"Saan po kayo?" tanong ng magandang receptionist kay Andrew."Sa 16th floor po. Sa Super Call Center po," magalang na sagot niya.
"Mag-iwan na lang kayo ng ID saka paki-sign na lang po dito," sabi ng babae sabay abot ng Visitor's Log kay Andrew.
Maraming tao ang nakatayo sa harap ng reception desk sa building na iyon sa Makati. Lunes kasi kaya busy ang lahat ng mga tao. Marami at iba-iba ang nilalakad. At tulad ni Andrew, marami rin ang nagbabakasakaling makahanap ng trabaho.
"Nasa dulo po ang elevator lobby," sabi ng receptionist kay Andrew matapos mag-abot ng isang ID.
Dahan-dahang naglakad si Andrew papunta sa elevator lobby. Kumakabog ang dibdib niya sa kaba. Ito kasi ang unang pagkakataon niyang mag-apply ng trabaho. Tatlong buwan pa lang kasi ang nakakalipas ng grumaduweyt siya sa kolehiyo. Engineering ang tinapos niya ngunit dahil wala namang alam na mapapasukan ay sinubukan niyang mag-apply sa call center. May ilan kasi siyang mga kaklase na nakapasok sa mga call center at malaki daw ang suweldo.
Pinagmasdan ni Andrew ang mga tao na naghihintay sa elevator lobby. Lahat naka-business attire. Mga naka-amerikana, mga naka-necktie, at nagkikintabang mga sapatos. Nakadama tuloy siya ng panliliit sa kanyang suot na simpleng asul na polo at lumang itim na slacks.
Pagbukas ng isang elevator ay mabilis na nag-unahan ang mga tao sa pagpasok. Wala na ring nagawa si Andrew kundi ang makipagsiksikan. Sa loob, tahimik lang ang lahat. Lahat naghihintay sa pagtigil ng elevator sa kani-kanilang mga floor.
Naka-ilang tigil din ang elevator bago ito huminto sa 16th floor. Dahan-dahang lumabas si Andrew, dama ang pawis sa kanyang noo. Lumapit siya sa guwardiya na nakaupo sa isang desk.
"Mag-aapply po sana," mahinang sabi niya.
"Pirma na lang kayo dito sir," sabi ng guwardiya habang itinuturo ang visitor's log na nasa ibabaw ng lamesa. Pagkatapos pumirma ay binuksan ng guwardiya ang pintuan ng call center.
Pagpasok ni Andrew ay natuwa siya ng makitang wala pang ibang aplikante maliban sa kanya. Bahagyang nabawasan ang kaba niya. Alam niya kasing ma-iilang siya kapag may mga kasabay siyang magaganda ang damit at magagaling mag-ingles. Huminga siya ng malalim at lumapit sa receptionist, na nakatayo at nakatalikod sa kanya na para bang may ginagawa.
"Good morning, mam. I would like to apply for a Customer Service Representative position," ang magalang niyang sinabi.
Hindi kumibo ang receptionist. Nakatalikod pa rin ito sa kanya, mukhang abala sa ginagawa.
"Excuse me, mam," sinimulan niyang muli. "I would like..."
Hindi niya naituloy ang sasabihin dahil biglang itinaas ng receptionist ang kanang kamay nito at pagalit na itinuro ang mga bakanteng upuan para sa mga aplikante.
Ang sungit naman nito, naiinis na nasabi niya sa sarili.
Umupo si Andrew sa isa sa mga bakanteng upuan habang ang receptionist ay bumalik sa kung ano man ang ginagawa nito. Nagmasid siya sa paligid. Maganda ang desenyo ng reception area, maliwanag at makabago. Hindi maiwasan ni Andrew na mapangiti habang iniisip na maaaring dito siya magta-trabaho.
Pinagmasdan niya rin ang abalang receptionist. Nakasuot ito ng asul na blouse at itim na mini-skirt. Mahaba at makintab ang buhok nito. Sinilip niya kung ano ang ginagawa nito ngunit sadyang hindi niya ito makita.
Makalipas ang ilang minuto ay biglang tumigil ang receptionist sa kanyang ginagawa. Mabilis itong naglakad at nagmamadaling pumasok sa isang pintuan malapit sa kanyang desk. Hindi alam ni Andrew kung ano ang kanyang iisipin. Tinitigan lang niya ang saradong pintuan kung saan pumasok ang babae.
BINABASA MO ANG
Haunted Philippines
FantastiqueA variety of Horror Experience shared by Different people in the Philippines.