Chapter Six

9.3K 312 36
                                    


"HUWAG mo nga akong takutin, Gilbert," pagalit na sabi ni Brennen sa kaibigan sa telepono.

"Dre, maniwala ka sa akin. Nakita ko ang nakita ko," mariin ang bawat bigkas ng salita ng kaibigan niya sa telepono. Mababakas ang takot dito.

Matagal na sandaling hindi nakapagsalita si Brennen. Bumabalik ang takot sa kanya kapag naaalala niya ang nakita niya sa cellphone niya na hanggang ngayon ay hindi pa niya napapaayos. Parang wala na rin siyang balak na ipaayos pa iyon.

Iyon din ang sinabi niya sa kanyang sarili. Nakita niya ang nakita niya at hindi siya namalikmata lamang.

"Alam mo ba?" pabitin na tanong niya rito.

"Na ano?"

"Hindi ko gustong dagdagan ang takot mo... pero..."

"Pero ano?"

"Ang sabi noon ng tita ko. Malas daw kapag may karo ng patay kang nakasalubong o nakita. Masamang pamahiin daw iyon."

"Bakit daw? Ano raw ibig sabihin no'n?"

"Maaaring ikaw na ang susunod na nakasakay doon sa karo."

"Gago ka naman, p're!" halos mapasigaw si Gilbert. Sandaling inilayo niya ang tainga sa telepono. "Hindi naman ako nagbibiro."

"Hindi rin ako nagbibiro," pagdiriin niya. "Alam kong natatakot ka. At oo, aaminin ko na natatakot din ako. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganitong uri ng takot. Iba sa takot kapag nanonood ako ng horror movie. Totoo itong nararamdaman ko."

"Ano kaya ang nangyayari sa atin, dre?" biglang seryosong tanong ni Gilbert.

"Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Simula nang dalawin natin ang burol ni Melissa... puro hindi na maganda ang nangyayari. Natatandaan mo ba 'yong sinabi no'ng matandang ale na nagwawalis bago tayo umalis?"

Malalim ang buntong-hinga na binitiwan ni Brennen. Sang-ayon siya rito.

"Brennen? Paano kung—"

"Huwag mong isipin iyon," mabilis na sansala niya kaagad sa alam na niyang gustong sabihin ng kaibigan. "Baka... siguro..." Ang totoo'y hindi niya rin alam ang sasabihin. Wala siyang maisip na paliwanag sa sunud-sunod na kababalaghang nararanasan nilang magkakaibigan.

"Naaalala ko na. Si Kate."

"O, ano?"

"Tiyak kong may nangyari din sa kanya. Hindi lang niya gustong magkuwento. Natatandaan mo 'yong bigla na lang siyang sumigaw?"

"Oo, oo," tugon niya na may pagtango. "Takot na takot ang hitsura niya, 'di ba—" Naputol ang pagsasalita niya nang may kumatok sa pinto ng silid niya nang tatlong beses na magkakasunod.

"O, bakit?" tanong ni Gilbert nang mahalata nito ang biglang pagtahimik niya.

Humigpit ang pagkakahawak ni Brennen sa telepono. "May kumatok sa pinto ng kuwarto ko."

"Akala ko naman kung ano na."

"Gilbert..." Napalunok siya sa takot na biglang bumalot sa buong katawan niya. Tila may yelo sa lamig na gumuhit sa likuran niya at bigla siyang nangilabot.

Forget Me NotTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon