Excited ang buong Team "Aloha" sa kaniling nalalapit na team building. Halos isang taon na rin kasi ng huli silang mag-out of town. Ito rin kasi ang unang pagkakataon na makakapag-team building sila na kumpleto at kasama ang lahat.
"Hoy! Overnight lang tayo doon hindi isang linggo!" sabi ng macho ngunit taklesang bading na si Leonardo ng makita ang dalawang naglalakihang bag ni Kim.
"Etchos! Siyempre kailangan kumpleto ang gamit at accessories noh," nakangiting sagot ng kikay na si Kim habang bitbit ang isang malaking bag habang ang isa naman ay suot-suot sa likuran. "Tulungan mo nga ako rito. Parang hindi ka naman gentleman niyan eh!"
"Talagang hindi!" ang tumatawang sabi ni Leonardo sabay talikod.
"Team Aloha, kumpleto na ba ang gamit ninyo? After shift lalakad na tayo para hindi na tayo ma-traffic," sabi ng team leader nilang si Anna.
"Yes, Boss!" sagot nilang lahat.
Kasalukuyan silang nasa pantry noon, nagmemeryenda habang iniintay ang simula ng kanilang shift. Maaga silang nagdatingan, lahat ay nasasabik sa pagkakataon na makapagpahinga, makapag-relax, at kalimutan ang pagca-calls.
"Robbie, honey, dala mo ba yung trunks mo diyan para makita ko naman yang katawan mo," pang-aasar ng madaldal na si Yesha.
"Maglalaway ka dahil T-Back ang isusuot ko!" sagot ni Robbie na hindi magpapatalo pagdating sa asaran.
Masayang tawanan ang pumuno sa pantry.
"Ilang oras nga pala ang biyahe papunta doon?" tanong ni Izza, ang pinakabata sa team.
"Mga two hours siguro kung hindi traffic," sagot ni Kiss. Siya kasi ang nakakaalam kung saan sa Batangas sila pupunta dahil siya ang nagset-up nito.
"Ikaw mommy, ano bang swimsuit mo diyan?" tanong ni Anna kay Mars, na siyang pinakamatanda sa team.
"Aba, two piece yata ang dala ko!" pagmamalaki ni Mars.
"Naku, di makikita namin ang mga stretch marks mo," hirit ni Robbie. Anim na kasi ang anak ni Mars.
Tawanan ulit ang lahat. Ganito talaga ang Team Aloha. Palaging nag-aasaran at nagkakasiyahan.
"Oy, malapit na tayo mag-time," sabi ni Sam, ang pinaka-tenured sa team na pitong taon na sa call center na iyon. "Baka ma-late tayo niyan."
"Opo, ninuno," pangbubuska ni Yesha.
Isa-isang nagtayuan ang Team Aloha para mag-log-in. Dito napansin ni Sam si Jean na nakaupo sa isang table sa dulo ng pantry. Nilapitan niya ito.
"Jean, andyan ka pala. Bakit hindi ka doon naupo kasama namin?" tanong ni Sam.
"Hah? Ah... eh... kadadating ko lang kasi eh," sabi ng nauutal na si Jean. Napansin ni Sam na balisa ni Jean. Para bang kinakabahan.
"Okey ka lang ba, p're?"
"O-Okey lang," sagot ni Jean na nakatitig sa malayo.
Sinundan ni Sam ang tingin ni Jean at nakita niyang nakatingin ito sa lamesa kung saan nakaupo ang team nila kanina. Pero wala ng tao ngayon doon.
"Anong tinitingnan mo diyan?" pang-uusisa ni Sam.
Halatang nagulat si Jean sa tanong ni Sam. Nangingiting tiningnan ni Jean ang katrabaho.
"Wala. Ano kasi..." sabi ni Jean ngunit bigla siyang natigilan, ang mga mata'y muling napako sa lamesa sa likod ni Sam. Sa pagkakataong iyon ay nakita ni Sam ang takot sa mukha ni Jean. Namumutla ang mukha at nanginginig ang katawan nito.
BINABASA MO ANG
Haunted Philippines
ÜbernatürlichesA variety of Horror Experience shared by Different people in the Philippines.