"Tao po. Tao po."
Nakatayo si Anton sa harap ng isang bahay kubo na nasa gitna ng malawak na bukirin. Maraming naglalakihang mga puno sa paligid na nagsasaboy ng maiitim na anino kaya't mukhang takipsilim na kahit tanghaling tapat pa lamang.
"Tao po," muling kumatok si Anton.
"Sinong hinahanap niyo?"
Lumingon si Anton sa kanyang likuran at nakita ang isang lalaking nakasuot ng puting t-shirt. May edad na ito at napapanot na ang tuktok. May katabaan din ito at ang bilugang tiyan ay bumabanat sa suot niyang damit.
"M-Magandang araw po. Dito po ba nakatira si Mang Ben? Yung albularyo?" tanong ni Anton.
"Ah, ako si Mang Ben. Bakit mo naman ako hinahanap?"
"Hihingi po sana ako ng tulong. Tungkol po sa problema ng isang kaibigan."
"Ganun ba," sabi ni Mang Ben. "Halika, pasok tayo. Galing kasi ako sa kabilang baranggay at nagtawas ako."
Kahit maliit lamang ay malamig at komportable sa loob ng kubo ng albularyo. Maraming mga halaman at dahon-dahon ang nakasalansan sa isang maliit na lamesa sa gitna ng kubo.
"Oh, ano ba ang problema ng kaibigan mo?" tanong ni Mang Ben ng makahanap ng mga bangkong mauupuan nila.
"Eh, kasi ho..." hindi alam ng binata kung paano magsisimula. ""Meron po kasi akong kaibigang babae na nagugustuhan daw ng isang espiritu? Sabi ng iba, lamanglupa daw. Eh, lahat daw ng nanliligaw dun sa kaibigan ko ay nagkakasakit at namamatay."
Napahawak sa kanyang baba ang albularyo at nag-isip.
"Matutulungan niyo po ba siya?" tanong ni Anton.
"Kung gayon," sagot ni Mang Ben, "may gusto ka rin ba sa babaeng iyon at gusto siyang ligawan?'
"H-Ho?" ramdam ni Anton ang pamumula ng kanyang mga pisngi.
"Ok lang yan. Huwag kang mag-alala. Madali lamang ang problemang iyon."
"T-Talaga ho? Matutulungan niyo kami?"
"Oo naman. Ako yata ang pinakamagaling na albularyo sa probinsyang ito," sabi ni Mang Ben sabay tawa. "Mabuti pa isama mo rito bukas ang kaibigan mo."
"Sige po! Pupunta po kami dito!" tugon ng binata na hanggang taenga ang ngiti.
Kinabukasan, maaga pa lamang ay tinungo na ng dalawa ang kubo ng albularyo.
"Sigurado ka ba dito?" tanong ni Andrea.
"Oo. Si Mang Ben yata ang pinakamagaling na albularyo sa probinsyang ito!" sagot ng binata.
Sa kanilang harap ay naglalaga ng mga dahon si Mang Ben. Matapos itong amuyin ng ilang beses, sinala niya ito at pagkatapos ay dinikdik ito gamit ang isang malaking bato. Nang mapulbo ang mga dahon, binalot niya ito gamit ang isang pulang tela. Pagkatapos ay naupo siya sa harapan nina Andrea at Anton.
"Kayong dalawa, sigurado ako na kaya kayo naparito ay dahil nag-iibigan kayo."
Nagkatinginan sina Andrea at Anton at pagkatapos ay tumango.
"Mabuti yan," sabi ni Mang Ben. "Alam niyo kasi, napakalakas talaga ng kapangyarihan ng emosyon. Pag-ibig, katuwaan, galit, kalungkutan. Lalo na sa mga di-nakikitang nilalang.
"At hindi natin maiiwasan na talagang may mga nilalang na nahuhumaling sa mga tao. Madalas ay naaakit sila sa kagandahan ng isang tao, o kaya naman ay sa kabutihang loob nito. Sa kasamaang palad, ang mga nilalang na ito ay talagang seloso at mapang-angkin kaya't ayaw nilang may ibang nagkakagusto sa taong kinahuhumalingan nila.
BINABASA MO ANG
Haunted Philippines
ParanormalA variety of Horror Experience shared by Different people in the Philippines.