IBINABA ni Rico ang huling bote ng Strong Ice na iniinom niya nang makaramdam na siya ng antok. Mag-isa lamang siya sa bahay nila dahil nasa resthouse nila sa Zambales ang buong family niya maging ang maid, upang dalawin ang lola niyang may sakit. Bukas pa ang uwi ng mga ito. Frustrated siya dahil niyaya niya ang boys na mag-inuman ngunit tumanggi ang mga ito sa imbitasyon niya. Marahil ang lahat ay napagod sa mahabang biyahe nila mula sa pag-uwi kina Melissa.
Malalim ang hininingang pinakawalan niya nang sumaging muli sa isip niya na wala na talaga si Melissa.
"I'm sorry, Melissa..." malungkot na sambit niya, hindi niya napigilan ang mapaluha. Ang lahat ay nabigla at nasaktan sa nangyari dito.
Sumusuray na siya nang makatayo siya mula sa mini bar. Tiniyak niya munang naka-lock ang buong pinto sa kabahayan at pagkuwan ay nagtuloy siya sa silid niya sa itaas.
Ngunit bahagya siyang natigilan sa hagdan nang may mapansin siya sa landing sa itaas sa second floor. At kung hindi siya napakapit sa banister ay tiyak na tumumba siya sa pagkabigla.
Alam niyang hindi na malinaw ang tingin niya dahil naka-apat na bote na siya ng beer. Pero natitiyak niya kung ano ang nakita niya sa landing.
May nagdaang babae na nakaputing bestida. Mabilis iyon pero nahagip ng paningin niya ang mahaba at itim na itim nitong buhok.
Pakiramdam niya'y binuhusan siya ng malamig na tubig at tila nawala ang pagkalasing niya. Siya lamang ang mag-isa sa bahay at iyon ang nagbibigay ng matinding takot sa kanya.
Sino ang nakita niya?
Hindi niya alam kung tutuloy pa siya sa pag-akyat. Tila na-estatwa na siya sa kinatatayuan niya. Naramdaman niya ang biglang pagtubo ng malalamig na pawis sa noo niya.
Ngunit hindi siya maaaring manatili na lamang doon. Tinipon niya ang lakas ng loob at nagpatuloy sa paghakbang. Ngunit napadausdos siya pababa nang biglang may bumusina mula sa labas nang tatlong sunud-sunod. Mabuti na lamang at tatlong baitang pa lamang ang naaakyat niya dahil kung nagkataon ay tiyak na gugulong siya pababa ng hagdan sa pagkagulat.
Sinikap niyang tumayo. Ang kaninang takot na nararamdaman niya'y nahalinhan ng pananabik. Naisip ni Rico na seguro ay maagang umuwi ang pamilya niya.
Muling bumisina ng tatlong beses ang sasakyan sa labas.
Bagaman hindi tuwid ang lakad ay nagmamadaling inabot niya ang susi ng gate sa ibabaw ng ref at dali-dali siyang lumabas sa unahan ng bahay at binuksan ang gate.
Ngunit ang bumungad sa kanya ay hindi ang natatandaan niyang itim nilang Montero.
Kundi isang itim na karo ng patay!
NASA kahimbingan ng pagtulog na si Irene nang magmulat siya ng mga mata. Nagising siya mula sa bagay na nararamdaman niya sa binti niya. Tila ba may malamig na kung anong bagay ang nakakapit nang mahigpit sa mga binti niya.
Pumikit-pikit muna siya at binuhay ang lampshade sa end table sa tabi ng kama niya. Alas tres na ng madaling araw ayon sa digital alarm clock niya.
Inangat niya ang kumot niya upang malaman kung ano iyong bagay na nagpagising sa kanya.
Gayon na lamang ang sigaw niya nang makita niyang may nakakapit doon na mapuputlang mga kamay mula sa babaeng may mahabang buhok na tila nakaluhod sa dulo ng kama niya.
Sinikap niyang bawiin ang mga binti niya habang walang patid ang sigaw niya. Ngunit mahigpit ang pagkakapit ng kung sino man iyong nasa dulo ng kama niya.
"Ano'ng nangyayari sa iyo, Irene?"
Sumabog ang liwanag sa buong silid niya nang buksan ang ilaw ng nag-aalalang ina niya na sumugod sa kuwarto niya.
Nang balikan ni Irene ng tingin ang mga binti niya'y wala na roon ang kung sinomang nakakapit sa kanya. Ngunit ang tila nagyeyelo sa lamig na pakiramdam ay naroon pa rin at tila unti-unting gumagapang sa buong katawan niya.
"'Ma..." nangangatal na samo niya sa ina na kaagad siyang dinaluhan.
"You're shaking, anak..." Tila batang musmos na ikinulong siya nito sa mga yakap nito at saka hinimas ang buhok niya. "It was just a bad dream..."
Sunud-sunod ang naging pag-iling niya. Alam niyang hindi panaginip iyon. At alam niyang simula na iyon ng mga gabing hindi na siya matatahimik.
BINABASA MO ANG
Forget Me Not
HorrorSimula nang dalawin ng magkakaibigan na sina Kayla, Rico, Brennen, Irene, Kate at Gilbert ang burol ng kaibigan nilang si Melissa ay sunod-sunod na kababalaghan na ang naganap sa paligid nila. Maging sa Section 4D. Iyon na ang simula ng mga araw na...