"Condolence, mare," bulong ni Maria habang akap-akap si Tina.
"Salamat, mare," sagot ng humihikbing si Tina. "Pero, buti na rin ito. Ngayon, makakapagpahinga na rin si Inay. Matanda na rin naman siya."
"Bukas na ang libing, di ba?
"Oo."
Maraming tao ang nakaupo sa mga plastic na upuan sa harap ng puting ataol, lahat ay abala sa pakikipagtsismisan. Ngunit mas marami ang taong nakaumpok sa lamesa ng saklaan. Marami kasi ang gustong tumulong sa namatayan kayat ipinakikita nila ito sa pamamagitan ng pagtaya sa sakla.
Muling sinilip ni Maria ang bangkay na nasa loob ng ataol, habang tumalikod muna si Tina upang salubungin ang mga bagong dating na nakikiramay.
Ang kapal naman ng make-up. Sino ba ang gumawa nito? sabi niya sa sarili.
Nang lumapit ang mga bagong dating upang sumilip sa patay. Tahimik na umalis si Maria at dumiretso sa saklaan. Di nagtagal, maririnig ang kanyang pabulong ngunit malakas na pagmumura, tanda na, gaya ng dati, naubos na naman ang kanyang dalang pera sa pagsusugal.
"Hay, pambihirang buhay ito! Ayaw pa akong sang-ayunan ng suwerte!"
"Aling Maria," sabat ng bangka, mabuti pa siguro umuwi na kayo. Gabi na, sigurado hinahanap na kayo ni Ernie."
"Hoy, huwag ka ngang pakielamero," sagot ni Aling Maria ngunit tumalikod na rin siya at lumayo sa lamesa. Hinanap niya ang kanyang kumare ngunit hindi niya ito makita. Sa halip, napako ang kanyang mga mata sa puting ataol na naliliwanagan ng maraming ilaw at napapalamutian ng makukulay na bulaklak.
Dahan-dahan siyang lumapit sa ataol. Biglang pumasok sa kanyang isipan ang mga kinakaharap na problema. Ang kanyang asawang isang hamak na karpintero lamang. Ang kanyang limang anak na kanilang pinag-aaral. Ang kakulangan nila ng pera upang ipambili ng pagkain sa araw-araw. At ang pagtanggi ng swerte sa kanya (lalo na sa sugal).
Tumigil siya sa harap ng ataol at tinitigan ang walang buhay na katawan ng nasa loob nito.
"Lola Nita," mahina niyang sabi, "magpapahinga ka na rin, ano?" Luminga-linga siya sa paligid, tinitingnan kung mayroong nagmamasid sa kanya. Nang makitang walang nakapapansin sa kanya, ipinagpatuloy niya ang kanyang sinasabi.
"Alam niyo naman ang hirap ng buhay namin, hindi ba? Ngayon hong sumakabilang buhay na kayo, ihahabilin ko po sana lahat ng problema namin. Sana po isama niyo na sa inyong pupuntahan ang mga problema ng pamilya namin."
Biglang tumango ang bangkay.
Napasigaw si Maria ngunit agad din naman niyang natakpan ang kanyang bibig. Sa kanyang paligid, datapwat hindi niya napansin, may ilang napatingin sa kanya ngunit agad din namang bumalik sa kani-kanilang pinagkakaabalahan.
Nanlalaki ang mga matang tinitigan ni Maria ang bangkay. Wala namang nagbago sa ayos nito.
Baka imahinasyon ko lamang.
"Mare."
Bahagyang napatalon si Maria sa pagkagulat. Mabilis siyang tumalikod at nakita si Tina.
"Ayos ka lang ba, mare? Parang namumutla ang mukha mo."
"H-Ha? Naku baka pagod lang ito. Mabuit pa siguro umuwi na ako."
"O sige. Pasensya ka na hindi na kita maihahatid sa labas. Alam mo namang bawal, hindi ba?
Napangiti si Maria. Oo nga pala't pareho silang mapamahiin ng kanyang kumare.
"Sige, Mare."
Hindi muna dumiretso sa kanilang bahay si Maria. Pumunta muna siya sa bahay ng isa sa kanyang mga kaibigan upang mangutang. Nang hindi napagbigyan, malungkot na umuwi si Maria.
Muli niyang naalala ang nangyari kanina sa lamay. Sa isip niya, kita niya na tumango si Lola Nita. Hindi kaya dahil ito sa kanyang habilin?
Biglang nakaramdam ng tuwa si Maria. Kung nakita nga niya talaga ang kanyang nakita, tiyak na pagbibigyan ni Lola Nita ang kanyang hiling. Kukunin na nito at isasama ang problema ng kanilang pamilya. Sa wakas ay makakaranas na rin sila ng sagana.
Nakarating si Maria ng may ngiti sa labi. Kahit ng dumating ang kanyang asawa na ang dalang ulam lamang ay tuyo ay hindi nawala ang kanyang mga ngiti. Kahit pa humihingi ng pera ang tatlo niyang anak para ipang-project sa eskwela. Hanggang sa makatulog siya ay hindi nawala ang kanyang kasiyahan.
Isang malakas na katok ang gumising sa mahimbing na tulog ni Maria.
"Anak ng... sino ba iyong kumakatok nitong dis-oras ng gabi? Lando, tingnan mo nga iyon?" Niyugyog niya ang asawa ngunit hindi man lamang ito gumalaw. Naalala ni Maria na mantika nga pala matulog ang kanyang asawa. Padabog na tumayo si Maria at tinungo ang pinto.
"Sino ba y–"
Hindi na natuloy ni Maria ang kanyang tanong. Sapagkat sa kanyang harapan ay nakatayo si Lola Nita!
"L-Lola N-Nita!"
Ngumiti ang matandang babaeng nakatayo sa kanyang harapan. Suot-suot pa nito ang puting-puting damit pamburol nito. Puting-puti ang mga mata nito, habang naninilaw naman ang apat na natitirang mga ngipin nito.
"H-Hindi!" sigaw ni Maria. "Panaginip lang ito."
Itinaas ng matanda ang kanang kamay nito, nakabukas ang palad na inaabot kay Maria.
"A-Anong..."
Humakbang papaatras si Maria, ngunit nagimbal siya ng malamang hindi niya maigalaw ang kanyang katawan.
"Halika na, Maria. Isasama na kita." Magaspang ang boses ni Lola Nita.
"Hindi! Bakit niyo ako isasama?"
Lalong ngumiti si Lola Nita. Kitang-kita ni Maria ang gilagid ng matanda.
"Hindi ba't hinabilin mo sa akin ang problema ng pamilya ninyo?"
"H-Ha?" biglang naalala ni Maria ang sinabi niya sa harapan ng ataol. "Oo nga. Pero bakit ako ang isasama mo?"
Humalakhak ang matanda. "Hindi mo pa rin ba naiintindihan? Ikaw ang problema ng pamilya ninyo."
Walang maisagot si Maria.
"Galit ka sa masipag mong asawa. Oo nga't karpintero lamang siya, ngunit binibigay niya ang lahat ng kanyang makakaya upang buhayin kayo. Pinapabayaan mo ang mga anak mo. Hindi mo sila inaalagaan at ginagabayan. Hindi ka na nga tumutulong sa iyong pamilya, sugarol ka pa."
Gustong umiling ni Maria. Gusto niyang takpan ang kanyang mga tainga. Ngunit para siyang isang estatwa na hindi makagalaw.
"Sigurado, kapag wala ka na, makakaranas rin ng ginhawa ang iyong pamilya. Halika na."
Kinuha ng matanda ang kamay ni Maria.
"Hindi! Panaginip lang ito! Panaginip lang! Panaginip la–"
Kinabukasan, nagulat ang buong baranggay ng malamang patay na si Maria.
"Inatake raw sa puso," sabi ng isang tambay.
"Binangungot daw," sabi ng isa pa.
"Kagabi lang, andun siya sa saklaan," sabi ng tindera ng sari-sari store.
"Ngayon pa siya namatay, kung kelan libing ni Aling Nita," sabi ng tricycle drayber.
"Paano na si Lando at yung mga anak nila?" tanong ng magtataho.
"Naku, palagay ko mas magiging maayos ang buhay nila," sagot ng magbobote.
"Oo nga. Ngayon, wala na ang problema ng pamilya nila," sabi ng tanod.
--------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
BINABASA MO ANG
Haunted Philippines
ParanormaleA variety of Horror Experience shared by Different people in the Philippines.