakay si Anna sa auto at dahan-dahang umatras palabas ng garahe. Makulimlim nang araw na iyon. Sakto ang oras ng kanyang pag-alis, hindi na gaanong karami ang sasakyan sa kalye. Ilang oras ang nakalipas ay napansin niyang may umiilaw na mga sasakyan ng pulis sa di kalayuan. "May checkpoint.", pabulong na sabi ni Anna. Isa-isang huminto ang mga sasakyan sa harap niya. Ikalawa na siya sa pila nang walang pasubali ay biglang may nagpaputok ng baril. Di niya malaman ang kanyang gagawin. Payuko na si Anna nang maramdaman niya ang kirot sa kaliwang leeg. Nangangatal niya itong hinawakan at pagtingin niya sa kanyang kamay ay nakita niya ang dugong dumadaloy dito.
Nagising si Anna sa ingay sa baba ng bahay. "Anong oras na ba?", wika niya habang kinukusot ang mga mata. Pagtingin niya sa orasan ay alas-diyes pa lang ng gabi. Di niya namalayan ang kanyang pagkaka-idlip.
"Good morning Dr. Salazar!", bati ni Anna
"Hi Anna! How are you doing? How was your vacation?", sabi ng doktor
"It was good. I had lots of fun with friends. We went to see the Grand Canyon. It was definitely grand." sagot ni Anna habang nakangiti
"Hey Anna, could you draw some blood on the patient in room 8, I just need to talk to Dr. Stephen.", sabi ng isang nurse
"I'm on it!", sagot ni Anna
Inihanda ni Anna ang mga gamit na kakailanganin niya sa pagkuha ng dugo. Nagtatrabaho siya sa isang ospital sa New York bilang nursing aide. Balak niyang ipagpatuloy ang pag-aaral hanggang magi siyang nurse practitioner. Marami-raming taon pa ang kanyang gugugulin bago makapagtapos, mahal din kasi ang bayad sa kolehiyo.
Paalis na si Anna sa nurse's station nang biglang tumunog ang telepono. Sinagot niya ito at makalipas ang ilang minuto ay nagsimula na syang maglakad patungo sa kwarto ng pasyente. Nakasalubong niya ang isang pinoy na nurse,
"Musta kabayan?", wika nito.
"Ok naman ako kuya, ikaw, musta?", tanong ni Anna habang patuloy na naglalakad. Buhay-Amerika. Lahat nagmamadali at walang sinasayang na oras.
Pagpaling ng tingin ni Anna ay bigla na lang niyang naramdaman ang pagtusok ng karayom sa kanyang balikat. Tumambad sa kanyang paningin ang isang mamang may dalang hiringgilya. Hindi niya ito namumukhaan. Biglang nagdilim ang kanyang paligid.
"Anna! Anna! Gising! Male-late na tayo sa party!", sabi ng asawa ni Anna
