UHS: Chapter 3

364 11 2
                                    

Tila parang bumalik lahat ng napaginipan ko o mas magandang sabihin na alaala ko. Itong playground na 'to, ganitong-ganito ang itsura sa panaginip ko. Parang naging totoo lahat, parang naging malinaw ang lahat. Puro kasi blurred ang nasa panaginip ko nu'n.

Pinunasan ko ang mga luha ko at unti-unting naglakad ang mga paa ko papunta sa isang swing. Naupo ako at pinagmasdan ang paligid. Simula Grade 1 palang nag-aaral na ako dito sa Phoenix University. Hindi ko nga alam kung paano ako nakapasok dito, siguro dahil sa scholarship nang University na 'to. Sikat at kilala ang Phoenix University, isa itong prestihiyosong unibersidad sa bansa. Bihira lang ang mga nakakapasok dito, it's either mayaman ka o sobrang matalino ka. Mahirap lang naman kami, ang Ate ko ang nagpapa-aral sa akin. Kakatapos niya lang mag-aral sa isang State University at balita ko may trabaho na agad siya. Hindi na ako magtataka dahil magaling at matalino ang Ate Eunica ko.

Balang araw magiging kagaya ko din siya. Napakabait ng ate ko na 'yon. Kaya mahal na mahal ko siya. Sabi nga ng mga kapitbahay namin, hindi daw kami magkamukha pero hindi ko na masyadong inisip 'yun. Para sa akin, siya lang ang ate ko at wala nang iba pa.

Natahimik ako at muling naisip ang nangyari sa akin kanina. Mas tumatak sa isip ko 'yung ginawa ni Calvin. Mas masakit pa 'yung ginawa niya kaysa sa ginawa nila Jasmine sa akin. Ang sakit sakit isipin na pinabayaan niya lang ako. Alam ko namang wala kaming relasyon pero umasa ako. Umasa ako na kahit papaano, maipagtanggol niya ako o kahit tulungan niya ako.

Hindi naman nawawala sa isip ko kung anong meron kami. Napangiti ako ng mapait, siguro nga hanggang du'n lang ang magiging tingin sa akin ni Calvin. Bakit kasi umaasa pa ako? At saka ginusto ko naman ito, ginusto kong mapalapit sa kanya kaya ginusto ko din na masaktan nang ganito.

"Alice?"

Nagulat ako nang may tumawag sa pangalan ko. Nag-angat ako ng tingin at tumama ang mga mata ko sa isang pares ng kulay asul na mga mata. Ilang segundo palang kami nagkatitigan nang biglang nagsalubong ang mga kilay niya.

"Umiiyak ka nanaman"

Bigla naman akong napayuko at pinunasan ang mga luha ko. Umiiyak nanaman pala ako.

"A-Ah. Hindi napuwing lang ako." Nakayukong sabi ko dito.

Naramdaman kong naupo ito sa katabi kong swing. Bigla nalang dumilim ang paligid ko at pagkatingin ko, may isang bagay na nakapatong sa ulo ko. Hinila ko ito at inalis sa ulo ko. At saka ko lamang nalaman na isang bimpo pala ito.

"Gamitin mo na 'yan bago pa ka pa matuyuan."

"S-Salamat."

Parehas kaming natahimik. Katulad ng sinabi niya, pinunasan ko na ang sarili ko. Mamaya nalang ako maghuhugas sa restroom.

"Are you okay? Pasensiya ka na kanina hindi kita natulungan, nahuli ako ng dating."

Nagulat ako sa sinabi niya. "H-Ha? A-Ano ka ba, Kevin? Hindi mo naman kailangan gawin 'yon."

Bumuntong hininga si Kevin. Siya si Kevin Ortega. Ang best friend ni Calvin. Katulad ni Calvin, may angking kaguwapuhan rin si Kevin, mula sa makapal na kilay nito, matangos na ilong, mahabang pilik-mata at mapupulang mga labi. Halos magkasing-tangkad na din sila nito.

"Kahit na. Hindi tama 'yung ginawa nila sa'yo."

Hindi ko alam ang sasabihin ko. Si Kevin ang palaging tumutulong sa akin sa tuwing napapahamak ako. Kabaliktaran siya ni Calvin. Parang knight in shining armor ko si Kevin. Kahit hindi ko siya tinatawag para tulungan, bigla-bigla nalang siyang sumusulpot kung saan-saan para tulungan ako. Hindi ko alam kung coincidence lang ba 'yon o hindi. Pero kahit ganu'n, malaki ang utang na loob ko dito.

Under His SpellTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon