shared by: DarylJohnSpears
Nangyari ang karanasan kong ito noong 2003 kung kailan pumanaw ang lola kong si Lola Karing dahil sa katandaan.
Nakatira kami noon sa Tayuman at doon pa ako nag-aaral ng Grade 1.
Dumating ang araw na tinawagan kami ni Tita Auring at sinabing patay na raw si Lola Caridad noong umaga matapos nitong magsuka.Lumuwas kami ng Pampanga para pumunta sa lamay.
Doon din muna kami matutulog sa loob ng tatlong linggo para samahan ang natitira kong dalawang lola dahil silang dalawa na lamang ngayon ang nakatira sa bahay na iyon dahil wala na ang kapatid nilang si Lola Karing.Tandang-tanda ko pa noong malakas pa siya, siya ang nag-aalaga sa akin noon.
Sa tuwing pumupunta kami sa Pampanga para magbakasyon ay palagi niya akong kinakarga at nilalaro.
Ang huling pagkikita naming dalawa ay noong 2001.
Natatandaan ko pa nga noong maluto na ang tanghalian ay sabay kaming lumabas ng kuwarto at binuhat pa niya ako papunta sa kusina.
Siya rin ang nagsubo sa akin ng pagkain.Noong sumilip kami ng aking ina sa kabaong ay nakita kong nakahimlay doon ang lola ko.
Walang ekspresyon ang mukha nito.
Halata pa rin ang kulubot nitong balat sa mukha dahil sa katandaan.
Masuwerte siyang umabot pa sa edad na nobenta.Kinagabihan nang matapos akong kumain ng hapunan ay naisipan kong sumilip muli sa kabaong.
At ganoon na lamang ang gulat ko nang makita kong literal na kumukurap-kurap ang mga mata niya na para bang gusto niyang imulagat ang kanyang mga mata pero wala nang sapat na lakas ang kanyang katawan dahil patay na siya!Buti na lamang ay maraming tao sa salas at maingay ang boses nila habang nagkukuwentuhan kaya hindi na ako gaanong nakaramdam ng labis na takot para sumigaw pa.
Sa halip ay pinuntahan ko ang pinsan kong si Reymart na kasing edad ko rin (7 years old) at sinabi ko na sumilip siya sa kabaong dahil nakita kong kumukurap ang mga mata ng lola.Ginawa naman niya.
Nagpunta siya sa salas at sinilip ang kabaong.
Ako naman ay nakaabang sa kanya sa komedor.
Nang lumapit siyang muli sa akin ay tumango siya, nangangahulugang maging siya ay nakita ring kumukurap ang mga mata ni Lola Karing sa kabaong.
Bakas din sa kanyang mukha ang pagkagulat.Nagpunta na lang kami sa kuwarto para maglaro ng mga laruan na dala-dala ko galing sa bahay namin sa Maynila.Kinaumagahan, nang muli akong sumilip sa kabaong ay nakita kong payapa na muling nakahimlay si Lola Karing sa kabaong nito.
Maayos na ring nakapikit ang kanyang mga mata at hindi na gumalaw.Sa paglipas ng ilang mga taon ay madali kong nakalimutan ang nakakatakot na pangyayaring iyon sa buong buhay ko.
At ngayong malaki na ako at graduate na ng high school ay saka ko pa lang naalala ito dahil nakahiligan kong magsulat ng horror stories.Dahil sa muli kong naalala ang karanasang iyon ay nagtanung-tanong ako sa mga kaibigan at nakatatandang kakilala ko kung ano ang ibig sabihin kapag gumalaw ang mata ng isang patay sa kabaong.
Marami ang isinagot nila, iba-ibang opinyon.
Ang isa sa mga sagot na natandaan ko ay kapag daw nakita mong kumukurap-kurap ang mata ng isang patay ay nangangahulugang meron pa raw itong gustong makita sa isa sa mga mahal niya sa buhay.Ewan ko kung totoo nga ba ang sagot na iyon.
Pero totoo man o hindi, isa lang ang alam ko: Mahal na mahal ako ni Lola Karing.
Naalala ko ung kinuwento sa akin ng isa ko pang lola, si Lola Tayang.
Sinabi raw niya kay Lola Karing na kung sakaling mamaalam na raw siya sa mundo ay huwag daw sana niya akong mumultuhin dahil alam naman nilang lahat na matatakutin ako noong bata ako.
Wakas..
BINABASA MO ANG
Haunted Philippines
МистикаA variety of Horror Experience shared by Different people in the Philippines.