Lapitin

33 0 0
                                    

Halos anim na buwan pa lamang mula ng lumipat sa katapat naming apartment ang mag-asawang sina Ryan at Lovely. Kaya't laking gulat ko ng makita sila isang umaga na abalang-abala sa pag-eempake ng kanilang mga gamit at nagmamadaling isinasakay ang mga ito sa isang truck.

"Ryan, aalis na kayo?" tanong ko.

Ibinaba ni Ryan ang dala-dalang kahon. Sinilip niya ang kanyang asawa, at ng masiguradong nasa loob ito ay saka lamang siya lumapit sa akin.

"Oo. Aalis na kami," sagot niya. Para siyang balisa at hindi makatingin sa akin.

"Biglaan yata. May problema ba?"

"Naku, kahit ikuwento ka sa'yo tiyak 'di ka maniniwala," natatawa niyang sagot.

"Bakit naman?" tanong ko. "Sige na pare, baka makatulong ako."

Tinitigan niya ako, tila pinagdedebatihan kung sasabihin niya sa akin ang nasasaloobin. Makalipas ang ilang minuto ay huminga siya ng malalim.

"Pare, naniniwala ka ba sa mga multo?" seryoso niyang tanong.

"M-Multo?" nabigla ako sa tanong niya.

Muli siyang natawa. "Nakakatawa 'di ba? Wala namang mga multo. Iyan ang lagi kong sinasabi kay Lovely. Pero ayaw naman niyang makinig sa akin. Meron daw kasi siyang third eye."

"Third eye?" wala akong magawa kundi ulitin ang sinasabi ni Ryan.

"Oo. Sabi pa nga ng mga magulang ni Lovely, bata pa lang daw siya ay marami na siyang nakikitang kung anu-ano. Lapitin din daw siya ng mga ligaw na espiritu. Akala ko nga niloloko lang nila ako. Kaya nga tuwing lilipat kami ng bahay, binibiro ko si Lovely at tinatanong kung may multo ba sa bahay na lilipatan namin."

"Bakit? May multo ba diyan sa apartment na iyan?" tanong ko.

"Wala naman," mabilis niyang sagot.

"O, anong problema? Bakit kayo lilipat."

Muli niya akong tinitigan, marahil iniisip kung ano ang sasabihin.

"Naaalala mo pa ba noong naospital si Lovely? Mga dalawang buwan pa lang kami noon dito."

"Oo. 'Di ba dahil yun sa kanyang anemia?"

"Yun ang sabi ng mga doktor," sabi ni Ryan. "Pero iba talaga ang dahilan kung bakit naospital si Lovely."

Dito nga ay ikinuwento niya sa akin ang mga sumusunod

Dahil nagta-trabaho sa isang call center, sanay ng umuwi ng madaling araw si Lovely. Isang bus lang naman ang kanyang sasakyan pauwi at pagkatapos ay isang tricycle papasok sa barangay namin. Minsan nga lang, natitiyempong walang nakapilang tricycle kaya't napipilitang maglakad si Lovely. Ganoon nga ang nangyari ng gabing iyon.

Ano ba naman ito? Wala na namang tricycle, galit niyang nasabi sa sarili.

Dahil wala rin namang ibang magagawa, nagsimula na siyang maglakad. Ilang beses na siyang nagpapasundo kay Ryan, ngunit sobrang lalim kung matulog ang lalaki. Lagi kasi itong pagod pagkagaling sa pinapasukang factory. Ilang beses niyang tinext at tinawagan ang asawa ngunit talagang hindi ito magising.

Noong una ay natakot siya sa hindi pamilyar na lugar. Sa panahon ngayon, pangkaraniwan na ang nahoholdap at minsan nga ay napapatay pa. Kayat laking pasasalamat niya ng walang anumang nangyari sa kanya. Tahimik ang gabi at nagroronda ang mga tanod, na madalas niyang makasalubong. Hindi nagtagal ay naging kampante na siya kapag naglalakad pauwi. Hindi lang niya talaga maiwasang mainis lalo na kapag pagod na rin siya pagkagaling sa trabaho.

Halos malapit na siya sa kanilang bahay ng biglang matigilan. Sa ilalim ng liwanag ng isang streetlight, isang batang lalaki ang nakaupo sa kalsada. Nakatungo ito at yakap-yakap ang mga hita. Sa pakiwari ni Lovely ay nasa lima o anim na taong gulang pa lamang ang bata.

Haunted PhilippinesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon